MOON JIN AH

825K 27.2K 44.2K
                                    

PINANOOD KO ang magkakahalong puti, pula at asul na usok na lumalabas sa tsimineya sa tuktok ng aming templo na siyang matatanaw ng kahit na sinong tumanaw sa Emperyo mula sa malayo. Kasabay niyon ay hinila ng apat narangoang lubid upang umangat ang bandera ng mga rangosa tagdan ng bandila (flagpole). Iyon na ang hudyat na mayroon nang tinanghal na pinakamataas na rangoang bayan ng Emperyo. Makikita iyon mula sa matataas na parte ng palasyo na naroon sa iba't ibang distrito.

Kasunod niyon ay nagliparan sa aking likuran ang magkakasunod na paputok. Nang sandaling iyon ay nabatid kong hindi lang ang bayan namin ang nagdiriwang sa matagumpay na pagkahirang ng aking apo. Napatitig ako sa aking apo na babae na noon ay pagal na pagal at hindi mapangalanan ang hitsura.

Kaytagal naming naghintay, Maxpein...

Gusto kong isigaw iyon. Kung maaari ko lamang na isigaw kung gaano katindi ang paghanga ko sa kaniya sa sandaling iyon ay ginawa ko na. Ngunit hindi ko kayang ipaliwanag ang aking nararamdaman. Hindi ko iyon kayang isawika sa salitang maiintindihan niya at malalaman ang tunay kong nararamdaman. Lalo pa't heto siya ngayon at naghihimagsik ang damdamin dahil sa hirap na pinagdaanan. Walang emosyon ang kaniyang mukha ngunit walang-humpay ang pagpatak ng mga luha. Pinanonood niya lang ang bandera na nililipad ng hangin sa tuktok ng tagdan. Ang kahabag-habag kong apo.

Ilang taon pa ang kailangang bilangin bago mo maintindihan nang lubusan ang iyong katungkulan, Maxpein. Maraming mahihirap na bagay pa ang iyong pagdadaanan. Kayrami mo pang kailangang matutunan. Ngunit lahat iyon ay hindi mo mapagtatagumpayan kung hindi mo mamahalin ang batas. Batas na hindi lamang pinakikinggan at sinusunod, dahil kailangan mo iyong isapuso.

"Pagpahingahin mo ang pinakamataas na rango ng Emperyo, cheotjae,"mahina, panay buntong-hiningang anang hukom na lalaki na naroon sa aking tabi.

Natigilan ako at uunawain na sana ang sinabi niya ngunit noon lang tumimo sa aking isipan ang pagkakabanggit niya sa posisyon ng aking apo. Noon ko lang naramdaman ang kapangyarihan ng posisyong iyon. Sino ba naman ang mag-aakalang matapos ang ilang taon ay magmumula sa aming pamilya ang susunod na hahawak sa titulong iyon?

Nang sandaling tumapak sa tamang edad si Maxpein upang maging isang rangoay hindi na naging mahirap para sa aking magtiwala sa kaniya. Kakatwang iyon pa ang pinakamadaling gawin, ang magtiwala na magagawa at kakayanin niya ang lahat. Ngunit sa t'wing nakikita ko na siyang nasasaktan, nawawala ang tiwala kong iyon. Hindi dahil sa kaniyang kakayahan at kahinaan, kundi dahil sa sarili kong kakulangan sa paglalaan ng oras, pang-intindi at pagmamahal sa kaniya. Hindi sapat ang naibahagi ko sa kaniyang pagkatao. Sa halip ay lalo ko lang siyang pinahirapan.

Lahat naman ng batang ipinanganak sa Emperyo ay dumaraan ganoong paghihirap, mapababae o lalaki, lahat ay nag-eensayo. Lahat ay may kani-kaniyang proseso. Malaki man ang pinagkaiba ng proseso sa babae at sa lalaki ay walang madali sa mga iyon. Sadyang nang ang sariling apo ko nang babae ang sumabak doon ay nagbago ang lahat. Noon ko lang naisip na masyado pa talagang bata ang ganoong edad upang sumabak sa napakatinding hirap, lalo sa mga babae. Ngunit iyon na ang batas. Kahit sino ay ginustong baguhin iyon, lalo na iyong mga batang babae at mga magulang ng mga ito. Subalit iyon ang humuhubog sa aming pagkatao, iyon ang humuhulma sa abilidad namin, doon umuusbong ang kani-kaniya naming talento. Nakababaliw ang mag-isip, kayhirap tukuyin ng tama at mali. Iyong mga naroon sa ganoong sitwasyon ng ensayo at proseso ay gugustuhing baguhin ang batas. Pero sa mga gaya kong nalampasan na iyon hihilinging pagdaanan iyon ng lahat.

Ngunit pagdating sa iyo, hindi lang ang ensayo at proseso ang huhubog sa iyong pagkatao. Kayrami mo pang pagdaraanan, kayrami mo pang kailangang unawain. Walang madali sa mga iyon. Paulit-ulit kang malilito, paulit-ulit kang magtatanong. Ngunit alinman sa mga tanong mo ay hindi masasagot.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon