Chapter 14: Gising na si Berta

10.2K 560 75
                                    

Pasado alas-singko

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Pasado alas-singko. Napakain na ng mag-amang Kanor at Wendell ang mga baboy, kalabaw at manok, at ngayo'y naghahanda na sila ng makakain naman nila sa hapunan. Nagdagdag ng takal sa sasaingin at ekstrang katay ng manok na uulamin para kina Father Markus at Brother Paul. Namaalam muna sina SP04 Rosales at P02 Casas at babalik na lang daw nang maaga kinabukasan, sa pahintulot na rin ni Hepe na nasa Anlunan Residence pa sa sandaling iyon.

Nagising saglit si Berta at nilinis ni Kanor ang mga sugat niya hanggang makatulog muli ang bata.

Lumabas ng kubo si Father Markus para manigarilyo, iniwanan siya ni Hannah ng ilang stick ng Marlboro Reds na may kasama pang bilin na kanya iyong tipirin. Mahaba pa ang araw, Father, sabi sa kanya ng psychic. Alam iyon ng pari. Marami na ngang nangyari sa araw na ito, pero wala pa iyon sa naghihintay sa kanya sa gabi. Papunta sa pamilyar na puno ay inabutan niya si Brother Paul na kakatapos lang na makipagusap sa cellphone, at ito'y lumapit sa kanya.

"Kausap ko si Father Gilberto, father. Siya ang hahalili kay Father Dacayman," sabi ni Brother Paul. "Naghahanda na daw sila para sa libing ni Father."

"Baka kailangan mo nang bumalik sa bayan?" tanong ni Father Markus.

Umiling ang brother. "Nagpaalam na ako kay Father Gilberto. Tutulungan ko kayo sa exorcism ni Berta."

Tumango si Father Markus. "Close ba kayo ni Father Dacayman?"

"O-oo," nag-aalangang sagot ni Brother Paul at siya'y umiwas ng tingin. "Bata pa lang ako na sakristan, nagsilbi na ako sa kanya."

Susundan pa sana ng pari ang tanong, pero mabilis na nagpaalam ang brother.

"Pasok muna ko sa loob, father."

"Okay."

Pagalis ni Brother Paul ay pumuwesto si Father Markus sa lilim ng puno, inangat ng tupi ang itim niyang sutana at naupo sa matabang ugat, at nagsindi ng yosi gamit ang posporo na hiniram niya kay Kanor. May banayad na hangin ang humahaplos sa kanyang mukha. Nilibot niya ng tingin ang lugar, ang bahay nila Kanor, ang ibang kubo na nasa malayo, ang malawak na sakahan, hanggang sa kung saan aabot ang kanyang paningin. Nagtago na ang araw sa likuran ng mga bundok at ang langit ay kulay dark grey. Naisip niya kung ano na kaya ang nangyayari sa Anlunan Residence, na malamang ay nagse-setup na sina Jules at Hannah ng mga kagamitan nila. Naisip niya ang mga tao na nakapanayam nila. Kay Hepe, ay naramdaman niyang mapagkakatiwalaan nila ito, na siya'y mabuting tao, tulad ni Brother Paul, bagama't pareho silang may mga sarili ring mga sikreto. Pero, sino ba'ng wala?

Tinapon ni Father Markus ang upos, tumayo't bumalik ng kubo. Sa loob, nagluluto si Kanor katulong si Wendell.

"Si Brother Paul?" tanong ng pari.

"Nasa kuwarto," turo ni Kanor. "Babantayan daw muna niya si Berta."

Sa kuwarto, nakaupo sa kahoy na silya si Brother Paul sa gilid ng kama at pinagmamasdan si Berta na natutulog. Nakapatong sa sahig ang portable lamp na siyang nagbibigay ng liwanag sa madilim na kuwarto. Tuwing tulog si Berta at wala ang dimonyo sa kanyang katawan ay normal ang temperatura sa loob, at wala rin ang mabahong amoy, bagama't nakatali pa rin ang bata sa poste ng kama pagka't walang tiyak na oras kapag bumabalik ang dimonyo.

Ang Batang Ipinanganak sa Haunted HouseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon