Chapter 2

3.4K 205 2
                                    

"May ate ka pala? Di ba ikaw ang panganay sa inyong dalawa ng kapatid mo?" Tanong ni Joyce habang naglalakad kami papasok sa entrance ng isang mall.

"Wala akong ate." Sagot ko habang nakatuon ang tingin sa harapan.

"Edi sino yung kasama mong lumabas ng bahay?"

Sinundo niya ako sa bahay at nakita niya si Hera na kasabay kong lumabas sa gate ng bahay namin.

"Anak siya ng kaibigan ni Mama. Ang sabi niya sa akin ninang niya raw si Mama."

Nasa ground floor kami at iniiwasan kong salubungin ang tingin ng mga nakakasalubong namin. Hindi naman sa hindi ako sanay. Hindi ako komportable kapag may nakatingin sa akin.

"Ganon?" Saglit siyang huminto sa pagsasalita. "In fairness ang ganda niya tapos ang tangkad pa. Halata rin na mabait at ang ganda nga rin ng ngiti niya. Nginitian niya ako kanina."

Tumango lang ako. Tama naman kasi ang mga sinabi niya. Maganda at matangkad si Hera. Mas lalo nga siyang gumaganda kapag nakangiti.

"College na siya di ba? Ano kinukuha niya?"

"Hindi ko alam."

Pumasok kami sa loob ng isang resto at umupo sa upuan na katabi ng bintana na paborito kong puwesto. Buti na lang wala pang nakaupo rito.

"Hindi mo alam? Dapat tinatanong mo." Umupo siya sa katapat ko na upuan. "Ano na lang ang pangalan niya?"

"Hera."

"Hera lang? Wala siyang surname?"

"Hindi ko alam."

Napakamot siya sa ulo niya dahil sa mga pinagsasagot ko.

"Bakit mo tinatanong?"

"Wala lang. Gusto ko lang malaman kung makakatagal ba siya sa ugali mo. Alam mo na, hindi ka marunong magsalita at kung magsasalita man? Tipid naman. Tapos lagi ka pang may sariling mundo." Inilabas niya pa ang dila niya bago itinuon ang atensyon sa isang staff na lumapit sa amin.

--

Tahimik ang bahay nang makauwi ako. Naabutan kong nasa sahig ng salas ang throw pillow at natutulog sa ibabaw nito si Sirius.

"Sirius..." Tawag ko. Nagmulat ito ng mga mata pero pumukit din ulit.

"Nagmana kasi sayo na snob."

Mabilis akong napaharap sa likod at nakatayo roon si Hera. Nakangisi siya at hindi ko alam kung bakit.

"Kanina pa kita tinatawag pero hindi mo ako pinapansin, pinagtitinginan na nga ako ng mga tao."

"Tinatawag?"

"Nevermind." Sabi niya at umalis na ng living room para umakyat na ng hagdan.

Hindi naman ako snob. Hindi ko alam kung ano problema niya dahil inirapan niya pa ako bago ako talikuran.

Kinuha ko si Sirius at ibinalik sa ibabaw ng sofa ang throw pillow. Naglakad ako paakyat ng hagdan habang buhat ang alaga ko.

Napadaan ako sa tapat ng kuwarto ni Hera. Nakasara ito at hindi ko alam sa sarili ko kung bakit huminto ako at tumitig rito.

Ano kaya ang ginagawa niya ngayon? Hindi ko maiwasan tanungin ang sarili ko. Simula nung makilala ko siya? Lagi na lang akong nacu-curious sa ginagawa niya. Parang... Gusto ko na alam ko ang mga ginagawa niya kahit na ang creepy ng dating non.

Pakiramdam ko kasi kapag alam ko ay hindi na ako makakaramdam ng pag-aalala. Hays, bakit ba kasi ako nag-aalala sa kanya?

Napaatras ako ng isang hakbang nang biglang bumukas ang pinto. Halatang nagulat din siya na makitang nakatayo ako sa tapat nito. Pero parang kidlat din nawala ito dahil napalitan ito ng pagkakunot ng noo.

"Bakit?"

Umiling ako at naglakad patungo sa sariling kuwarto.

Ano ba kasing pumasok sa isipan ko at huminto pa talaga ako sa tapat ng kuwarto niya?

Halatang hindi rin maganda ang mood niya. Ang sungit kasi ng pagkakasabi niya ng bakit.

Nagpalit muna ako ng damit bago lumabas ng kuwarto para magtimpla ng kape.

"Kulay kape na siguro ang dugo mo."

Nahinto ako sa paghahalo ng itinimpla kong inumin nang may magsalita sa gilid ko. Hindi ko na kailangan pang malaman kung sino dahil kaming dalawa lang naman ang magkasama sa bahay.

"Gusto mo tikman?" Nagawi ang tingin ko sa hawak niyang tasa. "Ginger tea."

Umiling ako. "Hindi po ako umiinom ng tea." Sabi ko at naglakad palabas ng kusina dala ang isang tasa ng kape. Laging gawi, magkulong sa loob ng kuwarto.

Isang oras ang lumipas nang maisipan kong lumabas para ilagay sa sink ang ginamit kong tasa. Nasa kalagitnaan na ako hagdan nang mapansin ko si Hera. Nakaupo siya sa sahig habang nasa sofa naman si Sirius at nilalaro niya.

Nanatili ako sa kinatatayuan at pinagmasdan si Hera. Ngayon ko lang nalaman na mahilig din pala siya sa pusa. Siguro nilalaro na niya talaga si Sirius simula nung dumating siya rito. Simula kasi non, hindi ko na nakikita sa tabi ko si Sirius. Lagi kasi akong nasa kuwarto at ganon din ang alaga ko. Kaya pala hindi ko na nakikita, nakikipaglaro lang pala siya kay Hera.

Hindi ko mapigilan mapangiti dahil nakakatuwa silang pagmasdan na dalawa. Halatang gustong-gusto ni Sirius si Hera. Ngayon ko lang kasi ito nakitang nakikipaglaro sa ibang tao. Sa mga bestfriend ko nga ayaw niya makipaglaro tapos kay Hera nakikipaglaro siya?

Napako ang tingin ko kay Hera. Ang cute kasi ng ngiti niya. Lumilitaw ang dalawang dimple sa magkabilang cheekbone niya. Tapos yung mga mata niya parang nawawala kapag ngumingiti at tumatawa siya.

Bago niya pa ako mapansin at isipin na creepy ang pagtitig na ginagawa ko sa kanya? Pinili kong bumalik ulit sa kuwarto. Humiga ako sa kama at tumitig sa kisame. Kahit anong gawin ko ay hindi mawala sa isipan ko ang nakita ko kanina lang.

El Primer Amor De Una IntrovertidaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon