Chapter 5

8.1K 224 3
                                    

Chapter 5

Palapit pa lang si Lulu sa bahay ni Joselito ay nakita na niyang nagmamadaling maglakad paalis doon si Mrs. Lopez. Si Lola Adeng ay nakataas sa ere ang kamay nitong may hawak na balisong.

Nakasalubong niya si Mrs. Lopez at s kauna-unahang pagkakataon ay hindi ito huminto upang "makibalita" sa kanya. Namumutla ang mukha nito.

"Ala'y sadyang hindi ka sasantuhin nireng aking balisong, oy! Ang nararapat sa iyong bunganga, eh, ginugurlisan ng isa! Ano? Ikaw ga'y maglalakas-loob pang bumalik dine?!" Mistula pakwan na nililindol ang mga dibdib nito.

"Ano po'ng nangyari, 'La?" tanong niya. Nakahanap na rin ng katapat ang tsismosa ng Sweet Homes.

"Sadya gang bastos ang mga tao dine sa lugar na ire? Biruin mong sabihing ako daw, eh, ang bagong katulong dine! Saang bundok daw ga ako galing at umagang-umaga'y kay lakas ng boses ko! Ako nama'y matinong kausap basta't ako'y kakausapin din laang ng matino! Kaso'y hindi! Akala mo, eh, kung sinong... ku! Susugod dine't aasta ng gay-on? Ibahin niya ireng si Adelaida Juson at ang aking balisong!"

Inalalayan niya itong makaupo sa silyang nasa portiko. Kinalma niya ito at sinabing dadalhan ng maiinom.

Hinawakan nito ang kanyang braso at ngumiti sa kanya. "Mabait kang bata."

"Salamat po."

Pagpihit niya ay bumangga siya sa kay Joselito na naroon na pala. Naipatong niya ang mga kamay sa balikat nito. Ang braso naman nito'y agad pumaikot sa kanyang baywang. Napapikit-pikit siya. Pakiramdam niya ay nagtayuan ang balahibo niya sa katawan sa mainit na hangin mula sa bibig nitong dumadapo sa kanyang pisngi.

Sa tingin niya ay dapat na siya nitong pakawalan o kaya'y agad na siyang lumayo, lalo't nadama niya ang reaksiyon ng katawan nito. Subalit hindi siya makagalaw. Nanatiling nakatingin siya sa mga mata nito. Hanggang sa tumikhim si Lola Adeng.

Dama niya ang pag-akyat ng dugo sa kanyang mukha. Agad siyang nag-iwas ng tingin at nagmamadali nang pumasok sa kabahayan. Nang maikuha ng maiinom si Lola Adeng ay nagbalik na siya sa portiko. Hindi pa siya tuluyang nakakalabas sa nakaawang na pinto'y dinig na niya ang usapan doon. Siya ang pinag-uusapan ng mga ito.

"Ang akin lang, eh, napakagandang dalaga noong si Lulu at bagay kayo. Kung iyong negra laang naman at si Lulu, si Lulu na ang pipiliin ko."

"'Rowanda' po ang pangalan niya." May diin ang tinig ng binata. Naalala niya na ang pangalan na iyon ang binigkas nito noong una siya nitong nahagkan. Hindi na naging mahirap sa kanyang maturol kung sino ang babae sa buhay nito. "Mabait po siya. Hindi nga lang kayo nagkaroon ng pagkakataong magkakilala."

"Ako'y tigil-tigilan mo diyan. Ang babaeng mabait ay hindi gay-ong nang-iiwan sa lalaking pakakasalan para sumama sa iba. Hindi ako tanga para hindi mahulaan kung ano ang nangyari. Kasabi-sabi mo noo'y iyong ipapakilala na amin. 'Kako'y ano gang nangyari't hindi na natuloy? Malaan-laan ko na laang, eh, hindi na tuloy ang inyong kasal at 'ika mo'y iba na ang kanyang buhay. Kamalas laang niya't hindi niya minahal ang isang tulad mo."

"Matagal na pong panahon 'yon, 'La."

"Kaya nga ako'y nagtataka kung bakit hanggang ngayo'y ganyan ka. Mabalik ako kay Lulu... Mukhang mabait na bata at alam kong may pagtingin sa iyo. Ikaw nama'y tila gay-on din."

"Kayo talaga."

Noon lang siya nagpasyang dalhin na ang inumin ng matanda. Inutusan naman nito ang apo na umalis. Pinaupo siya nito sa tabi nito. Inilabas nito ang balisong, ibinuka ang isang palad sa mesa, at nagsimulang paikutin ang dulo ng talim sa pagitan ng mga daliri nito. Napantistakuhan siya rito. Hindi ito nagmintis at tila tutok na tutok doon ang atensiyon, habang umaalog-alog ang dapat umalog sa katawan nito.

DARK CHOCOLATE SERIES BOOK 2: Sugary Lies, Hearts on FireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon