Chapter 1

13.3K 270 6
                                    


Chapter 1

Minsang-minsan lang nagtanong si Lulu sa kanyang kapatid kung paano sila nagkaroon ng bahay sa Sweet Homes Residential Community. At kinuntento na niya ang sarili sa sagot nito noon: "May naging raket ako. Nagkapera ako. Binili ko ito."

Kahit gusto niyang magtanong dito kung paano ito nagkaroon ng ganoon kalaking pera, hindi na niya ginawa. Mahirap ipaliwanag kung anong uri ng relasyon mayroon silang magkapatid. Kahit na magkasundo sila ay hindi masasabing malapit sila sa isa't isa. Noon pa mang mga bata sila ay tila ba mayroon nang itinayong dingding sa pagitan nila ang Ate Katalina niya.

May mga bagay na kapag ipinarating sa kanya nitong huwag na niyang ungkatin---sa pamamagitan man ng banayad na pagdiriin ng mga salita sa tamang lugar, o sa tingin, ay tumatahimik na siya. Ang kanyang kapatid na ang nagtaguyod ng kanilang pamilya mula pa noong kinse anyos ito. Noong mga panahong iyon ay eleven pa lang siya.

Hindi nakapagtapos ng high school ang ate ni Lulu. Noon kasing mga panahong iyon ay tinawag na ito ng pangangailangan ng pamilya. Ang kanyang ama ay isinama ito sa mga trabahong hindi man niya alam kung ano eksakto ay nahuhulaan na niyang hindi ganap na legal. Ang kanyang ina naman ay nagsimula noong maging masasakitin.

At kadalasan ay silang mag-ina lang ang magkasama. Noon pa man, nawawala ng ilang linggo ang ate at tatay niya sa kanila nang hindi niya alam eksakto kung saan nagpupunta at babalik na lang na may dala nang pera. Nagtrabaho daw ang mga ito.

Ilang ulit din siyang nagtanong kung ano ba ang trabahong tinutukoy ng mga ito. Hindi sumagot ang tatay niya, ngumiti lang ito at iniba ang usapan. Hanggang sa magsawa na siya sa katatanong. Lalo na nang sabihin sa kanya ng kanyang kapatid na may mga bagay na hindi na iya dapat na inuungkat pa.

Sa kung anong dahilan, mas nangangamba siyang magtanong sa ate niya kaysa sa kanyang ama.

Nang pumanaw ang kanyang ama ay nag-aaral siya ng cosmetology sa isang maliit na technical school. Akala niya ay hindi pa niya matatapos iyon, subalit hindi pumayag ang kapatid niya. Ang sabi pa nito sa kanya ay mag-aaral siya ng kolehiyo basta't maghintay lang siya.

Sa pagkakaalam ng kanyang ina, may isang pilantropong tumutulong sa kanyang kapatid. At pinilit na rin niya ang sarili noong una na maniwala rito. Subalit dumating ang panahong hindi na niya kayang gawin iyon.

Nakapag-enrol siya sa unang semestre sa kursong education, subalit bago dumating ang enrolment ng ikalawang semestre ay tumigil na siya. Hindi niya maaaring malimutan ang araw na nagpasya siyang kahit ano ang mangyari ay hindi na siya muli pang mag-aaral kung mula sa pera ng kapatid niya ang gagastusin niya.

Isang gabi, isang kakilala ang nagpunta sa bahay nila. Noong panahong iyon ay sa Payatas pa sila nakatira. Ipinatawag daw siya ng kapatid niya. Sumama naman siya. Hindi niya alam na ang pupuntahan pala nila ay presinto. Tandang-tanda niya ang hitsura ng kapatid niya. Putok ang labi, namuo ang dugo sa kaliwang pisngi.

Kahit ganoon, nakuha nitong ngumiti sa kanya. Nagtanong siya kung ano ang nangyari dito. Ang sabi nito, "napatrobol" daw ito at huwag na siyang magtanong pa. Iyon lang at inutusan siya nitong puntahan ang isang adres, hanapin ang isang tao doon, at ibigay ang maikling sulat nito. Ibibigay daw ng taong iyon ang pampiyansa nito.

Natatakot man ay agad na siyang tumalima. Nakalabas ito ng kulungan at hindi muna umuwi sa kanila. Kabilin-bilinan nitong huwag niyang ipaparating ang nangyari sa kanyang ina. Ganoon nga ang kanyang ginawa.

Itinago niya ang isang lihim na ni hindi niya alam kung ano ba eksakto. Hindi niya alam kung saang masamang bagay kasabwat ang ate niya. Basta't alam niyang wala ito tila balak tumigil.

DARK CHOCOLATE SERIES BOOK 2: Sugary Lies, Hearts on FireUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum