PAGTATAPOS

1M 30.3K 43.1K
                                    

"HAYAAN MONG bukas ang pinto," utos ng cheotjae sa tauhan nang akma nitong isasara iyon. Tumango ang tauhan at saka sumunod.

Mula sa pwesto ng cheotjae, sa mahabang silya sa kanilang sala ay tinanaw niya ang torii. Naroon iyon sa daan papalabas ng Emperyo. Sa dulo niyon ay may maikling tulay na pinalilibutan ng nagtataasang puno at iba't ibang uri ng halaman.

Napatingin naman doon ang chairman saka nagsalita. "May inaasahan ka bang bisita?"

Nakangiting umiling ang cheotjae saka bumuntong-hininga. "Sa lahat ng distrito ay masasabi kong pinakamaganda ang Emperyo. Ano sa tingin mo?" nilingon niya ito bago muling tumingin sa labas.

"Sang-ayon ako," ngiti ng chairman. "Mas gumanda ito dahil sa pamilyang ito."

Napangiti rin ang cheotjae, ang paningin ay naroon pa rin. Habang tumatagal ay tila napapanood niya sa pagtanaw ang lahat ng nakaraan maging ang sariling kabataan. Nakita niya roon ang sariling masayang naglalaro kasama ang mga kaedaran. Nakita niya roon ang sariling bumuo ng pamilya. Nakita niya roon ang pamilya nilang madagdagan isa-isa. Nakita niya roon ang pagsibol ng mga halaman maging ang pagkalagas ng mga iyon. Nakita niya roon ang matinding paghagulgol ni Maxpein nang una nitong lisanin ang Emperyo upang magtungo sa ensayo.

Mapait siyang napangiti habang inaalala ang masakit na pagluha ng kaniyang apo. Bakit kaya kahit ganoon ay matindi ang paghanga niya rito? Tama bang maramdaman niya ang saya gayong nahirapan at nasaktan ito? Karapat-dapat ba siyang ituring na tao gayong hinayaan niyang mabuhay roon ang kaniyang pamilya? Tama bang ituro niya sa mga itong mahalin ang bansang minahal niya?

"Ayaw kong malimutan ang kahit anong alaalang mayroon ako sa mundong ito," wala sa sariling nasabi ng cheotjae.

Nakangiting lumingon ang chairman sa kaniya ngunit hindi nito napigilan ang mag-alala. Naninibago ito sa mga sinasabi at ikinikilos niya. Gayunman ay pinilit nitong balewalain ang naramdamang pag-aalala at paninibago sa kaniya.

"Ang bawat parte ng lugar na ito ay may iniambag sa katauhan at tagumpay ko. Ayaw kong may makalimutan dito kaya ngayong may pagkakataon ako, nais kong tingnan lahat hanggang sa masaulo ko."

Napatitig ang chairman sa asawa. "Ayaw kong mag-alala pero bakit pakiramdam ko ay may ipinahihiwatig ka?"

Mapait na tumawa ang cheotjae. "Gusto kong makita ang mga apo natin."

"Gusto mo bang tawagin ko si Maxrill?"

Masaya na ang cheotjae marinig lamang ang pangalan ng bunsong apo. Pero hindi niya maitatangging kulang iyon ngayong wala ang dalawang nakatatanda rito.

Tumango siya saka lumingon sa asawa. "Maaari mo bang gawin 'yon?"

Nakangiting tumango ang chairman. "Sandali at gigisingin ko."

Tinanaw niya ang asawang pumanhik bago muling itinuon ang paningin papalabas ng Emperyo. Nang sandaling iyon ay tila nakita niya ang imahe panganay na apo. Nakangiti itong naglalakad papalapit sa kanilang tahanan suot ang uniporme na ganoon sa mga manggagamot. Pinangiliran siya ng luha nang makita ang imahe ng dalawa pang apo na tumatakbong sinasalubong ang kapatid ng mga ito. Alam niyang mangyayari iyon, magiging matagumpay na doktor si Maxwell. Hindi rin imposibleng maging matagumpay sa buhay sina Maxpein at Maxrill.

Gustong-gusto niyang masaksihan ang tagumpay ng kaniyang mga apo. Ngunit hindi na yata mangyayari 'yon dahil ilang saglit pa ay natanaw niya na ang mga gwardiya ng Kaechon. Pilit niyang binale-wala ang mga 'yon at ipinagpatuloy ang paglalayag ng isip laman ang tatlo niyang apo. Ayaw niyang mapalitan iyon ng kahit ano ngayon. Ang mga ito lang ang nais niyang makita.

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon