Prologue

128 11 0
                                    

Sumisinghot na pinaglalagay ni Sydney ang mga damit niya sa maletang ni minsan ay hindi niya inakalang magagamit niya. Kanina pa siya umiiyak at namamaga na rin ang mga matang hindi na yata kinakaya ang mga tubig na lumalandas dito. Labag man sa loob na sundin ang kaniyang mga magulang, pinagbigyan niya na ang mga ito. Naisip niyang para na rin iyon sa ikatatahimik ng kalooban niya. Baka kung ano pang mangyari sa kaniya kapag pinilit pa rin niyang manatili sa bahay ng kaniyang Lola Ising na siyang nag-aruga sa kaniya.

Sa Maynila kasi mas piniling mamalagi ng mga magulang niya. Nandoon kasi ang trabaho ng mga ito at dahil ayaw naman niyang mapalayo sa kaniyang lola at mga pinsang nakasama sa paglaki, pinili nalang niyang mapahiwalay sa mga magulang. Nakakasama naman niya ang mga ito dalawa o tatlong beses sa isang buwan kaya kahit paano ay hindi naman siya gaanong nangungulila sa mga ito. Nandoon na minsa'y nagbabakasyon din siya sa mga ito tuwing summer.

"Sydney, are you done packing your things?" tanong sa kaniya ng kaniyang ina na nakasilip sa pintuan ng kaniyang kwarto. Hindi niya namalayang nabuksan na pala nito ang pinto.

Nilingon niya ito at may pagmamadaling pinunasan ang mukha. Nagpaskil din siya ng isang pilit na ngiti, "yes, mom."

Tuluyan nang pumasok ang kaniyang ina at dinaluhan siya sa kama kung saan siya nag-aayos ng mga dadalhing gamit.

"I know it's not easy for you. You used to live your life here and you love them especially your lola. Pero 'nak, mas maganda kasi talaga kung sa Manila ka mag-aaral ng college. Mas maganda ang mga opportunities," paliwanag nito sa kaniya at isa-isa na ring dinampot ang mga damit na pinili niyang dalhin. Tinulungan siya nitong ilagay sa maleta ang kaniyang mga gamit.

Nginitian na lamang niya ang kaniyang ina at hindi na nagsalita pa. Sana nga, iyon lang talaga ang dahilan ng pag-iyak niya. Sana nga ang katotohanang mapapawalay siya sa mga taong mahal niya ang dahilan kung bakit parang dinudurog ang puso niya. Sana nga ang isiping mami-miss niya lang ang mga ito kung bakit ang bigat bigat ng kalooban niya. Pero hindi eh. At kahit pa yata pagbali-baliktarin ang mundo, hindi niya maikakailang nasasaktan siya dahil sa isang tao. Kung bakit ba naman kasi ngayon pa piniling tumibok ng puso niya para rito? Kung kailan may itinatangi ng iba ang puso nito. Alam niyang masiyado pa siyang bata para masaktan nang ganito. Pero wala nga sigurong pinipiling edad ang pag-ibig. Kusa itong magpaparamdam at madalas pa, sa paraang hindi mo gugustuhin at inaasahan.

Goodbye, San Agustin. Paalam, lola. Paalam sa inyong lahat. Aniya sa isip habang pinagmamasdan ang lugar kung saan siya minahal ng mga taong minahal niya. Kung saan din siya unang nagmahal at nasaktan. Unti-unti na ngang nawala sa paningin niya ang munting paraisong hindi niya aakalaing lilisanin niya. Isinandal na lamang niya ang sarili sa loob ng sasakyan. Hindi niya namalayang nakatulog na pala siya sa mahaba-habang biyaheng lalakbayin nila.

My Man in the Mirror (✔)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon