Chapter 8

9K 253 15
                                    


Chapter 8

Kagabi pa'y napansin na ni Lulu na ang Ate Kat-kat niya ay tila ba malungkot. Pansin na pansin niya iyon dahil hindi man ito madalas tumawa ay bihira naman itong maging matamlay. Maliksi itong kumilos parati.

Nang magkausap sila nito nang nagdaang gabi ay nag-abot ito sa kanya ng dalawang libong piso. Ang sabi ay pasensiya na raw muna siya at iyon lang ang naiabot nito. Hindi lang nito alam na labis siyang natuwa na kakaunti ang pera nito at hindi tulad noon na para itong may pabrika ng salapi.

Magkasama silang mag-ina sa palengke. Kapag naroon ang kapatid niya ay ipinagluluto ito ng masarap ng nanay nila. Katwiran ng matanda, walang nagluluto para rito sa Maynila.

Akala niya ay aabutan nila itong tulog pa rin subalit naroon na ito sa sala at nagbabasa ng magazine. May panglaw pa rin sa mukha nito.

"Binilhan ka namin, Ate, ng nilupak."

Tumango lang ito at tumitig sa kanyang mukha. Titig na titig ito sa kanya sa katunayan, na hindi niya nakuhang salubungin ang mga mata nito.

"I-ikukuha kita ng kape."

Hindi ito umimik. Sa kusina ay abala na ang kanyang ina sa paghahanda ng lulutuin. Nang magbalik siya sa sala ay sinenyasan siya ng kapatid na tumaas. Kinakabahan man sa inaakto nito ay tumalima siya.

Akala niya at sa silid nito sila tutungo subalit binuksan nito ang pinto ng kuwarto niya. Diretso ito sa aparador niya at hindi na siya nakapiyak nang buksan nito ang ilalim na drawer niyon. Napansin niyang wala na ang isang T-shirt na nakapatong sa ilang banig na pills na binili sa kanya ni Joselito, maging sa mga alahas na bigay rin ng binata.

Kahit kailan ay hindi naging ugali ng nanay nilang makialam sa mga gamit niya kaya naging sapat na sa kanyang patungan ng T-shirt iyon. Hindi niya akalaing makikita ng ate niya.

"Naghahanap ako ng mahihiram na palda, ito ang nakita ko. Sige, magpaliwanag ka," malamig nitong sabi.

Napayuko siya. "May b-boyfriend ako, Ate."

"At binibigyan ka niya ng mga ganito?" Itinaas nito ang isang kahita ng kuwintas. "Alam mo ba kung magkano ito? Siguro nga alam mo kaya pumayag ka, ano? Tama ba ako, Lulu? Nagbebenta ka ng katawan, tama? Hindi lang kita naabutan ng malaki-laki, nagbenta ka na ng katawan? Kanino? Sabihin mo sa akin at 'wag ka magsisinungaling, baka hindi kita matantiya." Halos magkalapat ang mga labi nito.

Inilang hakbang niya ito, namamasa ang mga mata sa galit. Inagaw niya rito ang kahita. "Wala kang pakialam sa akin! para sabihin ko sa 'yo, hindi ako nagbebenta ng katawan. Hindi ako ganoong klaseng tao, alam mo 'yon. Bakit ba bigla kang nagagalit ngayon sa akin? Bakit, kahit kailan ba tinanong kita kung saan ka kumukuha ng perang ibinibigay mo sa amin? Tapos ngayon ka lang nakakita ng ganito sa akin, kung anu-ano na ang naiisip mo?"

Hinaklit nito ang braso niya, mariin, namamasa ang mga mata nito. "Dahil ayoko nang malaman mo kung ano ang kailangan kong gawin para sa inyo. Hindi ko 'yon kahit kailan isusumbat. inaasahan kong sa sakripisyo ko, hindi ka matutulad sa akin, na-i-in-tin-di-han mo ba 'yon?"

"A-Ate..."

"Lahat ng ginawa ko para sa inyo, para mapabuti kayo. Hindi ko ginusto pinilit ng sikmura ko dahil mas hindi ko gustong makita kayo---lalong-lalo ka na---na gagawa ng ganito para lang mabili ang gusto mo."

Tumulo na ang luha nito subalit nanatiling matigas ang ekspresyon ng mukha nito. "'Yong respetong hindi ko na makukuha, 'yong dignidad na wala na ako---gusto kong meron ka. Naiintindihan mo ba?"

DARK CHOCOLATE SERIES BOOK 2: Sugary Lies, Hearts on FireWhere stories live. Discover now