CHAPTER SIX

10.6K 188 3
                                    


Tinotoo nga ni Jaeden ang sinabi nito na liligawan nito ni Louise. Sa loob ng tatlong linggo ay walang palya si Jaeden sa panliligaw sa kanya.

Madalas na pinupuntahan siya nito sa Yuan's Coffee upang bigyan siya ng mga iba't ibang klase ng bulaklak na madalas ay imported pa, mga paborito niyang tsokolate at kung ano-anong Hello Kitty stuffs—alam nitong collector siya niyon. Wala itong pinipiling oras, basta maisipan nito ay nandoon ito sa coffee shop maging hanggang sa pag-uwi niya sa apartment niya dahil hinahatid din siya nito. Madalas tuloy ay kinakantiyawan siya ng mga kasamahan niya sa trabaho. Masyado raw masugid ang manliligaw niya.

At ang araw na iyon ay hindi na kaiba sa mga nagdaang araw, pinuntahan siya ni Jaeden sa coffee shop sa gitna ng trabaho niya.

"Para sa pinaka-sexy at pinakamagandang dilag sa buo at lahat ng daigdig." Nakangiting iniabot nito sa kanya ang magandang bouquet ng pink roses. It's her favorite flower.

"Bolero ka na, ang baduy mo pa. Hindi bagay sa'yo." Huminto siya sa ginagawang paglalagay ng icing sa ibabaw ng cupcake na ginawa niya kanina. Tinanggap ang ibinigay ni Jaeden. Sinamyo niya ang bango ng bulaklak. "Kulang na lang magkaroon ako ng flower shop. Inaaraw-araw mo ba naman ang pagbibigay sa 'kin ng mga ito." inilapag niya ang bouquet sa bakanteng mesa na katabi ng working table niya.

"I won't get tired of giving you something that you like. At kung kabaduyan mang matatawag ang ginagawa ko para sa'yo, wala akong pakialam kung ako na ang pinakabaduy na lalaki sa mundo. Ang mahalaga lang naman sa akin ay ang mapasaya kita."

Hindi niya napigilan ang mapangiti sa sinabi nito. Mula nang manligaw ito sa kanya ay pa-corny ito nang pa-corny. Pero cute ito pag-umaasta ng ganoon. Hindi niya nakita ang side nito na ganoon no'ng sila pa. May binubuksan itong damdamin sa kanya na pamilyar na pamilyar sa kanya.

"Bakit nandito ka na naman? Hindi mo ba nakikitang busy ako?" tanong niya rito.

"Alam ko." Sumipol ito na parang bale-wala lang dito ang sinabi niya.

"Alam mo naman pala. Nakakagulo ka lang sa 'kin, eh. Hindi ka na nahiya kay Boss Yuan. Basta-basta ka na lang pumapasok dito kahit off-limits ka rito."

"Hayaan mo na si Yuan. Malakas naman ako sa boss mo." Mahinang pinisil nito ang pisngi niya.

"Hindi ka ba kailangan do'n sa restaurant mo? Araw-araw kang nandito. Hanggang sa bahay ko, sinusundan mo ako." sadyang napaka-kulit nito.

"Ano'ng silbi ng manager na binabayaran ko para sa restaurant ko? Hindi ko kasi matiis na wala ka sa paningin ko. Gusto kitang makita sa bawat oras, bawat minuto at bawat segundo ng buhay ko. Binabawi ko lang ang anim na taon na nawala sa akin." Madamdaming saad nito habang titig na titig sa kanya.

Ang lakas ng kabog ng dibdib niya dahil sa mga ipinahayag nito. Sa mga nakalipas na araw ay hindi niya mapigilan ang sariling kiligin sa panliligaw nito na parang noon lang siya naligawan. Ngayon lang ako niligawan ni Jaeden. Anang isip niya. Totoo iyon, sapagkat noong naging boyfriend niya ito ay wala namang ligawan na nangyari.

"Magsasawa ka rin sa ginagawa mo." Sabi niya rito.

"Who says?"

"Me. We dated once, Jaeden. Alam ko ang history mo sa mga babae." He once broke her heart. Hindi niya maalis ang pagdu-duda sa intensiyon nito sa kanya. Ngunit may parte ng puso niya ang umaasa na sa pagkakataong iyon ay magiging seryoso na ito sa kanya.

Once And For Always (COMPLETE- Published 2013 under PHR)Where stories live. Discover now