Prologue

659 7 0
                                    

Nahihirapan ka bang mag-ipon dahil mababa ang sweldo mo o kahit na may kalakihan ang sweldo mo ay hindi ka pa rin makapag-ipon. Gusto mo bang matuto kung paano ka makakaipon ng pera. Isa ka ba sa mga taong naniniwala sa kasabihang "Kapag may isinuksok may madudukot." Lingid sa ating kaalaman ang kasabihang ito ay totoo kung ikaw ay may disiplina sa iyong sarili. At isa iyan sa magiging susi kung paano ka makakapag-ipon ng tama.

Kadalasan sa ating mga pilipino ay nahihirapan talagang mag-ipon. Ano-ano nga ba ang mga dahilan kung bakit nahihirapang mag-ipon ang mga pilipino. Magbibigay ako ng mga halimbawa kung bakit nahihirapan ang mga pilipino na mag-ipon. At ipapaliwanag ko sa inyo kung paano nyo ito masosolusyonan.

Ang unang dahilan kung bakit hindi makapag-ipon ang mga Pilipino ay dahil sa luho. Karamihan sa ating mga Pilipino ay mahulo tayo. Mahilig tayong bumili ng mga kagamitan na hindi naman natin kailangan. Mga bagay na wala namang halaga o kaya bumababa ang halaga matapos ang isang taon o higit pa. Ang halimbawa nyan ay ang mga gadgets at sasakyan.

Pangalawa, hindi marunong magbudget ang isang tao. Kung ikaw ay pamilyadong tao o kahit wala ka pang asawa pero may pamilyang nakaasa sa iyo. Dapat ay marunong kang magbudget ng iyong sweldo. Kung hindi ka marunong magbudget ay palagi kang magtataka kung saan-saan napupunta ang perang winawaldas mo.

Pangatlo, hindi mo alam kung paano papalaguin ang perang kinikita mo. Isa sa mga problema nating Pilipino ay hindi tayo marunong humawak ng pera, o wala tayong alam kung paano mapapalago ang perang hawak natin. Ang alam lang natin ay gumastos nang gumastos. Hindi natin alam na pwedeng magtrabaho ang pera para sa atin.

Tandaan nyo na ang mga mayayaman ay hindi nagtatrabaho para sa pera, ang pera ang nagtatrabaho para sa kanila. Kung hindi kayo naniniwala ay ipapaliwanag ko sa inyo na hindi lamang sa sweldo nakadepende ang mga mayayaman meron din silang ibang pinagkakakitaan o source of income. Hindi nila dinedepende ang sarili nila sa sweldo kada-buwan na kung saan nakaasa ang karamihan sa atin.

Ang karamihan kasi sa atin ay nakadepende sa buwanang kita o sweldo. Akala nila ay ayos lang na doon dumepende dahil kikitain naman nila ulit yung perang winaldas nila. Isipin mo paano kung mawalan ka ng trabaho o matanggal ka sa trabaho may ipon ka bang naitabi para mabuhay ka o sabihin na nating may sapat ka bang pera para hindi magtrabaho ng isang buwan? Kung wala ang sagot mo ay mag-isip isip ka na kung may sapat ka nga bang kaalaman tungkol sa pera o wala. Kung may naitabi ka namang ipon. Sapat ba yan para masabi mong mayaman ka na at hindi mo na kailangan pang magtrabaho ulit? Kung hindi rin ang sagot mo ay dapat mong malaman o dapat magkaroon ka ng kaalaman kung paano mo nga ba mapapalago ang pera mo upang makapag-ipon ka para sa kinakabukasan mo.

Bago ang lahat gusto ko lamang linawin ang isa sa mga paniniwala nating mga Pilipino o kaya yung pamahiin na pinaniniwalaan ng iba. Na kapag daw nag-iipon may magkakasakit daw sa pamilya. Base sa aking karanasan ay hindi naman totoo iyan. Meron lamang talagang pagkakataon na nagkakasakit ang isang miyembro ng pamilya. Hindi naman ibig sabihin na kapag nag-ipon ka ay may magkakasakit na talaga sa pamilya ninyo. Dapat alam nyo rin kung paano ang tamang pagtitipid o pag-iimpok ng pera para hindi kayo magkasakit.

Meron kasing mga tao na sa kagustuhang makapag-ipon ay hindi na sila kumakain, puro tubig na lang. Huwag naman sanang pabayaan nyo yung sarili nyong kalusugan nang dahil lamang sa pag-iipon. Talagang magkakasakit nga kayo kapag tinipid nyo ang sarili nyo sa pagkain ng tama at masusustansyang pagkain. Hindi masamang mag-ipon pero kung iyon naman ang magiging dahilan para tipirin mo ang sarili mo at magkasakit ka ay hindi rin maganda iyon.

Dapat mong maunawahan ang mga pangunahing patakaran sa pag-iipon. Ang pag-iipon ay isang self-discipline. Dapat mong matutunan kung paano mo didisiplinahin ang iyong sarili. Dahil sa totoo lang mas madaling magwaldas ng pera kesa mag-ipon ng pera. Mas madaling gumastos ng mga bagay na hindi naman kailangan kesa sa mga bagay na mas higit nating kailangan. At higit sa lahat mas madaling umutang kaysa magbayad ng utang.

Paano mo nga ba maaalis sa sarili mo ang pagiging maluho mo? Paano mo ba madi-disiplina ang sarili mo sa pagwaldas ng pera sa kung ano-anong bagay. Paano mo ba matututunan ang tamang pag-iipon, para hindi ka na laging nagtatanong sa sarili mo kung bakit wala akong ipon.

***

A/N: hangad ko na may matutunan kayo sa librong ito. Salamat sa pagbabasa.

Bakit Wala Akong Ipon?Where stories live. Discover now