Chapter 9

11.6K 284 33
                                    

Chapter 9

"Mag-ingat ka, huy!"

Pinagtawanan lang ni Lulu si Aquino at ipinagptuloy ang mabilis na pagpedal hanggang bahagya niyang iangat ang bisikleta nang makarating sa malapad sa hump ng kalsada. Nilingon niya ito at tinawanan. Kakamot-kamot naman ito ng ulo habang binibilisan na rin ang pagpedal nito.

Nitong nakaraang ilang araw ay parati siya nitong tinitiyempuhan. Mula nang umalis si Joselito ay nakagawian niyang mag-ikot-ikot sa Sweet Homes kapag hapon, sakay ng kanyang bisikleta. Natagpuan niyang napapayapa siya doon. Ayaw niyang nasa bahay lang siya dahil napapansin na lang siya parati ng kanyang ina na matamlay raw siya.

Ang sabi niya sa matanda, kaya hindi na siya nagtatrabaho kay Joselito ay dahil aalis ito. Madali nang sabihin dito na hindi niya alam kung bakit hindi na siya nito ipinatawag ulit pagbalik nito.

May isang linggo na ito siguro wala sa bahay nito. Si Aquino rin ang nagsabi sa kanyang nakita nito ang binatang umalis, kasama ang isang "Amerikanang negra" at alam na agad niya ang ibig noong sabihin. Baka iyon na ang bakasyong nabanggit ni Lola Adeng.

Magpapakasarap ang mga ito sa buhay, habang siya ay naroon lang at... Ah, ayaw na niyang maisip pa ang bagay na iyon.

"Ikaw talaga," ani Aquino nang makalapit na sa kanya. Malaki ang hinala niyang nakikipaglapit na naman ito sa kanya. Nang dalawang magkasunod na araw siya nitong natiyempuhan na namimisekleta ay sinabayan na siya nito noong ikatlong araw. Hindi naman niya ito maitaboy, baka naman sabihin nitong sumasabay lang naman ito sa kanya ay masyado naman siyang suplada.

Wala naman siyang balak na sumabak na naman sa kahit na anong relasyon. Subalit kung siguro ay handa na siyang sumubok ulit, malamang na may pag-asa ang lalaking ito. Mabait naman kasi ito at may hitsura rin. Pero matagal pa siguro bago dumating ang panahong iyon.

"Hindi ka kaya pagalitan niyan? Naka-duty ka pa, ah?"

"Trabaho ko namang mag-ikot dito."

Napatawa siya. Iginiya niya tungo rito ang bisikleta niya. "Petiks!"

Ang lakas ng tawa nito at siya naman ang dinikitan ng bisikleta. Naggirian sila at nagitla na lang siya ng makarinig ng malalakas na busina. Nang lumingon siya ay nakita niya ang sasakyan ni Joselito sa kanilang likod. Medyo malayo pa ito. At wala siyang ideya kung ano ang binubusinahan nito.

"Si Sir," anito.

"Bilisan mo na," aniyang bigla na lang sumikdo ang dibdib kahit hindi na dapat. Nagtaka siya kung bakit naroon na agad ito. Inaasahan niyang matagal bago ito babalik. Naisip niyang baka aalis din ito agad. Binilisan na lang niya ang pagpedal. Naabutan sila nito at muling bumusina saka ihinimpil ang sasakyan sa tabi ng kalsada.

"May sasabihin yata," ani Aquino sa kanya. At kaysa makahalata pa ito ay napilitan siyang itigil na rin ang bisikleta. Bumaling ito sa lalaki. "Magandang hapon, Sir."

"Naka-uniporme ka pa. Hindi ba dapat nasa guard house ka?"

Nabigla siya sa sinabi nito. Parang nabastusan siya sa gawi ng paninita nito. Mukhang napahiya ang guwardiya, subalit nangatwiran.

"Nag-iikot lang ako, Sir. Kasama po ito sa duty ko."

"Kasama sa duty mong makipagharutan sa daan?"

"Pasensiya na, Sir." Matigas ang tinig nito. "Sige, Lulu, text na lang kita." Agad na itong umalis doon.

Siya naman ay sumakay na agad sa kanyang bisikleta. Sobra ang sama ng ugali ni Joselito. Hindi tamang ipinahiya nito nang ganoon na lang ang guwardiya.

DARK CHOCOLATE SERIES BOOK 2: Sugary Lies, Hearts on FireWhere stories live. Discover now