CHAPTER SIX

7.1K 132 1
                                    

Inabot nang mahigit tatlumpung minuto bago nagawan ng paraan ng crew na mabuksan ang pinto ng cabin. Habang isinasagawa ang pagsira sa pinto ay hindi sila nagpapansinan ni Brendan.

Hula ni Tweety ay pareho lang sila ng iniisip.

Nakausap na nila si Mr. Laroza, ang officer-in-charge doon at ganoon na lang ang paghingi ng paumanhin nito sa hindi sinasadyang pagkakamali sa kanilang reservation ticket.

Pero kailangan pa nilang maghintay nang ilang minuto para mailagay sa ayos ang problema nila sa cabin. For the meantime, wala silang mapagpipilian kundi ang pagtiyagaan muna nila na magkasama sa iisang cabin. Tutal hindi pa nagagawan ng paraan ni Mr. Laroza na mailipat sa ibang cabin ang isa sa kanila.

Kung si Tweety ang papipiliin, gusto na niya roon sa silid na iyon. In the first place, nauna naman talaga siya kay Brendan. Bigla ba namang dumating ang lalaking iyon na may hatid yatang kamalasan sa kanya. Hindi niya gustong pagurin na naman ang sarili sa paglilipat ng mga gamit sa ibang silid.

Hindi pa man ay pina-practice na niya ang sasabihin kay Mr. Laroza sakaling magpakita na ito sa kanila.

Ako ang nauna rito. Kung meron mang dapat lumipat, hindi ako iyon, kundi ang lalaking 'yon.

Palaisipan pa rin sa kanya ang nangyari. Nakakadismaya kasing isipin na nagkaroon ng computer error ang barko.

Para tuloy gusto niyang isiping sinadya ang lahat... lalo pa nga at may mga bagay siyang naiisip kung bakit nangyari iyon..

Una'y ang abuela niyang may pagka-eccentric. Gusto tuloy niyang magduda na baka naman hindi nito kinansela ang escort service. Ang lalaki bang ito ay bayarang escort?

Posible! hiyaw ng utak niya. Nasa tipo nga ni Brendan ang ganoong trabaho. Pero ganoon na nga ba kalawak ang impluwensiya ng kanyang lola para makipagsabwatan dito ang ilang opisyal ng Princess Romania para lang mapagsama sila sa iisang cabin?

Knowing her grandmother, nothing is impossible! Hindi na baleng magsayang ito ng pera, basta masunod lang ang gusto nito.

At may isa pang posibilidad na naiisip niya. Posible na si Brendan ay pakawala ng mga taong nagbabanta sa buhay niya. Maaaring hired killer ito na may planong patahimikin siya.

Bigla siyang nakaramdam ng kilabot.

Hindi naman siguro mangyayari ang iniisip ko... sa loob-loob ni Tweety habang pinupuno ng hangin ang naninikip na dibdib.

Mas pipiliin na niya ang naunang naisip na posibilidad kaysa maging hired killer si Brendan. Kapag nagkataon, mahihirapan siyang iligtas ang sarili lalo pa at nasa gitna sila ng dagat.

Bigla niyang kinatakutan ang kamatayan na dati-rati ay hindi man lang sumasagi sa isip niya. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay. Gusto pa niyang magkaroon ng asawa't anak.

Marami pa siyang matutulungang tao...

Bigla niyang nahiling na sana ay maging hired gigolo na lang si Brendan kaysa isang hitman. Kaya nagpasya siyang gagawa siya ng paraan na matuklasan kung ano at sino ang lalaking iyon.


NAISIP ni Tweety, kailangan niyang maging alerto sa lahat ng oras. At para makasiguro sa kaligtasan, kailangan niyang kausapin si Mr. Laroza para magawan agad ng paraan na makalipat ang isa sa kanila ni Brendan.

Pero nang makausap niya si Mr. Laroza sa intercom ay maayos nitong ipinaliwanag sa kanya ang naging problema. Ayon dito, dahil nga nag-upgrade ng computer system ang barko kaya naapektuhan ang mga naka-record na data.

MIDNIGHT BLUE SOCIETY SERIES -BRENDAN - #MBS8 (COMPLETED)(PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon