Chapter 9

12.9K 263 5
                                    


          Hindi pa man tuluyang nakakarating ng bahay si Sabel ay rinig na rinig niya na ang malakas na ingay na nagmumula sa TV nina Frida at Dayet. Nasa kapitbahay pa lang siya ay rinig na rinig niya na ang boses ni Pia Guanio at nagbibigay ng bagong chika minute. Hindi niya na sana pakikinggan iyon pero bigla nitong binanggit ang pangalan ni Marcus. Inanunsiyo nito ang comeback concert ng lalaki. Ang petsa, oras at maging ang lugar na pagdadausan ng piano concert. Natigil siya mula sa may pintuan. Hindi siya napapansin ng dalawang bakla dahil tutok na tutok ang mga ito sa telebisyon.

Bumuga muna siya ng maraming hangin, pumikit at nagbilang hanggang limang segundo saka tuluyang pumasok sa loob. Tinanggal niya ang sapatos habang naririnig niya ang interview'ng ginagawa ng isang reporter sa lalaki.

"A year ago, you said hindi ka na muling tutugtog. But here you are, you'll be having your comeback concert. What made you changed your mind?" anang interviewer.

Pagak na tumawa ang lalaki. "Well..."

"Ay teh, dumating ka na pala?" ani Frida. Nakita niya sa sulok ng mga mata ang pagsikong ginawa nito kay Dayet. Para namang nagising ang huli at nagmamadaling hinanap ang remote control. Bago pa man makapagsalitang muli si Marcus sa telebisyon ay napatay na iyon ng kaibigan.

"Kumain ka na bakla?" tanong ni Dayet.

Tumango siya. Kahit ang totoo ay hindi pa. "Beauty rest na ko mga acheng." masayang paalam niya kunwari.

Bago siya tumalikod sa mga ito ay nakita niya pang nagtinginan ang dalawa. Pumasok siya ng kwarto. Nahahapong umupo siya sa gilid ng kama at lagpas-lagpasan ang ginawang tingin sa maliit niyang cabinet.

Mahigit dalawang buwan na ang nakakaraan simula ng umalis siya ng Camiguin ng walang paalam. Tanging isang sulat ng pagpapaliwanag ang iniwan niya sa lalaki. Isang linggo din siyang halos hindi makausap ng mga kaibigan nang makabalik siya. Hindi man siya nagkwento noong umpisa, alam niyang alam na nito ang kinahinatnan ng misyon niya sa Camiguin. Pagkatapos ng isang linggong pagmumukmok ay pinilit niyang ibalik sa dati ang buhay niya. Hindi naman siya mayaman tulad ni Marcus na kahit ilang buwang maging ermitanyo ay okay lang. Mahirap lang sila. At kailangan niya ng magtrabaho ulit para sa pamilya. Prinaktis niya ang tawa at mga ngiting plastic para hindi siya mahalata ng lahat. Nagsinungaling din siya sa pamilya niya at sinabing nakabalik na siya ng Manila at hindi na dumaan sa mga ito sa Cagayan de Oro dahil pinapabalik siya sa dati niyang trabaho. Pasalamat na lang siya at naniwala ang mga ito.

Tinanggap naman siya ulit sa dati niyang pinagtatrabahuan. Ang pagkakaalam ng mga ito, family emergency ang dahilan ng pag-uwi niya sa Camiguin. Simula noon, sinadya niyang pagurin ang sarili para sa pag-uwi ay matutulog na lang siya agad.

Kumusta na kaya siya? base sa narinig niya sa chika minute, mukhang nagbabalik na ito sa mundo nito.

Kahit papano ay napangiti siya. At least, masaya na ang lalaki. Keri na sa kanya iyon. Okay na naman siya eh. Kahit sa panlabas na kaanyuan lang. Huwag lang siyang makarinig ng kahit ano tungkol sa mga dela Cerna at baka bumigay ang katinuan niya.

Kanina pa nagri-ring ang telepono pero hindi man lang iyon sinasagot ni Sabel. Day off niya nang araw na iyon. Tanging silang dalawa lang ni Frida ang naiwan sa bahay dahil may raket na pinuntahan si Dayet.

"Bakla! Yung telepono!" sigaw niya mula sa sala.

"Nasa banyo ako, gaga! Sagutin mo muna 'teh!" ganting sigaw nito. Mukhang naliligo pa rin ito sa banyo.

Hindi siya sumagot. Hindi rin siya tumayo mula sa pagkakaupo niya sa kawayang upuan. Muling nag-ring ang telepono.

"Sige na naman bakla! Ngayon lang!" muling sigaw ni Frida. Tila na-gets kung bakit hindi siya sumunod. "May mga bubbles pa ko sa katawan eh! Aw, shit mahapdi!" dugtong nito.

My Love, My Sunrise (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon