Chapter 14

2.9K 157 10
                                    

Iniisip ko pa rin ang pinag-usapan namin ni Hera three days ago. Tungkol sa paghinto ko sa pag-aaral na walang sino man ang nakakaalam ng totoong dahilan. I always shut whoever wants to insert that topic. Ayokong pag-usapan kung ano at bakit.

Madiin na pumukit ako at kanina pa ako nakaupo sa harap ng drafting table. Kahit isang linya o tuldok man lang ay wala pang nakalagay sa sketch pad. Sobrang linis pa rin nito at magkakalahating oras na akong nakaupo sa tapat nito.

Nagtitiwala ako sa kanya. Naniniwala ako sa mga sinabi niya na mananatili siya sa tabi ko. Pakiramdam ko, kahit ano man ang sabihin niya ay paniniwalaan ko.

So... Ganito pala kapag mahal mo ang isang tao, paniniwalaan mo kahit ano pa ang sasabihin niya sayo.

Mahal?

Tumingin ako sa labas ng bintana at pinagmasdan ang mga dahon ng puno na sumasabay sa ihip ng hangin. Alas singko na ng hapon at maganda pagmasdan ang liwanag mula sa papalubog na araw.

Habang pinagmamasdan ko ang mga dahon, napapaisip ako. Hindi na ba simpleng pagkagusto itong nararamdaman ko? Kundi mas lumalim pa na pwede kong ikalunod?

Parang nakakaramdam ako ng takot. Paano kung sundin ko kung ano ang nararamdaman ko? Ngunit ang kapalit ng gagawin ko ay ang paglayo ni Hera sa akin?

Natatakot ako. Sobra.

Ngayon lang ako naging ganito kasaya na ang rason ay isang tao na bigla na lang dumating sa buhay ko.

At alam kong may kapalit ang nararamdaman kong kasiyahan. Dahil sa tuwing nakakaramdam ako ng kasiyahan? Kalungkutan ang kapalit. Kaya madalas na mas pinipili kong nasa gitna lang ako ng kasiyahan at kalungkutan.

Alam ko kung paano maging masaya sa mga maliliit na bagay. Kaya kong mabuhay na walang taong nasasandalan dahil lumaki akong mas ginusto ang mapag-isa lagi. Wala rin akong tao na napagsasabihan ng mga bagay na tumatakbo sa isipan at nararamdaman ko. Dahil lahat iyon ay isinasarili ko lang.

Bumuntong hininga ako at muling pinagmasdan ang araw. Kalahati na lang ang nakikita ko. Malapit nang lumubog ang araw pero wala pa rin si Hera. Hindi rin siya nag-message kung gagabihin siya. Mas gusto ko na sinasabi niya kung anong oras siya uuwi o kung gagabihin siya. Hindi ko kasi maiwasan na mag-alala sa kanya dahil sa panahon ngayon ay hindi na ligtas sa daan lalo na sa mga babae. Ayoko lang na mapahamak siya.

Bumuntong hininga ulit ako at tinitigan ng matagal ang papalubog na araw. Ipinikit ko ang mga mata ko at napangiti dahil para ko pa rin itong nakikita. Nakarehistro na rin sa isipan ko ang huling imahe na nakita ko. Muli akong nagmulat ng mga mata at pinaikot ang hawak na lapis sa isang kamay. Inilapag ko ito sa ibabaw ng sketch pad bago tumayo at tinungo ang parte ng attic kung saan ako gumagawa ng painting.

••••

Kinabukasan...

Kakatapos ko lang maligo at naabutan ko ang dalawa na nasa living room. Lumapit ako sa kanila at umupo sa tabi ni Hera.

"Buti hindi ka kinakalmot kapag ginagawa mo yan sa kanya?"

Ngumiti muna siya bago sinagot ang tanong ko. "Hindi niya pa ako kinakalmot kahit isang beses." Naniningkit na naman ang mga mata niya dahil sa ngiting iyon. Cute.

Inilagay ko sa ibabaw ng mga hita ko ang throw pillow bago sumandal sa kinauupuan. "Ang daya naman. Kapag ginagawa ko yan sa kanya kinakalmot ako." Napalabi ako nang magsimulang tumawa si Hera.

"Baby, baka ayaw niya lang talaga kapag ikaw ang gumagawa?"

Baby...

Ayan na naman ang baby. Hindi ko tuloy alam kung magtatampo pa ako o magpapa-cute na lang sa harapan niya.

Nga pala. Hindi ako marunong magpa-cute kaya magtatampo na lang ako.

"Ikaw." Pinanliitan ko ng mga mata si Sirius kahit na hindi naman siya nakatingin sa akin. "Bakit may favoritism na nagaganap dito?"

Narinig kong tumawa na naman ang katabi ko. Imbis makaramdam ako ng inis dahil ayokong pinagtatawanan ako pero iba ang nararamdaman ko. Nakakaramdam ako ng kakaibang saya sa tuwing naririnig ko siyang tumatawa.

Nagpatuloy lang si Hera sa pagtusok ng hintuturo niya sa tummy ni Sirius at halatang nag-e-enjoy naman ang alaga ko.

Nalipat naman yung hintuturo niya sa  magkabilang pisngi ni Sirius. Dalawang hintuturo na ang gamit niya.

Hindi na naman niya ako pinapansin.

Hinawakan ko ang kanang hintuturo ni Hera na ikinalingon niya sa akin. Kumunot din ang noo niya. "Hey, what are you doing?" Dinala ko ito sa kaliwang pisngi ko. Napansin ko na parang pinipigilan niyang matawa sa pinaggagawa ko. "Seriously?" Umiling-iling siya at sinimulang gawin din sa akin ang ginagawa niya kay Sirius kanina. Pigil naman ang ngiti ko. "Nagseselos ka ba kay Sirius?"

"Hindi ah. Bakit naman ako magseselos?"

Tinaasan niya ako ng kaliwang kilay. "Really huh?" Mas lalo pang tumaas ang kilay niya. "Bakit gusto mo rin na gawin ko sayo 'to?" Tinagalan niya ang pagtusok ng hintuturo sa pisngi ko habang hinihintay ang sagot ko.

"Uh..." Nag-iwas ako ng tingin. Nakakatakot naman kasi kung paano niya ako tingnan. "Gusto ko lang."

Wala akong narinig na kahit anong salita mula sa kanya kaya naman ibinalik ko ang tingin sa kanya. Nakatitig pala siya sa akin.

Napalunok ako. "B-Bakit?"

"Nothing." Sagot niya. Inalis na rin niya ang hintuturo sa pisngi ko at ipinagpatuloy ang ginagawa niya kanina kay Sirius.

Ano kaya ang ibig sabihin ng tingin na yon? Parang hindi maganda ang naging pakiramdam ko dahil doon.

El Primer Amor De Una IntrovertidaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon