24 --- Kiss of a Demon

28.4K 1.3K 316
                                    


"Ikaw ang magiging kabayaran. Hihintayin kita, Leah."

________ _ _ __ 

TUMAYO AKO at nagmadaling lumayo sa mga taong nakapaligid sa akin. Hindi pa rin mawala sa isipan ko ang taong iyon.

Lucifer ... Lucifer.

Pangalan palang niya, labis na pangingilabot na ang nararamdaman ko.

Hindi ko na nabili ang dapat kong bibilhin at umuwi na ako. Kailangan kong makausap agad sila Damasen patungkol sa nangyari sa akin kani-kanina lang. Masyadong mabilis ang lahat ng nangyari pero sigurado ako sa mga nasaksihan ko.

Kilabot pa rin ang nararamdaman ko hanggang sa ngayong nakasakay na ako ng tricycle. At hindi ko pa rin mapigilan ang lumingon-lingon sa paligid.

'Yung Lucifer na iyon ... pinasilip niya sa akin ang impyerno?

Biglang tumigil ang tricycle na sinasakyan ko. Tinignan ko lang ang driver nang bumaba siya at silipin ang gulong ng tricycle niya.

"Miss, pasensiya ka na. Na-flatan tayo ng gulong. Pwede ba kitang ibaba na rito sa kanto para simulan ko nang itulak ang tricycle ko sa pagawaan?" Maayos na wika sa akin ng tricycle driver. "Maayos naman 'to kanina, eh." Narinig ko pang bulong niya.

Bumaba ako at ibinigay sa kanya ang bayad ko, pampadagdag man lang sa pagpapagawa niya ng gulong.

Nagsimula na kong maglakad palayo habang yakap ang sarili ko dahil sa lamig. Ilang beses akong napalingon sa tricycle driver na ngayo'y itinutulak ang tricycle niya palayo.

Malapit na rin naman ang bahay ni—

Isang malakas na sigaw ang nagpatigil sa akin sa paglalakad. Muli akong lumingon ngunit wala na ang tricycle driver at naiwan lamang doon ang sasakyan niya. Sa sandaling iyon, alam ko na ang dapat kong gawin—ang tumakbo.

Walang tao sa paligid at tanging tahol lang ng mga aso ang naririnig ko habang ako'y  tumatakbo. Natatanaw ko na ang bahay nila Lucas hanggang sa ginawa ko ang isang bagay na hindi ko dapat gawin.

Lumingon ako.

Napatigil ako sa kinatatayuan ko habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa nilalang na nasa harapan ko na mismo.

Hindi ako makahinga.

Nakatitig sa akin ang pulang-pula na mga mata niya. Ang balat niya ay puting-puti ngunit may usok na nanggagaling dito. Unti-unti siyang ngumiti. At sa kanyang pagngiti ay tumulo nang tumulo ang dugo mula sa kanyang bibig.

Ramdam ko ang pagtayo ng aking mga balahibo.

"Nakita na rin kita, Leah." Wika niya habang ngiting-ngiti sa akin. "Ikaw ang magiging kabayaran. Hihintayin kita, Leah." Hahaplusin niya sana ang pisngi ko ngunit agad na may humatak sa akin.

"Anong ginagawa mo riyan?"

Napalingon ako kay Ares na mukhang nag-aalala.

"A-Ares! Iligtas mo ako sa kan—" Ngunit sa muling pagtingin ko sa harapan ko ay wala na ang nilalang na iyon. At isang aso na lang na nakaupo sa harapan ko ang bumungad sa akin. 

Napataas ang kilay sa akin ni Ares noong tumingin lang ako sa kanya na takang-taka.


 "Iligtas kita sa ... aso?" Tanong sa akin ni Ares habang nakataas pa rin ang kilay. "Gutom ka ba, Leah?" Tumalikod na siya at papunta na sa bahay ni Lucas. Sinundan ko lamang siya habang nagtataka pa rin sa nangyari.

 Sigurado ako sa nakita ko. Ngunit hindi siya iyong bokalista kanina sa plaza. Iba ang nagpakita sa akin nito lang. Mas nakakatakot. Mas malakas. Mas nakakapangilabot ang presensya.

Let Me Tell You About Lucas | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon