CHAPTER XXVIII

173 12 2
                                    

Agad na bumaba sa motor si Red nang makarating ito sa bakuran nila. Nagmamadali siyang pumanhik sa itaas at nagpunta sa kwarto.

Pagkadating niya sa pintuan ay napahinto siya nang makita ang itsura ni Jake habang nakahiga ito sa kanyang kama.

Awang-awa siya dito habang dahan-dahang niyang hinahagod ng tingin ang katawan nito habang humahakbang siyang papalapit. Puro pasa ang mukha nito at braso. May putok ito sa labi at mababanaag din ang marka ng natuyong dugo sa baba nito hanggang sa leeg.

Habang nililinis ni Liezle ang mga sugat nito ay makikita ang reaksiyon ng 'hapdi' kahit na nakapikit ito. Napapaungol ito marahil sa hapdi na dulot ng gamot.

"Tay! Anong nangyari? Sino may gawa nito sa kanya?" mahina ang pagkakatanong niyang iyon. Pero mararamdaman ang 'diin' ng tinig niya sanhi ng awa para kay Jake at galit sa kung sino man ang may gawa nito.

Hindi nagsalita si Tito Ariel...

Bumaling siya ng tingin kay Liezle.

"Liezle... Anong nangyari kay Jake? Sino ang bumugbog sa kanya?" ulit niyang tanong. Gaya ng una ay pinipigilan niya ang sarili mula sa galit na nararamdaman.

Hindi rin nagsalita si Liezle. Tumingin lang ito kay Tito Ariel.

"Bakit hindi kayo sumasagot?! Hindi niyo ba nakita kung sino ang mga bumugbog sa kanya? Hindi niyo ba inabutan ang mismong insidente? Saan niyo ba siya natagpuan? Saan niyo siya unang nakita? Baka naroon pa sa lugar na iyon ang mga tarantadong gumawa nito kay Jake! Sabihin niyo na kung sino may gawa nito!!!" mariin niyang saad. Medyo napataas ang boses niya sa mga huling pangungusap niya. Ang nasa isipan niya nang mga oras na iyon ay bumalik sa lugar kung saan natagpuan si Jake at magbakasakaling makita pa ang mga taong gumawa nito kay Jake. Nais niyang bumawi. Nais niyang makabawi para kay Jake.

"Ayaw ipaalam ni Jake..." sagot ni Liezle.

Dahil dito ay mabilis niyang ibinalik ang kanyang paningin dito.

"Huh!?! Bakit?" matigas pa rin niyang tugon.

 Nataranta naman si Tito Ariel sa maaaring maisagot ni Liezle kaya sumingit ito sa usapan.

"Hindi nakita ni Jake kung sino ang gumawa nito sa kanya. Hindi din daw niya alam kung saan siya binugbog. Lasing siyang naglalakad sa isang lugar nang may sumalubong daw sa kanya. Nakita ko siyang nakahandusay sa harap ng isang tindahan at walang malay. Nang magising siya saglit kanina ay sinabi niya sa aming wala daw siyang maalala..." sabad ni Tito Ariel. Sinabi nito iyon dahil pinakiusapan ito ni Jake na wag sabihin kay Red o kahit kanino kung saan ito nabugbog at kung sino ang mga nambugbog. Sinabi ni Jake iyon nang buhat-buhat ito ni Tito Ariel pauwi sa bahay. Narinig din ni Liezle ang pakiusap na iyon ni Jake. Kaya nagkasundo ang dalawang huwag sabihin ang anumang detalye ng pangyayari at pagbigyan ang pakiusap na iyon ni Jake.

Napahilamos na lamang siya sa kanyang mukha ng kanyang dalawang palad.  Saka tiningnan si Jake...

Hindi niya matagalang tingnan ang ayos at hitsura nito. Naaawa siya...

Tila sumisiksik sa ulo niya na 'kasalanan niya' ang nangyaring ito kay Jake.

"Sa susunod, kung may problema kayo ni Jake. Magsabi kayo kaagad sa akin para maiwasang maulit ang ganito." pahayag ni Tito Ariel.

Napatingin siya sa tatay niya nang marinig iyon.

Tama siya... tinititigan siya ng kanyang ama nang mga sandaling iyon. Para bagang pinag-aaralan at inaantabayanan nito ang mga ikinikilos niya. Saka niya naalala ang sinabi kanina sa kanya ni Jorix, nakita at nalaman din pala ng kanyang tatay ang tungkol sa pictures ni Jake na itinatago niya.

PICTURES OF THE PASTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon