Prologue

14.6K 244 14
                                    

DAHAN-DAHANG humiwalay ang pitong taong gulang na si Ginger sa yaya niya para sundan ang palakang nakita niyang tumalon sa likuran ng center. Kanina pa niya tinititigan ang palakang iyon. Masyadong busy ang mga tao sa center. May inilunsad na feeding program ang nakatatandang kapatid niyang si Gino nang araw na iyon. Hindi niya ito tinatawag na "kuya" dahil isa ito sa mga kalaro niya. Isa pa, isa siyang prinsesa kaya dapat lang na respetuhin siya nito. Ayaw rin naman nitong magpatawag ng "kuya" sa kanya.

Nang tumalon ang palaka sa malaking pasô ng Palmera tree ay agad niya iyong nilapitan. Nang makitang tumigil iyon ay kaagad niya iyong kinuha. Nagkuwento kasi ang English teacher nila tungkol sa isang prinsesa na nanghalik ng palaka at pagkatapos ay naging napakaguwapong prinsipe niyon kaya niya hinabol ang palaka.

She grew up believing in fairy tales. May koleksiyon siya ng Disney Princess dolls and DVD's. Pati Barbie series ay mayroon din siya. Her parents, her relatives, and other people around her treated her like a princess. She was a princess, they said. She believed them. And as a princess, she had to have a prince.

Ngayon niya makikilala ang prinsipe niya kung totoo nga ang fairy tale na ikinuwento sa kanila ng English teacher niya.

Itinapat niya sa kanyang mukha ang palaka at sinipat iyon. "You're an ugly frog. Oh, well, frogs are ugly naman talaga pero I hope na maging handsome prince ka after I kiss you, ha?" pagkausap niya sa palaka.

Ngumuso siya at unti-unting inilapit ang mukha sa palaka para halikan iyon. Pumikit siya. Nang sumayad ang kanyang mga labi sa balat ng palaka ay napangiwi siya. Agad na binawi niya ang mga labi niya dahil slimy ang bibig niyon. Pinahid niya ang kanyang bibig gamit ang kanyang braso.

"Hoy!" pukaw sa kanya ng isang tinig.

Napadilat siya. Napanganga siya nang makita ang isang batang lalaki na nakatayo sa harap niya. Mukhang mas matanda ito sa kanya base sa hitsura nito. Simpleng T-shirt, shorts, at rubber shoes lang ang suot nito. Hinanap niya ang palaka ngunit wala na iyon sa kamay niya. Luminga-linga siya ngunit hindi pa rin niya iyon nakita.

"Oh, my gosh! Ikaw ang prince ko?" bulalas niya.

"Ha? Ano ba'ng pinagsasasabi mo? Hindi 'Prince' ang pangalan ko. Ako si Yoej," nakakunot-noong sabi ng batang lalaki.

"Ha? P-pero nawala 'yong palaka."

"Tumalon na iyon sa kung saan. Bakit mo hinalikan 'yong palaka?" tanong pa rin ng batang nagpakilalang "Yoej."

"Eh, kasi... 'sabi ng teacher ko, magiging prince siya kapag hinalikan ko siya. Pero bakit ikaw ang lumabas? Are you the frog?" inosenteng tanong niya rito.

"Ako, palaka? Hindi, 'no! Tao ako!"

"Ikaw 'yong prince ko. Nawala 'yong frog kasi naging ikaw siya," giit niya rito.

Umiling ito, saka nagkamot sa noo. "Hindi ko alam kung ano'ng sinasabi mo. Wala akong lahing palaka. Baka ikaw, kasi hinalikan mo 'yong palaka," pang-aasar nito sa kanya.

"Of course not! I'm not a frog. I just want my prince," tanggi niya sa paratang nito.

"Paano naman magiging prince ang isang palaka? Huwag kang mag-ilusyon, kokak," dagdag pa nito.

"Kokak?"

"Oo. Hindi ko alam kung ano'ng pangalan mo kaya 'kokak' na lang muna ang itatawag ko sa 'yo," katwiran ni Yoej.

"Excuse me! Hindi 'kokak' ang pangalan ko. I'm Ginger Skye Reyes!" naiinis na sigaw niya rito.

"Okay, Luya," nagkibit-balikat na sabi nito.

Hindi niya nagustuhan ang itinawag nito sa kanya. Hindi siya isang luya. "Hindi ako luya!" naiinis na sigaw niya rito.

