Chapter 1

7.9K 182 1
                                    

INIS na inis na nilisan ni Ginger ang Sugar Treats dahil sa pesteng si Yoej. Nagpang-abot na naman sila nito sa pastry shop ng kaibigan niyang si Sugar at mukhang manliligaw pa ang loko sa kaibigan niya. Hindi niya hahayaang gawin iyon ni Yoej dahil alam niyang ibibilang lang nito si Sugar sa mga babaeng paiiyakin nito. Ayaw niyang masaktan ang kaibigan niya. Mas bagay si Sugar kay Seff.

Inis na inis siya kay Yoej dahil inasar na naman siya nito. Hanggang maaari ay pinipilit niyang manalo sa pakikipag-asaran dito. Hindi siya pumapayag na apihin siya nito.

Mula nang mangyari ang insidenteng iyon noong pitong taong gulang pa lang siya ay hindi na natanggal ang inis niya rito. Lalo pang umigting ang inis na iyon nang lumipat ang pamilya nila sa village kung saan nakatira ang mga Montinola at sa kamalas-malasan ay naging kapitbahay pa niya ito kaya araw-araw siyang iniinis nito. Natigil lang ang pang-aasar nito sa kanya nang pumunta siya sa Australia para doon magkolehiyo.

Sa mga panahong nakakauwi siya sa Pilipinas para bisitahin ang pamilya at mga kaibigan niya ay palagi na lang siyang inaasar nito tuwing magtatagpo ang landas nila. Isa siyang fashion photographer sa ibang bansa.

Dalawang buwan ang hiningi niyang bakasyon sa kanilang agency para makarating siya sa birthday celebration ni Sugar at makaabot siya sa engagement party nina Pepper at Joey na kakambal ng kinaiinisan niyang si Yoej.

Magkapareho man ang pisikal na hitsura ng mga ito, magkaibang-magkaiba naman ang ugali ng mga ito. Yoej was a happy-go-lucky guy while Joey was the serious type. Both of them were endowed with good looks and oozing sex appeal, not to mention irritating. Naiirita siya kay Yoej dahil sa pang-aasar nito. Ganoon din ang nararamdaman niya kay Joey dahil sa sobrang seryoso nito. Nonetheless, walang itulak-kabigin sa mga ito dahil parehong matagumpay ang mga ito sa larangan ng pagnenegosyo.

Inaamin niyang guwapo si Yoej pero hindi niya ito gusto. Guwapo ito pero kahit kailan ay hindi siya magkakagusto rito. Kailangan munang pumuti ng uwak bago mangyari iyon.

Kahit na siya ang prinsipe mo? nanunudyong tanong ng isang bahagi ng isip niya.

He's not my prince! naiinis na kontra ng isang bahagi niyon.

Nagbuhay-prinsesa si Ginger dahil sa paniniwala niya sa fairy tales. Pati ang pakikitungo ng mga kapamilya niya sa kanya ay animo isa siyang prinsesa. Kaya noong pitong taong gulang siya ay naniwala siyang magiging isang guwapong prinsipe ang isang palaka kapag hinalikan niya iyon. Mabuti na lang at naitama ng mga tao sa paligid niya ang paniniwala niyang iyon kaya naging maayos ang takbo ng isip niya.

Naitabi na niya ang mga fairy-tale book niya at ang mga bagay na may kinalaman doon. Ayaw na niyang balikan pa iyon. Matured na siyang mag-isip ngayon. At dapat na rin niyang kalimutan ang nangyari noon.

Pesteng Yoej kasi! mura niya kay Yoej sa kanyang isip.

"Ginger!" tawag ng pamilyar na boses ni Yoej sa kanya.

Himala! Hindi niya ako tinawag na "Luya."

Hindi niya ito pinansin, bagkus ay patuloy siyang naglakad patungo sa parking lot kung saan nakaparada ang kotse niya. Wala siyang panahon para makipag-asaran dito. Gusto na niyang simulan ang bakasyon niya. Nang nakaraang linggo kasi ay naging abala siya sa pagtulong kay Seff upang maging matagumpay ang sorpresa nito para kay Sugar.

Naging matagumpay ang sorpresang ginawa ni Seff para sa kaibigan niya ngunit katulad ng inaasahan nila ay hindi naging maganda ang naging resulta ng pagtatapat nito ng damdamin dito. Sugar turned him down. Pagtinging-kaibigan lang ang kayang ibigay ng kaibigan nila kay Seff. Alam niyang sa huli ay magiging maayos din ang lahat. Makikita rin ni Sugar ang hindi nito nakikita.

Twisted Tales Book 2: Better Than RevengeDonde viven las historias. Descúbrelo ahora