20: "Awit ng Kahapon"

129 13 0
                                    

"Hindi ba siya si Richard?" Sambit ng isang dalaga.

"Sinong Richard?" tugon ng kasama niya.

"Yung...."

Ipinikit ko ang aking mga mata at nagpatuloy sa paglalakad. Nararamdaman ko ang tingin ng mga taong aking nakakasalubong. Sa dalawang taong ikinulong ko ang aking sarili, ninais kong mapalayo sa lahat ng bagay. Ninais kong malayo sa mga bagay na magpapaalala sakin sa kanya.

"Richard, hindi naman yata tama na ganito ka na lamang. Bakit hindi ka mabuhay ng matiwasay katulad ng kanyang nais? Huwag mong parusahan ang sarili mo sa bagay na hindi mo naman kayang pigilan."

Napatingin ako sa mga taong dumadaan; mga taong aking nakakasalubong ngunit hanggang ngayon wala pa din akong maramdaman. Wala.

"Di ba ikaw si Richard Faulkerson? Di ba ikaw yun?" Tila may sumambit sakin at ako'y napatigil. Tiningnan ko ang kanyang mukha na puno ng ligaya at pananabik, emosyon na matagal ko nang kinalimutan.

"Ano ka ba, tara na...." sambit ng dalagang kasama niya.

"Ngunit, siya yan di ba? Hindi ako maaaring magkamali siya yung...."

Tiningnan ko lamang siya. Gusto kong ngumiti ngunit ang nailabas lang ng aking saloobin ay isang pagtitig sa dalawang dalagang marahil ay hindi alam kung paano kumilos sa harap ko.

"Tara na...." sambit ng kasama niya. Tiningnan niya ako "Pagpasensyahan mo na ang aking kaibigan. Isa lamang siyang tagahanga mo. Pasensya na talaga"

Silang dalawa ay naglakad palayo at narinig ko ang dalagang lumapit sa akin at nagsasabing "Sayang naman siya no? Malaki pa ang potensyal nya upang hangaan ng mas higit pa ng nakararami kung hindi lang...."

Ako'y napagbuntong hininga "Kung hindi ko lang hinayaan na masira ako ng aking kalungkutan..."

Marahil ay sinasabi ng iba na dapat lamang akong bumangon at maging matatag. Marami sigurong nagsasabing bakit ko hinayaan na mawala ang lahat ng pinaghirapan ko para lang sa isang trahedyang hindi ko naman kasalanan; isang ikot ng kapalaran, sa kamay ng trahedya.

Pumasok ako sa kwarto kung saan dati rati dito ko ginugugol ang aking mga oras. Isang lugar kung saan ako ay iyong minahal, pinagpahalagaan at sinuportahan ang aking mga pangarap.

Ayokong gawin to ngunit naisip kong marahil ay tama nga sila, dalawang taon na ang nakalilipas at kailangan ko namang pahalagaan ang aking sarili at tuparin ang aking mga pangarap dahil ito ay iyong nais.

Umupo ako sa harap ng piano katulad ng mga taon na nagdaan; mga taon na nagbigay sakin ng labis na kasiyahan. Hinawakan ko itong muli katulad ng unang beses na minahal ko ito. Nakikita kong namugad na ang alikabok sa haba ng panahong hindi ko ito nahawakan. Nakita ko ang larawan nating dalawa sa taas nito at ako'y napaluha.

Maine.
Sinisigaw ka ng aking puso, Maine. Nais kitang makita, mayakap at mahagkan ngunit hindi ito maaari. Maine, hindi ko talaga kaya.

"Magaling ka talaga, Richard. Bakit hindi ka sumali sa patimpalak? Sabi dito kung sino man ang manalo siya ang kakatawan sa patimpalak sa ibang bansa!"

Tiningnan ko si Maine at ngumiti sa kanyang pagkagalak "Hindi ko pa to kaya Maine, isa itong pangarap na kay hirap abutin. Paano kung, paano kung hindi ako manalo? Hindi ko ata kayang gawin yun."

Niyakap ako ni Maine at sinabi "Naniniwala ako sa kakayahan mo, Richard. Maganda ang naisulat mong mga nota. Maganda ang awit na ito. Nararamdaman kong ikaw ay mananalo. Bakit di natin subukan?"

Bakit hindi natin subukan.

Yan ang mga katagang sinambit mo sa akin ng araw na iyun. Ikaw, na naniwala sa aking kakayahanan kahit na mababa ang tingin ko sa aking sarili. Ikaw na nasa tabi ko parati nung gusto ko nang bumitaw.

Hinawakan ko ang ating larawan at unti-unting tumulo ang aking mga luha. Bakit mo ako iniwanan, Maine? Paano ko na haharapin ang bukas nang wala ka?

"Maine!" Tumakbo ako at nang nakita kita ang ngiti sa aking mga mata ay walang lumbay. Tiningnan mo ako nang napatigil ako sa iyong harap.

"Bakit tila masaya ka ngayon, Richard?" Sambit mo sakin, mata mo'y nagtatanong. Nakita mo ang hawak kong liham at ako'y na-galak na makita ang mukha mong puno ng pagtatanong ay napalitan ng purong kasiyahan "Natanggap ka sa patimpalak?"

Ako'y tumango at napasigaw ka nang niyakap mo ako. "Kasama daw ako sa patimpalak sa susunod na buwan." Niyakap mo ako at hinagkan. "Bakit ka umiiyak?" Tinanong kita.

"Masaya lang ako na sa wakas ito na ang katuparan ng iyong mga pangarap."

Aking mga pangarap.

Ngunit Maine, kasama ka sa aking mga pangarap. Ano ang saysay na matupad ko ito kung wala ka naman sa aking piling? Anong saysay ng lahat ng ito kung ang aking puso ay maghihinagpis ng pang habang buhay?

"Sabi mo sakin nandito ka na pag nasalang na ako sa entablado. Lalo akong kinakabahan nito eh." Mariing sambit ko sa telepono.

"Kaaalis ko lang ng bahay. Alam ko namang kaya mo yan, Richard. Alalahanin mong nandito lamang ako sa likod mo ang iyong suporta. Parati kitang susuportahan"

"Kapag natapos na akong tumugtog dapat nariyan ka na ha? Kinakabahan talaga ako"

"Kaya mo yan. At ikaw ang mananalo, naniniwala ako sa kakayahanan mo. Magkita na lang tayo mamaya, aalis na ako."

"Mahal na mahal kita, Maine tandaan mo yan."

"Ako din mahal na mahal kita. Kaya mo yan. Naniniwala akong kaya mo yan."

Ang gabing iyon.

Tinitigan ko ang piano na nasa harap ko at unti-unting tinipa ang piano na kinalimutan ko ng dalawang taon. Naalala ko pa ang aking kaba, ang kasiyahan ko sa pagtugtog ng aking piyesa at ang mainit na pagtanggap ng mga taong nakarinig nito.

Do....Re.....Mi....
Habang tinitipa ko ang piano sa aking harapan hindi ko maiwasang maluha at maalala ang lahat-lahat

"Ang galing mo, Richard. Sinasabi ko na nga ba na ikaw ang mananalo. Yung piyesa mo, may puso."

Ang awit ng aking damdamin ay saya na walang humpay. Sa wakas ito na ang katuparan ng ating mga pangarap. Hinahanap kita ngunit hindi kita makita. Muli kong tinatawagan ang iyong telepono ngunit.....

"Richard, si Maine...si Maine" sambit ng kaibigan mo sa akin. Wala akong maalala kundi pagtakbo ko sa ospital at mga luha habang nakikita ko ang iyong walang buhay na katawan.

Bakit ka naman ganyan, Maine?
Bakit mo ako iniwan?

Tinipa ko ang piano sa kauna-unahang pagkakaton sa dalawang taon na pinarusahan ko ang aking sarili.

Mahal kita.

Aking sambit habang tinutugtog ang awitin na ginawa ko para sa'yo habang tumutulo ang aking mga luha.
Ang buong pagkatao ko man ay nangungulila sa'yo, hayaan mo na sa gabing ito, mabuhay ka sa aking puso't isipan. Ang awitin na ito ay para sa'yo, ang aking buhay at katuparan ng aking mga pangarap.

Dahil habang tinitipa ko ang awit na ito nais kong malaman mo na sa pang habang buhay ikaw pa rin ay kasama sa aking pangarap.

AMACon 4 Serendipitous: DrabblesWhere stories live. Discover now