Kabanata 15: Krisis sa Unang Araw ng Pagsasanay

3.2K 222 2
                                    


Ang Gubat ng Mababangis na Hayop ay nakaposisyon sa loob mismo ng pananggalang ng Akademya ng Bughaw na Dragon. Mula sa labas ay nagpasok sila nang ilang ordinaryong mythical beast.

Sa ilang taon na lumipas, hinahayaan nilang magparami ang mga mythical beast na narito upang maging kasangkapan sa pagsasanay ng mga mag-aaral ng Green Dragon Sect. Magkagayonman ay hindi hinahayaan ng punong gurong si Claude na magkaroon ng mythical beasts na mataas ang dalang panganib tulad ng Low-Ranked Absorber-type Mythical Beast o higit pa. Bago ang araw ng pagsasanay, inuutusan niya ang mga gurong namamahala ng magaganap na pagsasanay upang ialis sa gubat ang mga mythical beast na naging isa nang Low-Ranked Absorber-type Mythical Beast upang tanging mga ordinaryong mythical beast na lamang ang makakaharap ng mga mag-aaral.

Ang tanging pinangangambahan nalang nila ay kung sa loob ng isang linggong pagsasanay ay mayroong mythical beast na makasampa na bilang isang Low-Ranked Absorber-type. Tiyak na ikamamatay ng maraming mag-aaral kung mangyayari 'yon kahit na agad na rumesponde ang mga nagmamasid na guro.

Sa loob ng gubat, hindi kalayuan sa pader na pinanggalingan ng mga guro at mag-aaral ay maririnig ang iba't-ibang ingay. Mula sa pag-ungol ng mga mythical beast hanggang sa ungol ng isang mag-aaral na nasaktan ng kinakalabang hayop.

Isang anyo ng tao na nakabalot sa kulay bughaw na ispiritwal na enerhiya ang makikitang hiwalay sa ibang grupo na ngayon ay tinatahak ang daan patungo sa direksyon na pinanggagalingan ng pag-ungol ng isang hayop. Mabilis ang galaw ng anyo na tila hanging dumadaan lang sa mga nagtataasang damo ng gubat.

Ang anyong ito ay walang iba kundi ang batang si Jem!

Bitbit ang kanyang sandata ay nakahanda na ito anumang oras na maabutan niya ang hinahabol na tunog na nagmumula sa mythical beast.

"Ibang klase ang mythical beast na 'yon. Nang makita ako ay agad na kumaripas ng takbo. Kung hindi ko siya maaabutan ay baka magtawag iyon ng kalahi at balikan ako."

Nakakunot ang noo niya habang nakatitig sa direksyon ng hayop. Isa kasi sa paalala ng gurong tagapamahala na kapag agad na tumakbo ang isang mythical beast, dapat habulin 'yon kung hindi ay babalik 'yon kasama ang buong pamilya. Pwede ring tumakbo na rin sa kabilang direksyon kung hindi kampanteng mahahabol ang hayop.

Pinili ni Jem na habulin ito dahil bukod sa kampante siya sa bilis niya, ang mythical beast na tumakbo ay ang pinakamabagal na uri ng mythical beast sa buong gubat, ang Huskless Boar.
Isa itong baboy ramo na kasing tangkad ng isang tao, wala itong sungay na maaari sanang sandata nila. Maikli lang ang mga binti nito at mabigat ang buo nitong katawan na dahilan ng kabagalan nito. Gayunman ay matalas ang mata at pandinig nito kaya bago pa man makalapit si Jem ay nakatakbo na ito.

Habang tumatakbo ay pinaikot ni Jem ang kanyang ispiritwal na enerhiya na ibinalot sa kanyang mga binti upang mas mapabilis pa ang pagtakbo niya.

Swooosh!

Makalipas ang ilang minutong habulan ay tanaw na niya ang hayop. Lilinga-linga ito sa kanyang paligid bago muling tumakbo.

Matataas ang damo sa parte ng gubat na ito kaya nahihirapan rin si Jem dahil kapag mawalang muli sa kanyang paningin ang hayop ay mahihirapan na siyang mahanap ulit ito lalo na't naririnig na niya na may iba nang mythical beast hindi kalayuan sa kanila.

Muling umikot ang ispiritwal na enerhiya sa katawan niya kasunod noon ay ang pagbabago nito na siyang nagpagana sa kanyang Movement Technique na Dragon's Agility. Naghugis dragon muli ang bughaw na enerhiyang nakabalot sa kanyang katawan na siyang nagpagaan at nagpabilis ng kanyang pagtakbo.

Ilang segundo lang ang lumipas ay nakalabas na sila sa mataas na damo at doon na rin niya naabutan ang hayop.

Hindi na siya nagsayang ng oras nang mabatid niyang abot na ng kanyang sandata ang hayop, agad niyang pinakawalan ang kanyang abilidad.

Immortal AscensionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon