Kabanata 26: Sa Pagbalik ng Kamalayan

3.5K 220 7
                                    


Sa muling pagmulat ng mata ni Jeremiah, kisame ng kanyang silid ang nabungaran niya. Luminga siya sa kanyang paligid at nang mapansin niyang siya lamang ang nasa silid ay sinubukan niyang gumalaw.

"Anong nangyari? Ibig bang sabihin ay nabuhay ako laban sa Low-Ranked Absorber Type? At papaanong nakabalik ako rito?" Napansin niyang mabigat pa rin ang kanyang katawan subalit karamihan sa naging sugat niya ay naghilom na. Sinubukan niyang alalahanin ang mga huling sandali niya sa gubat.

Pinauna niyang makatakbo si Marie pagkatapos ay hinarap niyang mag-isa ang mga hayop. Hindi niya kinaya ang mga 'yon lalo na ang Low-Ranked Absorber Type, at nang nasa bingit na siya ng kamatayan ay may boses na bumuntong hininga mula sa kaloob-looban ng kanyang katawan.

Nang makarating ang pag-alaala niya diyan, agad na pumasok sa isip niya ang misteryosong kahon!

Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa, pinikit niyang muli ang kanyang mata at doon sa kanyang kalooban pinaglakbay ang kanyang kamalayan.

Sa kasalukuyan ay hindi pa siya ganoon kakumbinsido na ang huling bahagi ng kanyang alaala ay totoo. May tsansa na gawa ng pagkakalagay niya sa bingit ng kamatayan ay nakagawa siya ng ganoong pantasya. Marahil ay wala na talaga siyang malay ng mga sandaling iyon at may sumagip lamang sa kanyang buhay bago siya tuluyang kitilin ng mga hayop.

Nasa ganyang takbo ng isip ang bata nang makarating ang kamalayan niya sa likod ng kanyang puso. Nandoon pa rin ang harang na siyang pumipigil sa kanya upang makalapit sa misteryosong kahon. Tulad nang una niyang pagsiyasat, tanaw pa rin mula doon ang kahon. Dahil hindi siya kasalukuyang lumalanghap sa mga sandaling ito, nakalutang lamang ang kahon doon at walang kakaibang bagay ang mapapansin maliban sa mas makapal na ang usok na nagtatakip sa kung anumang nasa loob no'n!

Malinaw pa ang mga sinabi ng boses sa kanyang isipan, kaya nagnanakaw ng enerhiya ang kahon ay upang makaipon ng sapat na enerhiya ang kung anumang nasa loob no'n. At dahil nga sa ginawang pagsagip sa kanya nito, nagamit lahat ang natipon nitong enerhiya. Kung hindi nga pantasya ang alaala niyang iyon, kailangan niyang kumpirmahin!

'Naalala ko pa ang reaksyon ng kahon nang pinagmasdan ko ito
noong lumalanghap ako ng ispiritwal na enerhiya sa gubat. Kung lalanghap ako ngayon at makitang may pinagbago ang reaksyon nito, malamang ay hindi nga pantasya ang lahat ng iyon!'

Nang maisip niyang subukan ang magiging reaksyon ng kahon ay mabilis niyang binawi ang kamalayan upang maisaayos ang katawan niya sa pinakaepektibong posisyon ng paglanghap.

Akma na siyang babangon at mauupo nang bigla siyang matigilan.

Kasabay ng pag-alaala sa isa pang sinabi ng boses, ang paningin niya ay napako sa direksyon ng pintuan ng kanyang silid. Hindi dahil sa may napansin siyang kakaiba sa pintuan kundi dahil nararamdaman niya na may paparating at ilang sandali na lamang ay magbubukas ang pinto ng kanyang silid!

Hindi naman siya nagkamali dahil makalipas ang ilang segundo ay bumukas nga ang pinto at mula doon ay pumasok ang isang dalaga, kumpara sa suot niya noong nasa gubat pa sila at nagsasanay, mas lumitaw  ngayon ang kagandahang taglay ng dalaga, lalo na't wala na ang itim na telang nagtatakip noon sa kalahati ng kanyang mukha. Ang dalagang pumasok ay walang iba kundi si Marie. May bitbit itong palanggana na may lamang tubig, sa loob no'n ay may kapiraso rin ng tela na nakababad.

Nang makita niyang gising na si Jem ay agad niyang itinago sa kanyang likuran ang bitbit pagkatapos ay pakunwaring umubo bago tumingin muli sa bata at magsimulang magsalita.

"Oh. Nagising ka na pala bata. Bakit tila nakakita ka ng multo ha?" bungad nito dahil ang itsura ng bata ay tila natulala na may halong pagkabigla sa pagdating ng dalaga.

Immortal AscensionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon