CHAPTER THREE

6.5K 132 1
                                    

Pakiramdam ni Tweety ay isa siyang prinsesa na buong galang na sinaluduhan ng mga staff and crew ng Princess Romania pagkatapak na pagkatapak ng mga paa niya sa carpeted na sahig ng barko.

Nakaalalay sa kanya ang isang uniformed staff at in-escort-an sa nakalaang first-class cabin-suite. Pababa sila sa ibabang bahagi ng barko.

Sa bawat mahagip ng kanyang paningin ay pinabibilib siya sa kakaibang design niyon. Pakiramdam ni Tweety ay napunta siya sa loob ng barkong Titanic. Hindi man niya napanood sa movie house ang pelikula ay nagkaroon naman siya ng pagkakataong mapanood iyon sa DVD.

In fact, may dalawang linggo ring naging laman ng imahinasyon niya ang kuwento nina Jack at Rose. Hindi niya akalain na sa tagong bahagi ng kanyang puso ay umaasam-asam na may darating na isang Jack, na handang ipagtanggol siya at handang magbuwis ng buhay para lang sa kanya.

Pero mabilis din niyang ikinondisyon ang sarili. Those things only happen in the movies; masyado lang pinagaganda ang character ng lalaki. Pero sa reyalidad, marami na siyang nakatagpong lalaking barumbado, bastos, at salot sa lipunan!

Ilang kaso na ba ng rape ang nahawakan niya at naipanalo? Hindi na niya mabilang. In fact, hindi na rin niya mabilang ang mga natanggap niyang death threats. Pero isa man ay walang yumanig sa pagkatao niya dahil naniniwala siyang tama ang kanyang ginagawa kaya wala siyang dapat katakutan.

"This way, Ma'am," sabi ng kasama niya. Lumiko sila sa isang pasilyo at humantong sa isang cabin.

Pumasok sila sa loob niyon.

May palagay siyang masa-satisfy siya kahit nagsosolo lang sa bakasyon na iyon. Ipinagpapasalamat niya iyon sa kanyang abuela.

Pagkaabot niya ng tip sa babaeng crew at pasalamatan ay isinara na niya ang pinto. Ibinagsak niya ang sarili sa coach sabay sipa sa suot na sandals.

Nasisiyahang inilibot ng mga mata ni Tweety ang kabuuan ng cabin. Light blue ang carpet, ganoon din ang kulay ng mga upuan. Sa bandang tabi niya ay may puting mesa, nasa ibabaw niyon ang fresh flowers na nasa isang ceramic vase.

Noon lang niya napansin na may nakasabit na salamin sa harap niya. Natitigan niya ang sariling repleksiyon doon.

Napangiti siya. Hindi naman pala nasayang ang effort ng kanyang lola. Dahil sa pangungulit nito ay napapayag din siyang magbago ng image. Bago ang bakasyong iyon ay sumailalim siya sa parang pag-o-overhaul ng kanyang personality. Magmula sa kanyang buhok hanggang sa mga kuko sa daliri ng kanyang mga paa ay nagawan ng milagro.

Sumailalim din siya sa mahigpit na pagda-diet at kasabay niyon ang regular na aerobics. Bumaba nang ten pounds ang timbang niya kaya kinailangan niyang bumili ng bagong wardrobe.

Maging sa pagpili ng mga gamit at damit ay tinulungan din siya ng abuela.

Talagang nakamamangha ang ipinakitang kasiyahan nito habang nalalapit ang pag-alis niya. Kaya naging abala sila sa pamimili ng mga gamit niya.

Maraming alam ang abuela niya at hindi pahuhuli sa latest fashion. Karamihan sa mga pinili nitong damit ay bright colors, sundresses na low-cut sa likod, plunging neckline, tight-fitting jeans, and sheer tops.

Hindi pa nakontento si Doña Elena, iginiit pa nito ang pamimili niya ng mga bagong set of lingeries. At kahit anong protesta niya ay wala siyang nagawa sa insistence nito.

Nanlaki ang mga mata ni Tweety nang makita ang mga pinili ng kanyang abuela. Bras made of wisp lace, high-cut panties, at meron pa ngang T-back, pati lahat ng swimsuits ay two-piece.

Hindi lang iyon, napilit din siya nitong magpa-wax treatment. Iyon ay para mawala ang mga unwanted hair sa mga tagong bahagi ng kanyang katawan, para nga raw perfect tingnan kapag nakasuot siya ng bikini.

Isipin nga lang niya na suot ang mga iyon ay parang lalagnatin na siya sa ibubungang eskandalo kapag may nakakita na sa kanya. Ni minsan ay hindi pa niya naranasan ang maging daring sa pananamit.

Hindi tuloy niya maiwasan na isipin ang naging pagtatalo nila tungkol sa mga provocative underwear...

"I can't imagine na magagawa kong magsuot ng ganyan, Lola. They're useless. Bakit ba naimbento ang mga iyan?" tukoy niya sa isang nightgown na manipis pa yata sa kulambo.

"Hija mia, it's the last curtain to rise before the play begins," nangangarap na tugon ng kanyang lola. "That's the last tantalizing obstacle."

Napangiwi si Tweety. Pakiramdam niya ay umasim ang sikmura niya sa sinabi nito.

"Wait a minute, you told me you had cancelled that—that—"

"I did," sansala nito, "but we can never tell na—"

"I'm going on a vacation, right? And I'm not desperate to find a man on that cruise."

Kusa na niyang pinutol ang alaalang iyon. Ngayong naroon na siya sa loob ng marangyang silid ng Princess Romania, talagang susulitin niya ang ginastos ng abuela. Inihanda na niya ang sarili sa bagong adventure dahil masarap din pala sa pakiramdam iyong wala siya sa loob ng korte kundi ay nasa magandang kapaligiran.

Pinuno niya ng hangin ang dibdib.

Hindi pa rin makapaniwala si Tweety sa nakikita sa salamin. Kahit nanghihinayang siya sa kanyang mahabang buhok ay nagustuhan din naman niya ang bagong hairstyle. Layered iyon na kinulayan ng dark mahogany at may highlights na kulay-chesnut brown. Hindi naman siya nagsisisi dahil bumagay naman sa kanyang kutis ang pagpapakulay ng buhok.

Mas na-emphasize ang mga pilikmata niyang mahahaba at malalantik dahil wala na ang nakaharang na makakapal na eyeglasses. Naka-contact lenses na siya. Ang lola niya ang pumili niyon. Komportable raw iyon na isuot sa araw at gabi maski itulog pa niya. Kahit masakit, tiniis niya ang ekspertong pagbunot ng abuela sa kanyang mga kilay. Ang bagay na iyon ang hindi nito ipinaubaya sa beauty parlor.

Natutuhan din niyang mag-apply ng makeup kaya ang resulta ng lahat ng paghihirap ng abuela ay isang bagong image ni Teresita Lopez.

Nahagip ng mga mata niya ang malaking bag na punumpuno ng mga gamit. Gustuhin man niyang unahin ang pag-aayos ng mga iyon, pero nang masilip niya mula sa bahagyang nakabukas na pinto ang kama ay naengganyo siyang maidlip muna. Pero bago iyon ay magsa-shower muna siya.

Tumayo siya at saka nag-inat. Kampanteng tinungo niya ang maliit na bathroom.


"THIS way, Sir. Here we are—our first-class cabin-suite. I hope you'll find it to your taste."

"I'm sure I will," sagot ni Brendan.

"There's a small bar here behind the panel."

"Very nice."

"A walk-in closet and—"

"That's fine," sansala niya sa kausap na crew. "I'll find my way around."

"Of course, Sir."

"You may leave, now."

"Thank you, Sir." Malaki ang ibinigay niyang tip sa crew.

Nang mapag-isa ay nasisiyahang inilibot ng mga mata niya ang kabuuan ng suite. 

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES -BRENDAN - #MBS8 (COMPLETED)(PUBLISHED UNDER PHR)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant