STORY 1 : ATAUL

7.2K 207 11
                                    

-----

Ipinasok ang isang makintab na abuhing ataul sa loob ng shop. Magkatulong sa pagbubuhat sina Epoy at Jun. Nakatanaw naman si Donnie sa dalawang kaibigan. Nakatayo siya sa pinto sa loob ng shop na dugtong ng bahay nila. May hawak siyang baso ng mainit na kape.

Makintab ang ataul pero sigurado siyang hindi bago. Napailing siya.

“Pang, bumili na naman kayo kay Tata Golyo?” usisa niya sa ama na kasunod na pumasok sa shop.

Alas siyete pa lang ay pawisan na si Mang Ramon.

“Oo. Mura ang bigay niya e. At magandang kahoy ang ginamit dito sa ataul. Sayang naman kung palalampasin.” sagot ng ama niyang sumulyap lang sandali sa kanya. Nagmuwestra ito kina Epoy at Jun kung saan ipapatas ang kabaong.

Maliit ang bayan nila. Maraming matatanda pero bihira ang patay. Kumikita ang punerarya nila dahil sa tatlong bayan na magkakatabi, sa kanila ang pinakamalaki, pinakamapagkakatiwalaan at siyempre, may pinakamurang kabaong. May karo rin silang ginagamit sa pagseserbisyo sa mga namatayan.

Pero kahit na ganun, sa tingin niya ay kalabisan pa rin ang madalas na pagbili ng Papang niya ng kabaong kay Tata Golyo. Wala kasing may alam kung saan kinukuha ng matanda ang mga kabaong. Wala naman itong pagawaan.

“Kung anu-ano na naman siguro ang iniisip mo. Lumapit ka para makita mo ang pagkakagawa ng isang ito.” aya ng ama niya sa kanya.

Nag-aalangan man ay lumapit siya. Pinasadahan niya ng tingin ang ataul na nasa ikalawang patungan nakaayos. Makintab na abuhin. Makinis ang panakip. May mga kakaibang ukit sa pahabang katawan. Parang mga ukit ng mga ugat ng puno, simbolo ng tao, silahis ng araw at mga lumang salita. Hinaplos niya ang ukit. Parang antigo ang disenyo.

“Ano? Maganda, di ba?” sabi ng Papang niya. Nakangiti ito. Puno ng kumpiyansa.

“Oo na, Pang.”

“Mang Ramon, napipilitan lang si Don sumang-ayon a! Nadadala ata sa bali-balita tungkol kay Tata Golyo e.” tukso ni Jun. Nakasando lang ito at malambot na shorts. Ang laki ng ngisi nito sa kanya.

Tsismis na iyon noon pa man. Naghuhukay at nagnanakaw lang daw ng ataul si Golyo sa mga kalapit na sementeryo. Kasabwat daw nito ang mga sepulturero.

“Hindi no. Pero siyempre, nagtataka ako kung saan niya kinukuha. Hindi naman basta lumilitaw ang ataul tapos walang pinanggagalingan.” depensa niya.

“Kawawa yung matanda na pinag-iisipan mo ng ganyan. Lahat naman ng binibili ko sa kanya ay magagandang klase. Saka nang minsan kong tanungin, may nagbabagsak lang din daw sa kanya. Iyon ang aktwal na pagawaan. Pero siyempre, hindi niya ipakikilala sa akin. E di, nawalan siya ng kita kung nakadiretso tayo.” pagtatanggol ng Papang niya.

“E, wala pa naman ho atang nagrereklamo o nagbabalik?” si Epoy iyon. Parehas ni Jun ang suot nito. Nakangisi rin sa kanya.

“Wala pa naman.” amin niya. Pero sino naman ang mag-uusisa ng mga ataul na hihigaan lang ng ililibing?

Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Where stories live. Discover now