"Eh, bakit 'Ginger' ang pangalan mo?"

"Ang cute kaya ng name ko! May friends pa nga ako na ang pangalan ay Pepper, Lemon, at Sugar," pagmamalaki niya rito.

"Puro pagkain ang pangalan n'yo?" nakakunot-noong tanong nito.

Iningusan niya ito. "Why are you here kung hindi ikaw 'yong frog?" sa halip ay tanong niya rito.

"Nakita kasi kitang sinusundan mo 'yong palaka. Baka 'kako patayin mo kaya sinundan kita. Hindi ko naman akalaing hahalikan mo pala," natatawang sabi nito.

"I don't kill frogs!" naiinis na sigaw ni Ginger.

"Hindi mo nga pinapatay, hinahalikan mo naman. 'Kadiri kaya iyon. Kung saan-saang lugar pumupunta ang mga palaka, 'tapos hinalikan mo," pang-aasar pa nito.

Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Bakit nga ba hindi niya naisip iyon? Paulit-ulit niyang pinahid ang kanyang bibig gamit ang kanyang braso. Tawa naman nang tawa si Yoej sa ginagawa niya.

"Luya, siguruhin mong mag-toothbrush nang paulit-ulit. Baka malipatan ka ng mga kulugo ng palakang hinalikan mo."

"Oh, my gosh!" tili niya. Tawa pa rin ito nang tawa. "I hate you!" naiiyak na turan niya.

"Hindi ko naman sinabi sa 'yong mahalin mo ako," sabi nito.

"Isusumbong kita sa daddy ko!" pagbabanta niya rito.

"Eh, di isumbong mo. Sasabihin ko naman sa lahat ng tao na nanghalik ka ng palaka," pang-aasar nito.

Napatili siya sa sobrang inis. Nakakainis talaga ang batang ito. How dare he talk to her like that? She was a princess. Tuluyan na siyang naiyak sa sobrang inis dito.

"Hoy, tumigil ka na. Hindi ko sinabing umiyak ka diyan," sabi ni Yoej sa kanya.

"I hate you!"

"Ginger, bakit? Kanina pa kita hinahanap," sabi ng kararating lang na tagapag-alaga niyang si Ate Mishka.

"Ate Mishka, siya kasi," sumbong niya, sabay turo kay Yoej.

Sumipol lang ang batang si Yoej habang ibinabaling nito sa ibang direksiyon ang paningin. And then he made a smooching sound. Pinukol niya ito ng matalim na tingin. Inis na inis talaga siya. Ayaw niyang may ibang makaalam ng katangahang ginawa niya. Next time, hindi na siya maniniwala sa sasabihin ng English teacher nila.

"O, bakit? Ano'ng ginawa ni Yoej sa 'yo?" tanong ni Ate Mishka.

"Ahm... N-nothing. I just want to go home."

"Ha? Eh, hindi pa tapos si Gino sa feeding program niya."

"I want to go home na!" sigaw niya, sabay padyak ng mga paa.

"Hay naku, Ginger! O, siya, sige. Magpaalam muna tayo kay Gino," sabi ni Ate Mishka at inakay na siya nito paalis ng lugar na iyon. "Yoej, pumunta ka na roon nang makakain ka na rin. Kanina ka pa hinahanap ng yaya mo pati na rin ni Joey," sabi nito kay Yoej.

"Okay, Ate," nakangising sabi ni Yoej dito, sabay kindat sa kanya.

She mouthed "I hate you" to him.

"Huwag mong kalimutang mag-toothbrush, Luya," pang-aasar pa nito sa kanya, pagkatapos ay patakbong umalis doon.

Nanggagalaiti siya sa inis nang umalis siya ng lugar na iyon. Hindi niya naiwasang alalahanin ang hitsura nito kanina. Ngiting-ngiti ito sa kanya. He's cute. Itim na itim ang kulay ng buhok nito at kulay-tsokolate ang mga mata nito. Kayumanggi ang kulay ng balat nito na nagustuhan niya. Pangit ang palakang hinalikan niya pero cute ang lumabas na tao. Hindi nga lang niya gusto ang pang-aasar nito sa kanya.

---

As promised. :) I remembered having fun writing Ginger and Yoej's story. Sana matuwa din kayo sa kanila. :)

Twisted Tales Book 2: Better Than RevengeWhere stories live. Discover now