MAXPEIN MOON : PART 4

484K 21.8K 10.9K
                                    

MAXPEIN MOON

"GUSTO MO ba nang mainit na sabaw, Maxpein?" nakangiting baling sa akin ni Maxwell nang makabalik kami sa Emperyo.

Nagugulat ko siyang nilingon at napatitig. Hindi ko inaasahang sa kabila ng inanunsyo sa Kaechon ay yayayain niya akong humigop nang mainit na sabaw ngayon. Bukod kasi sa katahimikan ay wala na akong inasahang reaksyon mula sa aking pamilya.

Ngumiti si Maxwell nang pagkaganda-ganda sa akin, hindi na makita ang mga mata, lalong gumuguwapo sa dahil sa malalim niyang biloy. Nilingon ko ang aking pamilya ngunit lahat sila ay nakatalikod na sa amin, naglalakad na papasok sa aming bahay. Mabilis na nangilid ang luha ko ngunit agad ko rin iyong pinigilan. Ang kahinaan ang inaasahan nilang huling makikita sa akin, at kasama na roon ang pagiging emosyonal.

Inilagay ko ang pareho kong kamay sa aking likuran saka ko pinilit na ngumiti nang maganda kay Maxwell. Mas nagliwanag ang kaniyang mukha, nadaya sa peke kong ngiti.

"Hindi ako karapat-dapat sa mainit na sabaw, oppa," halos masamid ako sa pagpipigil na gumaralgal ang aking tinig. "Kailangan kong mag-ensayo." Pinilit kong mas ngumiti pa. Iyong katulad sa kaniya, hindi na makikita ang mata.

"Mag-ensayo ka matapos humigop nang mainit na sabaw."

"Kapag natapos nalang ang aking ensayo." Kamot ko ang ulo.

"Maxpein..." Hinawakan niya ako sa braso nang akma ko siyang talilikuran. "Kauuwi lang natin galing Kaechon, mag-eensayo ka na? Kailangan mo ring magpahinga."

"Makapagpapahinga lamang ako kapag mayroon na akong natutunang bago," nagbaba ako ng tingin sabay lunok. Hindi ka maaaring umiyak, Maxpein. Hindi maaaring makita ni Maxwell ang iyong mga luha. Muli akong nag-angat ng tingin saka pilit na ngumiti. "Ayos lang ako. Mag-eensayo lang ako at matapos ay pupunta ako sa iyo para sa mainit na sabaw."

"Kung ganoon ay sasamahan kitang mag-ensayo."

Natulala ako sandali sa kaniya saka umiling. "Hindi na. Kailangan ay mag-isa lang ako."

"Bakit?"

"Iyon ang itinuro ng pangunahing rango."

"Sinabi ng pangunahing rango na bawal kang panoorin na mag-ensayo? Nasaan siya?" aniyang iginala ang paningin. "Kailangan ko ang paliwanag niya."

"Hindi." Agad akong umiling saka nakamot ang ulo. "Mawawala ang konsentrasyon ko kung panonoorin mo ako," sabi ko nang nakababa ang tingin.

"Bakit naman?"

"Kasi ay..." napabuga ako nang malalim na hininga, sobrang bigat niyon sa dibdib. "Kasi..."

Yumuko siya upang silipin ang mga mata ko. "Kasi...?"

"Kasi ay...hindi ako mahusay." Sinabi ko iyon nang salubungin ang kaniyang tingin. "Hindi ako magaling. Mahina ako. At ikinahihiya kong ipakita iyon sa 'yo."

Nakita ko nang bahagyang manlaki ang mga mata niya sa gulat, agad niyang pinigilan. Nagbaba ako ng tingin upang hindi na makita ang iba pang magiging reaksyon niya. Ayaw kong mabasa doon ang awa. Ayaw kong ikahiya niya ako. Ayaw kong pagtawanan niya ako dahil sa naging resulta ng aking ensayo.

"Hindi ako katulad mo," bigla ay dagdag ko. Maging ako ay hindi inaasahang masasabi ko iyon. Ngunit bago ko pa mapigilan ay nagtuloy pa ako, "Mahina ako, oppa. Lahat sila ay kinaya, ako lang ang hindi. Lahat sila ay pumasa maliban sa akin." Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "Ginawa ko naman ang lahat, at totoong umasa akong makapapasang gaya nila. Araw-araw ay bumabangon ako nang maaga upang mag-ensayo. Pero hindi ganoon ang naging resulta ko. Kung nasa ensayo pa ako ngayon ay nasisiguro kong hindi makapapayag ang pangunahing rango na maghapunan ako. Kaya kailangan kong mag-ensayo."

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon