MAXPEIN MOON : PART 2

547K 23.9K 19.5K
                                    

MAXPEIN ZIN DEL VALLE - MOON

PUNO NG lungkot ang puso at isip ko habang nasa daan papunta sa kung saan. Tinitingnan ko ang bawat lugar na dinaraanan ng gama na karga ng apat na kabayo pero wala akong mapamilyaran ni isa sa mga iyon. Ang mura kong isip ay pagkalalim-lalim ng iniintindi. Dati-rati ay sabik akong makita ang mga lugar sa Norte sapagkat hindi sa lahat ng oras ay nararating ko ang mga iyon. Maski ang mga karatig-lugar ay hindi ko pa napuntahan lahat. Kailangan ko parati ng pahintulot sa t'wing lalabas.

Kung pulos pananabik lang sana ang laman ng puso at isip ko ay baka hindi ko tinigilan ang pagtunghay sa daang tinatahak namin. Pero dahil sa nangyari ay hindi ko na magawang ituon ang atensyon ko sa kahit saan. Tahimik lang akong naupo at hinayaang dalhin ako ng mga rango na sumundo sa akin sa lugar na hindi ko pa nararating.

Agad kong iginala ang paningin ko sa paligid nang makarating kami matapos ang mahabang byahe. Malaki at malawak na kapatagan iyon na pinalilibutan ng mga ligaw na halaman, nagtataasang mga damo at nakakalbong mga puno. Wala akong makitang bahay maski na isa. Ang tanging naroon ay hilera ng mga itim na trapal na may pundasyong kahoy upang maging silong.

Sumenyas ang rango at sumunod ako sa kanila. Naglakad kami papalapit sa mga silong. Sa likuran ng mga iyon ay tumambad sa akin ang grupo ng mga kaedad ko na pawang mga nakaupo sa kani-kanilang paanan. Kung hindi ako nagkakamali ay mahigit sa dalawampu ang kanilang bilang.

Palibahasa'y tahimik ang lugar, tanging ang malakas na ihip ng hangin ang maririnig. Hindi nakaligtas sa paningin ko ang impit na paghagulgol ng ilan sa mga kaedad ko.

"Isa siyang Moon," agad na umalingawngaw ang bulungan nang makalapit ako. Nilingon ko ang may ari ng tinig na iyon ng babae. Mugto ang kaniyang mga mata, kagagaling lang marahil sa pag-iyak.

Nasisiguro ko na ang dahilan ng pag-iyak nila ay ang ensayo. Kung hindi marahil kami mananatili ng isang daang araw rito, hindi iiyak maski na sino.

Iginala kong muli ang paningin sa iba pang naroon at doon ko lang napagtantong wala ni isang lalaking naroon sa mga kaedad ko. Kung may lalaki man ay mga ganap nang rango. Pawang mga babae ang mag-eensayo.

"'Ayan na ang babaeng myembro ng pamilyang Moon," may nagsalitang muli habang naglalakad ako sa gitna ng pila ng mga babaeng kaedad ko.

"Ano ang kaniyang pangalan?"

"Hindi mo maaaring tanungin ang kaniyang pangalan."

"Totoo? Bakit?"

"Ipinagbabawal iyon sa batas ng kanilang pamilya. Ang sinumang mangahas na tanungin ang myembro ng kanilang pamilya sa pagkakakilanlan ng mga ito ay maaaring mamatay."

"Hindi kapani-paniwala."

"Makapangyarihan ang mga Moon."

"Paano kung nais kong malaman ang kaniyang pangalan?"

"Kailangang siya ang magpakilala. Hindi mo maaaring tanungin ang kaniyang pangalan, Jang."

Nilingon ko ang dalawa para sana ngumiti sa kanila ngunit agad silang nag-iwas ng tingin. Sinulyapan ko rin ang iba pang naroon at gusto kong manlumo. Wala akong mamukhaan ni isa sa mga batang babae na iyon na kaedad ko. Hindi naman na kataka-taka iyon dahil malaki rin ang Emperyo at hindi lahat ng bata doon ay kakilala ko. Iyong mga anak lang ng mga opisyal ang nakakasama, nakakalaro at nakakasama ko sa eskuwela. Kagaya na lang nina Min at Sukkie na parehong anak ng mga pangunahing rango. Siguro ay sa dulong bahagi na ng Emperyo nakatira ang mga ito.

Nagbaba nalang ako ng tingin at muling sumabay maglakad sa mga rango.

Hindi na kataka-takang may nakaaalam ng tungkol sa batas na iyon ng aming pamilya. Pero hindi ko inaasahang sa mura nitong edad ay alam na niyon ang tungkol sa batas na iyon ng aming pamilya. Madalas ay sa mga magulang lamang naririnig iyon.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon