Story 2 : Kandila part 2

3.9K 170 23
                                    

A/N : Pasensiya na kung maiikli ang update ko rito ha. Tsk. :)
And yes, I'm apologizing to you, Cyron! Hahaha. XD

-----

“Naku... may naglalaro ngang espirito sayo, Marte.” makahulugang sabi ni Aling Francia sa kanya. Isang magtatawas. Tutok ang tingin nito sa hawak na puting plato na may anino ng uling ng kandila. Halos malaglag sa tungki ng ilong nito ang maliit na salamin. “Ito... may lalaking espiritong lumitaw.”

Lumapit ang may katandaang babae sa kawayang papag kung saan siya nakaupo. Nakahalukipkip siya kahit na nakadyaket. 

Inilapit sa mukha niya ang plato ng pagtatawas. Bilog iyon at puring puti. Dating may guhit na tatlong krus sa langis. Nakaayos ang krus na parang triyanggulo. May isa sa tuktok at tig-isa sa kanan at kaliwang. Idinarang sa ilaw ng apoy ng kandila ang krus na langis. Dinikitan ng uling. Naroon daw sa tatlong krus na uling ang larawan ng bumabati o nakabati sa kanya.

“Itong nasa tuktok o... nakikita mo? Lalaki yan. Yan ang masamang espirito.” anito sa kanya. 

Tumatango siya kahit hindi niya nakikita ni naihuhulma man lang sa isip ang itinuturo nito. Ang mahalaga ay matapos ang seremonyas. Ang alam niya, kapag naipakita sa kanya ang mga bumabati raw o nagpaparusa, iguguhit na sa iba’t ibang parte ng katawan niya ang tanda ng krus. Pagkatapos, gagaling na siya at hindi na makakalapit ang mga espirito.

Kinailangan niyang magpatawas dahil sa mga sunod-sunod na pangyayari nang mga nagdaang araw. 

Apat na araw na mula nang ilibing sa tapat ng bahay niya ang isang bangkay na hindi niya kilala. Ayon sa lapida, ito ay si Agustin Timulog. Sinasabi sa nakaukit na taon na namatay ito sa edad na siyamnapu’t dalawa. May Latin na nakapalibot sa lapida nito. May mga kulot at hindi mawari na simbolo ang nakadisenyo.

At apat na araw na rin na nakaririnig siya at nakararamdam ng dumadamping palda o malakulambong tela sa balat niya. Napapanaginipan niya rin ang maputi at nakangising mukha na nakita niya noong araw ng libing. At tuwing alas sais... isang malaki at itim na aso ang umaalulong habang nagkakaykay sa puntod ng hindi kilalang bangkay. At mula alas sais ay magkakalagnat siya, manginginig maging sa mahinang dapyo ng hangin at maninigas ang katawan.

“Ito naman o... tingnan mo...” turo naman ni Aling Francia sa uling ng krus sa kaliwa, “- lalaki uli hane. Para ngang nakakahawig mo pa.”

Pinigil niya ang pag-iling. Kung wala itong makikitang babae sa isa sa mga krus sa pagtatawas nito ay hindi niya babayaran ang matanda.

“Ito hong nasa kanan?” una na niyang turo. “Anong nilalang ho iyan? Babae ho ba?”

Umiling si Aling Francia. “Hindi naman ito tao e. Tingnan mong mabuti o...”

Tumitig siya sa uling. Wala siyang mabuong imahe roon.

“Ano ho ba?”

“Kabaong yan, Marte.” anito na tumingin pa sa kanya na parang nagbababala.

“Aling Francia naman... nakita n’yo naman na sa sementeryo ang trabaho ko. Mababati pa ba naman ako ng kabaong? E pagkadami-daming kabaong dito e.” malumanay na sabi niya sa mas matandang babae.

“Hindi ko alam, Marte. Pero... hindi nagsisinungaling ang pagtatawas.”

Nag-iwas siya ng tingin. 

‘Pero kayo... baka nagsisinungaling.’ aniya sa isip.

“O, siya... ipapahid ko na ito sayo para makauwi na rin ako. Mag-iikapito na rin ng gabi. May kalayuan pa ang lalakarin ko.”

“Sige ho, Ale.” aniya.

Dinutdot ng matandang babae ang uling sa tatlong krus. Bumulong-bulong. Pinaghalo. Pagkatapos ay nagdasal pa uli ng maikli sa katapat na altar bago siya pahiran ng uling sa noo at iba pang parte ng katawan.

Masama man ang loob ay nag-abot siya ng isandaan dito. Ihinatid niya pa ang ginang sa pinto ng maliit na bahay niya.

“Hindi ka masyadong nanginig ngayon, hane? Ang sabi mo sa akin ay inaabot ka ng sobrang panlalamig kapag nag-alas sais na a.” pahabol na kwento nito. Nasa labas na ito, nakatayo sa pagitan ng pinto niya at ng libingan ni Agustin.

Nanatiling nakatayo sa pinto si Marte.

“Oho. Mas magaan nga ngayon ang pakiramdam ko. Hindi ako nagkikisay sa lamig.” sang-ayon niya. Atat na siyang umuwi na ang matanda. Naninigas na naman kasi ang balikat niya at likuran.

“Baka makabuti sayo kung magsisindi ka ng kandila tuwing mag-a-alas sais at magdadasal kahit kaunti.”

“E para saan naman ho?” usisa niya rito.

“Aba! Puro masasamang espirito ang bumabati sa iyo. At kabaong! Habang nakatira ka rito sa sementeryo! Baka kako...” naging malumanay ang pagsasalita nito. “Baka kailangan mong ipagdasal ng kaunti ang mga espiritong hindi matahimik dito sa sementeryo.”

Napatango-tango siya. “Sige ho. Susubukan ko ho.” sabi niya rito. Marami naman siyang kandila. Susubukan niyang magsindi at magdasal minsan.

Tumango ang matanda at naglente sa dadaanan. Bahagya na kasing madilim ang sementeryo. Patay din ang buwan.

Gumaan na ng kaunti ang likod at balikat niya. Magsasara na siya ng pinto nang lumingon ito at nakatawang magsabi.

“Siya nga pala, Marte! Sa susunod ay ipakilala mo naman yang dalagang laging nakayapos sa iyo, ano? Hindi ko alam kung paano ko kakausapin e! Hindi nasagot!” sabi nito at kumaway.

Nanlamig siya. 

Nag-iisa siya sa bahay. Sinong dalaga ang sinasabi nito?

Nakuyom niya ang kamao nang tumama sa binti niya ang pamilyar na malakulambong tela. Hindi siya kumilos sa pagkakatayo. Pumikit siya at tahimik na nanalangin sa isip. Huminga siya ng malalim. At nang magmulat siya -

Kaharap niya ang babaeng nakaitim na damit at malaki ang ngisi. 

Pumalatak ito ng tatlong ulit. Malaki ang boses nang magsalita.

“Amen.” #

---------

To be continued...

Kwentong Hukay Book 2 (Completed)Where stories live. Discover now