MAXIMOR MOON

840K 28.8K 24.1K
                                    

MAXIMOR DEL VALLE-MOON

"NAPAGDESISYUNAN NG centro na ipatapon ka sa bansa kung saan ka nagmula," anunsyo ng cheotjae, ang aking ina, matapos pukpukin ng tatlong beses ang malyete.

Nag-angat ng tingin ang nililitis sa tuktok na iyon ng centro. Ngunit muli itong nagbaba ng tingin matapos makita ang deretsong tingin ng apat na hukom na babae.

"Dadalhin mo ang apelyido mong Enrile kasama ng taksil mong anak at apo, maging ang asawa nito. Magmula sa araw na ito ay hindi na kayo maaaring tumuntong sa bansang ito. Ni ang humingi ng tulong sa mga taga-rito ay mahigpit nang ipinagbabawal sa inyo. Oras na mahuli kayong sumusubok na pasukin ang bansang ito ng Norte ay kikitilan kayo ng buhay ng pangunahing babaeng rango."

Umugong ang impit na bulungan sa kabuuan ng parliyamento. Hindi makapaniwala ang ilan na ganoon ang naging resulta ng paglilitis. Ang karamihan naman ay binalot nang matinding takot, at tila hindi na gugustuhing gumawa ng mali.

"Sinumang mamamayan ng Norte ang mahuli na pinatutuloy o kinakausap ang taksil na pamilyang ito ay pupugutan ng ulo ng pangunahing lalaking rango," patuloy na anunsyo ng cheotjae. "Maaari ninyong ipagmalaki sa labas ang nalalaman ninyo tungkol sa bansang ito. Ngunit sa sandaling makarating iyon sa amin, lalabas kami upang kayo ay tapusin. Naiintindihan at nauunawaan ninyo ang batas ng bansang ito. At dahil nilabag ninyo iyon ay ito ang pinakamababang desisyon na maibibigay ng bansang Norte sa inyong pamilya. Humayo kayo at huwag na muling magpapakita."

Muling pinukpok ng cheotjae ang malyete saka sabay-sabay na tumayo ang apat na hukom upang talikuran ang dagat ng tao na naroon sa Kaechon para panoorin ang paglilitis sa pamilya ng netjae.

Halos mabutas ko ang sarili kong pantalon sa sobrang pagkutkot doon. Natuon ang paningin ko sa kahoy na upuan sa aking harapan at nagpalamon sa takot. Hindi ako nabibilang sa pamilya ng nilitis pero pakiramdam ko ay nilitis din ako. Umabot sa lalamunan ang aking kaba, naririnig ko na sa aking tainga ang malakas na kabog doon. Pakiramdam ko ay masasamid ako oras na subukan kong magsalita.

Tahimik na bumiyahe ang aking pamilya pabalik sa Emperyo. At habang nasa daan ay hindi matahimik ang isip ko at kalooban. Paulit-ulit kong iniisip ang nangyaring paglilitis sa palasyo ng parliyamento. Maging ang mangyayari kina Lee Dei Min at sa anak nito ay iniisip ko. Kahit ang kasalukuyang kalagayan ng netjae ay binabagabag ako.

"Abeoji," pagtawag ko sa aking ama nang sundan ko siya papasok sa kaniyang opisina. Gusto kong maluha dahil pakiramdam ko ay bumalik ako sa pagkabata sa paraan ko ng pagkakatawag sa kaniya, sa tonong humihingi ng tulong.

"Maximor..." Wala pa man ay nang-aalo na ang tinig ng aking ama. Batid kong nalalaman na agad niya ang gusto kong sabihin. Talagang ito ang may pinakamabuting puso sa buong mundo. At habambuhay kong ipagmamalaki iyon.

"Paano kong sasabihin?" doon na pumatak ang butil ng aking mga luha. "Nang dahil sa pagkakamali ko ay madadamay ang buo nating pamilya."

Patong-patong ang naging kaso ng pamilya ng netjae. Unang nilitis ang anak nitong si Lee Dei Min nang malaman ng centro na lihim itong nakipagrelasyon sa babaeng nabibilang sa kalaban naming bansa. Ang sumunod na paglilitis ay nang tumanggi ang pamilya ng netjae na dalhin sa bansang Norte ang apo nitong si Lohrton. Nalaman ng centro na nakabuntis ito nang hindi ikinakasal, at mahigpit iyong ipinagbabawal sa aming batas. Nasa ibang bansa ito at tinatapos ang pagpapakadalubhasa sa medisina.

Pinapasok sa bansang ito ang babaeng iyon ni Lohrton upang paglitisan at pagkasunduan ang kasal matapos nitong manganak. Nalaman ng centro na babae ang magiging anak ng mga ito. Ipinaliwanag ng centro ang batas ng Norte, maging ang prosesong pagdaraanan ng babaeng anak nila para maging isang rango. Ngunit sa halip ay pinili ng mga itong gumawa ng panibagong kasalanan, sa ikatlong pagkakataon. Bago pa magdalagita ang anak nila ay sinubukan nilang tumakas papalabas ng bansa kasama ang kaniyang lolo na Chairman at nahuli sila sa hangganan ng lupain ng Norte. Ang paglilitis na nangyari kanina ang huling paglilitis na ginawa sa kanilang pamilya.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon