Journey #1: When It All Began?

920 53 50
                                    




Nagsisimula ang buhay ng isang tao kapag pinagbuntis na ng isang ina ang kanyang anak. Oo, nasa tiyan ka palang ng nanay mo, may life story ka na. Nagsisimula nang isulat ang prologo ng buhay mo. Ang bawat writer ay meron ding "araw ng kapanganakan bilang manunulat." Hindi ito dated pero ito ay isang alaalang hindi makakalimutan ng isang writer habang tinatahak niya ang kanyang paglalakbay sa mundo ng pagsusulat.

Nagsimula ang aking araw ng kapanganakan bilang manunulat noong panahong wala akong iniisip kundi:

Anong flavor ng juice ang tinimpla ni Inay para sa meryenda?

Ilang Pompoms ang bibilhin ko bago umuwi ng bahay?

White Rabbit ba ang bibilhin ko o Bazooka na lang?

Sana may uwing Corn Bits si ate.

Nasaan na iyong tinago kong Mikmik?

Ghost Fighter na ba? Dragonball Z na ba?

Nasaan na ba si Julio at Julia?

Uy, Sailormoon na, uuwi na ako!

Kailan uli ipapalabas ang Bioman? Eh ang Shaider? At ang Five Man?

Hala, matatapos na ang Akazukin Chacha! Sana i-replay!

Hehehe. Marami-rami din pala akong iniisip nung bata pa ako. Akala ko kaunti lang. Noong bata ako, kausuhan ng anime at cartoons. At gaya ng lahat ng bata, masaya na akong makapanood ng anime araw-araw. Tumatakbo pa ako mula school makauwi lang bago mag-air ang mga paborito kong palabas. Kaya madalas din akong umuwi na may sugat sa binti. Ang hilig kong tumakbo, e isa pa naman akong dakilang lampa.

Akazukin Chacha ang pinakapaborito ko noon. Sa sobrang pagkagusto ko sa kwento, ayokong matapos at dumating sa puntong hindi ko na makikita sina Shiine, Riiya, at Chacha. Hindi pa uso noon ang computer at internet. Walang ways para mapanood ko uli ang anime kundi ang umasang ire-replay iyon. Kaya ang ginawa ko, isinulat ko sa papel ang bawat episode pagkatapos kong mapanood. Wala akong ideya na doon magsisimula ang pagiging writer ko. Ilang taon ako noon? Secret! Sabihin na nating kasama ako sa mga 90's kids na may makulay na childhood. Ito iyong panahong ang lahat ng mga kaklase kong lalaki ay idol si Goku at Eugene at ang mga babae ay gustong makasama sa squad ni Sailormoon.

At sa batang edad ko rin naranasan ang ma-frustrate sa pagsusulat. Grade Six ako noon nang sapilitan at walang kalaban-laban kaming pinagawa ng tula bilang project sa Filipino. Wala akong alam sa tula noong mga panahon na iyon kahit na tinuro ng aming guro kung paano sumulat ng tula. Hirap na hirap ako noon. Kailangan daw tama ang sukat, ang bilang at tugma ng mga salita. Ang alam ko lang noon ay magsulat ng episodes ng Akazukin Chacha! Anak ng tula!!!

Dahil mukhang end of the world na sa akin ang hindi makasulat ng tula, tinawag ko ang hero ko. "Inaaaaaayyyyy!" Nagpasulat ako ng tula sa nanay ko. Doon mo masasabing ang hirap pala talagang maging ina. Iyong nanay ko, walang interes sa pagsusulat iyon pero dahil di ako pwedeng bumagsak, nagsulat siya ng tula para sa project ko. Sinimulan ng nanay ko ang tula pero pinatapos niya sa akin para matuto daw ako. At oo, hindi ko lang iyon natutunan... naging hobby ko pa ang sumulat ng tula afterwards.

High school naman na ako nang makabasa ako ng true blue pocketbook... na wholesome. Syempre, sa batang edad noon, alam ko kung alin ang dapat at hindi dapat basahin. Galing sa kaibigan ko ang influence nang magpasama siya sa isang tindahan ng mga libro. Mystery-Romance ang una kong nabasa at nagandahan ako sa kwento. Doon ko naisip na gusto ko ding gumawa ng aking kwento. Gusto ko ding makita ang pangalan ko sa libro bilang author.

It's All Write: A Not So Typical Journey of a Struggling WriterWhere stories live. Discover now