Prolouge

5.9K 133 5
                                    

Zanaya

NAKIKIPAGSABAYAN ang tibok ng puso ko sa bawat beat ng drum. Umaalingawngaw ito sa loob ng arena na siyang gumigising sa aking diwa, senyales na hindi nga ako nananaginip at totoo ang mga nangyayari ngayon. Namumuo na ang mga mumunting butil ng pawis sa noo ko, at pinagpapawisan na rin ang aking mga kamay. Aaminin ko, kinakabahan ako. Nakasalalay sa aming pagkapanalo ang kahihinatnan ng akademiyang pinapasukan namin.

Hindi pa man nagsisimula ang laro ay maririnig na ang hiyawan ng mga taong nakapalibot sa amin. Mula sa kinatatayuan ko, makikita ang lahat ng mga manlalarong narito. Bawat isa'y may kanya-kanyang hangarin at motibo. Napatingin ako sa mga kasamahan ko na tulad ko'y nakatayo rin sa isang glass cell at walang magawa kundi hintayin ang hudyat.

Hanggang sa nagawi ang paningin ko sa kanya. Hindi ko alam kung paano niya nagagawang maging kalmado sa ganitong sitwasyon. Kung tutuusin, marahil ay sanay na siya sa ganitong mga aktibidad. Ginawaran niya ako ng isang ngiti nang mapansing nakatingin ako sa kanya. Hindi ko man magawang ngumiti pabalik, ngunit sapat na ang ngiti niyang iyon upang mabawasan ang pangambang aking nadarama.

Makalipas ang ilang minuto, biglang nabalot ng kulay berdeng linya ang glass cell na aking kinatatayuan. Nilibot ko ang paningin sa ibang manlalaro at napansing pare-pareho lang kami.

Nagulat ako nang dumagundong sa buong arena ang isang boses.

"Agents, are you ready?"

Tinangka kong hanapin ang nagsasalita, ngunit nabigo ako.

"Let the game begin, in 3, 2, 1..."

***
© Zayra Villamor

Tease Out the TruthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon