Chapter 2 - Utang

403 3 0
                                    

Madaling mangutang, pero mahirap magbayad ng utang. Minsan naman ay mahirap mangutang pero mas mahirap maningil sa umutang. Bakit nga ba hindi maialis ng mga Pilipino sa buhay nila ang utang? Anong meron bakit panay utang ang nangyayari sa kanila. Bakit may mga taong nalulubog sa utang na hindi na makabayad. Yung mga taong kilalang-kilala na ng lahat ng kapit-bahay dahil sa kakautang nya. Yung mga taong hindi nahihiyang mangutang pero kapag sila na yung sisingilin daig pa yung mga politiko sa hindi pagpansin sa iyo pagkatapos ng election.

Minsan talaga sa buhay, hindi natin maiiwasang mangutang lalo na kung kinakailangan. Minsan may mga emergency na kailangan natin ng malaking halaga ng pera. Pero paano kung nasa punto ka na ng buhay mo na hindi mo na alam kung paano ka makakabayad ng utang. Yung tipong sobrang nai-stress ka na sa kakaisip kung paano mo babayaran yung pinagkakautangan mo. Yung iniisip mo na lang na huwag syang pansinin o kaya magtago na lang dahil makakalimutan naman din nya yung inutang mo. Tandaan mo, hindi nakakalimutan ng inutangan mo yung utang mo. Kaya kung ayaw mong matawag na makapal ang mukha, magbayad ka ng utang mo.

May mga pagkakataon naman na kaya tayo nahihiyang harapin yung pinagkakautangan natin ay dahil wala talaga tayong pangbayad sa utang. Paano mo nga ba masosolusyonan ang problemang ito? May solusyon pa ba sa utang mo na hindi mo mabayad-bayaran? Ang sagot ay meron, merong paraan kung paano mo mababayaran ang utang mo. Pero katulad nga nang unang sinabi ko. Dapat meron kang displina sa inyong sarili.

May mga paraan kung paano mo mababayaran ang utang mo. Ang una na doon ay dapat hindi ka uutang sa ibang tao para lang makabayad ka ng utang mo. Para sa aking opinyon, mas mapapadali mo ang pagbabayad ng utang mo kung isang tao lamang ang pinagkakautangan mo. Huwag kang makinig sa sasabihin ng iba na mangutang ka sa taong iyon o sa taong yan, para lang mabayaran mo ang taong pinagkakautangan mo. Dahil kapag tumagal ang utang mo maaaring hindi mo sila mabayarang pareho. Kung mababayaran mo man ang dati mong pinagkakautang ay may utang ka pa rin, dahil nangutang ka sa panibagong taong iyon. Hindi mo ba naisip na parang magiging cycle mo ang mangungutang ka para makabayad ka ng utang mo tapos mangungutang ka na naman. Ang punto ko, hindi pa rin nawawala ang utang mo. Kaya dapat kung pursigido ka talagang mabayaran ang utang mo. Huwag kang umutang sa iba para lang mabayaran ang utang mo.

Huwag kang mai-stress kung saan ka kukuha ng pera para makabayad sa utang ko. Isipin mo munang mabuti kung magkano ba yung utang mo o kung may interest ba yung inutang mo. Kung may interest ang inutang mo ay dapat mo munang bayaran ang interest na iyon para hindi na lalong dumagdag ang interest ng utang mo. Maaari mong kausapin ng mabuti ang taong pinagkautangan mo na ganitong halaga lamang muna ang maibibigay mo hanggang sa mabayaran mo ng buo ang utang mo. Lahat naman ay nadadaan sa maayos na usapan. Tandaan mo ikaw ang nangutang kaya dapat hindi ikaw yung galit sa inutangan mo. Pwede kayong mag-usap kung gaano mo kahaba babayaran ang utang mo o kung ilang bigay ng pera ang iaabot mo sa kanya para mabayaran lahat ng utang mo. Kapag nakapag-usap na kayo ng maayos ay maaari mo ng isipin kung paano mo sya babayaran sa ganoong halaga.

Kung kulang ang perang kinikita mo, pwede kang gumawa ng paraan para makapag-ipon ka ng perang pandagdag sa utang mo. Maaari kang magkolekta ng plastic, bote o kung ano pa man sa bahay nyo na maaari mong ibenta sa junk shop. Kung may mga gamit ka naman na hindi mo na ginagamit pero maayos pa ay pwede mo itong ibenta online. Makakatulong iyon pandagdag bayad sa utang mo. Maaari ka ring matinda ng yelo, yema o halo-halo o kahit na anong papatok sa tao para makalikom ka ng kaunting pera. Kung hindi mo naman gusto ang ganoong bagay ay pwede ka ring kumita sa pagtuturo online ng english language o pwede kang magtutor sa mga bata. Maaari mo ring gamitin ang talento mo para makalikom ng pera. Kung ikaw ay mahilig sa sayaw maaari kang magturo ng zumba sa iyong baranggay o kaya kung may alam ka sa computer, maaari kang magreformat ng mga laptop o computer ng mga kaibigan at kakilala mo. Lagi mong iisipin, para makaipon ka ng pera, kailangan mo ng diskarte sa buhay. Huwag mong hayaan na mastress ka sa utang mo. Dapat mag-isip ka ng paraan kung paano mo mas mababayaran ang utang mo. Hindi kung paano mo pagtataguan ang inutangan mo.

Kapag nagkaroon ka ng extrang kita o pera kahit konti lang ay makakatulong iyon sa pambayad mo sa utang mo. Itabi mo ito kaagad kung saan ikaw lang ang may alam para alam mo kung saan mo ito kukuhanin kapag magbabayad ka na nang utang mo.

Kailangan marunong ka rin magbudget ng pera mo. Kung saan-saan ba napupunta ang perang kinikita mo. Dapat alam mo rin kung ano lang ang limitasyon mo sa paggastos ng pera. Hindi porket may pera ka ay gagastusin mo na ito hanggang sa maubos. Paano naman sa ibang araw na kailangan mo ng pera? Paano naman yung mga bagay na dapat mas pinaglalaanan mo ng pera katulad ng kuryente, pagkain at tubig na pangunahing pangangailan natin sa buhay.

Kapag natuto kang magbudget ay mas magiging maayos ang paghawak mo sa pera, makakapagtabi ka pa ng pera na matatawag mong ipon. Kung hindi ka marunong magbudget ay tuturuan kita. Pero kung hindi mo rin susundin ang ituturo ko sa iyo ay hindi ka rin matututong magbudget. Parang bata ka lang na sinermunan ng nanay na naririnig nga sa kaliwang tenga, lalabas naman sa kanang tenga. Dapat maging disiplinado ka at desidido ka talagang makabayad ng utang at makapag-ipon para magawa mo ang bagay na ito. Dahil alam kong maraming hirap na hirap sa ating mag-ipon dahil hindi nila mabudget ng tama ang kanilang pera.

***

A/N: sa susunod na kabanata ay tatalakayin natin ang tamang pagbudget ng pera.

Bakit Wala Akong Ipon?Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz