Kabanata 1: Akademya ng Bughaw na Dragon

11.1K 376 19
                                    


Sa isang parte ng malaking eskwelahan na tinatawag na 'Akademya ng Bughaw na Dragon' ay matatagpuan ang isang bata.

Sa kanyang itsura at tindig ay iyong mapagtatanto na ang kanyang edad ay hindi pa lumalagpas ng labing-lima.

Sa kasalukuyan ay nasa loob siya ng isang malaking silid na pagmamay-ari ng akademya. May bitbit siyang timba at basahan na ginagamit niyang panglinis sa malaking silid na iyon.

Ang silid na iyon ay isa sa mga silid na nagsisilbing lugar ng pagsasanay ng bawat mag-aaral ng akademya. Kung tatantyahin ay kayang mapagkasya ang higit dalawang daan katao at may lugar pa sa bawat pagitan nila upang makapagsirko sa loob nito ang bawat isa sa kanila. Ganyan kalaki ang kasalukuyang nililinis ng bata.

Gayunman ay mapapansing nakangiti ang mga labi ng bata. Hindi dahil sa natutuwa siya sa ginagawa, sanay naman na kasi siya sa gawaing iyon, ngunit dahil sa kasalukuyan niyang iniisip sa mga sandaling ito.

"Ayos! Kaunti nalang at matatapos ko na ito. Makapagsisimula na ulit akong magsanay!"

"Sa oras na makatuntong ako sa ikatlong baitang ng 'Spirit Absorbing Stage' ay maaari na akong makapasok bilang isang ganap na mag-aaral ng Akademya. At 'di maglalaon ay magiging isa ako sa pinakamahusay na mag-aaral dito!"

May ningning sa kanyang mga mata habang iniisip ang maaaring mangyari sa oras na matupad na nga ang nabanggit niya.

Ilang minuto pa ang lumipas ay makikitang palabas na ng silid ang bata, bitbit pa rin ang timba at basahan na ginamit niyang panglinis. Pagkatapos maitabi ang mga gamit ay nagsimula na siyang maglakad patungo sa lugar ng kanyang pagsasanayan, ang kanyang silid.

May mangilan-ngilan na mga kabataan at nakatatanda ang nasasalubong niya sa daan patungo sa kanyang silid, sila ang mga mag-aaral at mga guro ng Akademya. Dahil hindi siya ganap na mag-aaral ng akademya ay kailangan niyang magbigay galang maging sa mga mag-aaral na isa o dalawang taon lamang ang tanda sa kanya.

Ang Akademya ng Bughaw na Dragon ay isa sa hindi mabilang na paaralan sa mundong ito. Hindi tulad ng normal na paaralan na ang itinuturo ay iba't-ibang bagay na makatutulong sa buhay na tatahakin ng isang mortal, ang mga paaralan sa mundong ito ay gumagabay at nagtuturo ng kaalaman sa daang tatahakin upang maabot ang maalamat na pagiging 'immortal' sa pamamagitan ng paglinang o pag-cultivate ng kani-kaniyang ispiritu, kaluluwa at katawang mortal.

Ngunit sa haba ng proseso upang maabot ang alamat na iyon, sa ilang libong taon na mula ng maitayo ang Akademya ng Bughaw na Dragon, ay wala pang ni-isa na naabot iyon, maging ang pinakaunang pinuno ng Akademya na siyang nagtatag nito ay hindi naabot 'yon. Subalit kahit na ganoon ay sumikat at nakilala pa rin ang pangalan at mga nagawa ng tagapagtatag ng Akademya noong nabubuhay pa siya.

Noong mga panahon ding iyon nakilala ang naturang Akademya na naging sentro noon ng mga naghuhusayang kabataan na gustong sundan ang yapak ng pinuno.

Ang batayan ng pagiging isang 'Cultivator' o Manlilinang ay ang kakayahang malanghap ang ispiritwal na enerhiya na natural sa mundong ito.

Sa oras na tumuntong ang mga bata sa edad labing-tatlong taon ay maaari na silang makapagsimulang magsanay bilang isang cultivator.

Ang unang tuntungan sa mundo ng paglilinang ay ang tinatawag na Paglanghap o 'Spirit Absorbing Stage' .

Ang proseso nito ay ang batayan ng pagiging isang cultivator, ang paglanghap sa ispiritwal na enerhiya ng mundo sa kani-kanilang katawan.

Mayroon itong sampung baitang o level, subalit matatawag lang na ganap na cultivator ang isang tao sa oras na maabot niya ang ikatlong baitang nito.
Kaya gayundin ang batayan ng pagiging estudyante ng Akademya, maaari rin kasing walang talento ang isang tao pagdating sa paglilinang na hanggang sa pagkamatay nila ay hindi nakatutuntong sa ikatlong baitang ng Paglanghap.

Immortal AscensionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon