MGA HUKOM

691K 22.7K 29.4K
                                    

"IPINATAWAG NINYO po raw ako, chairman,"bungad ni Maxpein matapos tumango at makapasok sa opisina ng kaniyang lolo. Natigilan siya nang makitang naroon din si Maxwell, maganda na ang ngiti sa kaniya. Bahagya niya ring tinanguan ito saka muling ibinaling ang paningin sa lolo.

"Maupo ka,"utos ng chairman, itinuturo ang silyang naroon sa harap nito at ni Maxwell. Pabuntong-hininga siyang sumunod. Mukhang magtatagal siya roon. Dahil kung hindi ay pananatilihin siya nitong nakatayo.

Palibhasa'y hindi niya matagalan ang presensya at titig ng kaniyang lolo at kuya, iginala niya ang paningin sa opisina. Noon lamang niya nagawang tingnan ang kabuuan nang malawak na silid. Madalang siyang makapasok sa opisina ng chairman kompara sa cheotjae. Hindi sa ayaw niya, kundi wala siyang oras.

Hile-hilera ang nagtataasang kabinete na may hindi mabilang na libro. Maging ang mga dingding na bumubuo sa silid na iyon ay nagmistulang matatayog na estante sapagkat pinuno rin iyon ng mga libro. Wala yata siyang makitang espasyo na walang libro. Kung maaari lamang sigurong pati sahig ay lagyan, baka nangyari iyon.

Hindi niya naiwasang mamangha. Naisip niya kung ilang libro kaya ang naroon at kung nabasa na ba ng kaniyang lolo ang lahat ng iyon. Naisip niya rin kung sino, bukod sa kaniyang lolo, ang marami nang nabasa sa mga librong iyon. Ngunit wala siyang interes na magtanong.

Kaya siguro walang oras ang pamilya ko para sa akin, abala silang lahat sa pagbabasa ng libro.

"Maxpein,"pagtawag ng chairman.

Nilingon ito ni Maxpein ngunit sa halip ay natuon ang kaniyang atensyon sa malaking mapa na naroon sa likuran nito. Kahanga-hanga ang sukat niyon na halos sakupin ang kabuuang dingding sa likuran ng kaniyang lolo. Malayo iyon sa globo na sinasaulo niya noon. Gusto niyang tumayo at lapitan ang mapa. Gusto niyang hamunin ang sariling tukuyin ang lahat ng bansa na dapuan ng kaniyang mga mata.

"Naiintindihan mo ba ako, Maxpein Zin?"nagtaas ng tinig ang chairman.

"Chairman?"aligagang tugon niya rito.

"Hindi ka nakikinig sa akin,"istrikto nitong sabi. Kung ganoon ay may sinasabi na pala ito, talagang wala siyang interes.

Awtomatiko siyang nagbaba ng tingin, hindi maitago ang kaba. "Pasensya na po, chairman."

"Ano ba ang iyong iniisip?"

"Wala po."

"Minsan na lamang kitang ipatawag, wala pa sa akin ang iyong atensyon."

"Chairman," nakikiusap ang tinig ni Maxwell. "Maaaring pagod siya mula sa pang-umagang ehersisyo at pansariling ensayo."

"Bilang pinakamataas na rango ng bansang ito, kailangan mong maging listo. Ako pa lamang ang kausap mo, kung saan-saan na lumilipad iyang isip mo, Maxpein."

"Pasensya na, chairman. Makikinig na po ako."

"Noona!"bigla ay nangibabaw ang makulit na tinig ng kaniyang bunsong kapatid.

Natutuwa si Maxpein kay Maxrill. Ito na lamang ang dahilan niya upang tumagal sa malaking bahay na iyon. Parati ay sabik itong makita siya. Hindi gaya ng ibang myembro ng kanilang pamilya na tila ba gusto lamang siyang makita upang alamin kung ano na ang maipagmamalaki niya.

Samantalang itong si Maxrill, wala pa man siyang ginagawa ay pinupuri na siya. Parati itong bilib na bilib at tuwang-tuwa, ano man ang kaniyang gawin. Sa simpleng bagay ay masaya na ito, namimilog na ang bibig sa paghanga.

Hindi gaya ng mga nakatatanda sa kaniya, walang ibang inisip kung hindi ang pahirapan siya.

"Maxrill Won?"nananaway ang tinig ni Maxwell. "Hindi ba't ang sabi ng chairman ay mag-aral kang gumamit ng chopsticks? Bakit ka narito?"

MOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon