Chapter 13

1K 66 3
                                    

"Luis, ano ang nangyari sa motor?"

Katulad nang nakagawian, kahit weekend ay maaga na namang nagising si Jeraldine. Pero mas maaga kaysa sa nakagawian niya. Ang totoo ay hindi siya halos nakatulog nang maayos kagabi.

Kahapon ay hindi rin naman sila kaagad umuwi. Nakaorder na sila kaya sinabi ni Jeraldine na kumain na muna sila bago umalis. Dahil napansin ni Owen ang pag-iiba ng mood niya, mga neutral na topic lang ang binubuksan ng binata. Kalimitan ay mga tanong tungkol sa kasalukuyang buhay ng mga kaklase nila dati. Matapos kumain ay ihinatid na siya ng binata sa bahay. Pero ayon dito ay susunduin siya nito ngayong araw at ngayon na lang sila mag-uusap.

And from the lingering look that Owen gave her, she knows she cannot escape today. And Jeraldine decided to just go with it.

"Pudpod na ang gulong. Kailangan nang palitan. Kaso wala pa akong pera," anito. Nakataas ang paa sa bangko, nanonood ng TV habang kumakain.

"Wala ka pa bang sweldo?" Napabuntong-hininga si Jeraldine. Siya ang bumili noon para sa kapatid para may service ito pagpasok sa trabaho. Nagtapos ang kapatid ng agriculture course. At ang trabaho nito ay sa isang kilalang feeds manufacturing. Madalas itong nasa field, kaya para hindi mahirapan ay nagkusa na siyang ibili ito ng motor, na nakatambak sa harapan ng bahay nila ngayon.

"Meron. Pero may pinag-iipunan ako, eh."

"Isingit mo na muna ang pambili ng gulong ng motor. Magkano lang naman iyon."

"May pinag-iipunan nga ako, ate," hindi man lang siya nilingon ng kapatid, nakatutok pa rin ang mga mata sa telebisyon.

"Kung hindi mo bibilhan ng gulong iyon, paano ka pagpasok mo sa trabaho?"

Nagkibit-balikat ang kapatid, sumubo muna ng pagkain bago bumaling sa kanya, "Pautang na lang muna."

Napailing na lang si Jeraldine. Lumingon siya sa relo. Alas-syete y medya daw siya susunduin ni Owen. Kagabi ay ipinagpaalam na siya nito sa nanay niya. Hindi niya alam kung saan ang punta nila. Sabi ni Owen ay ito na raw ang bahala.

Gusto niyang tumangging sumama sa binata noong una. Pero naisip makatutulong ang paglabas ngayon para magrecharge, bago na naman siya sumagupa sa panibagong responsibilidad. Hindi pa nga niya nasasabi sa ina na kinausap siya ng tatay niya. Alam niyang hindi matutuwa ang ina niya kapag nalaman ang intensyon ng ama niya sa pagkausap sa kanya kaya hindi niya masabi rito.

"Sige na, ate. Promise, babayaran kita," ani Luis. Tumayo ito, pumasok sa kusina at inilagay ang pinagkainan sa lababo, bago muling bumalik sa sala at itinuloy ang panonood ng telebisyon.

Si Jeraldine naman ay tumayo na sa sofa. Labing-limang minuto makalipas ang alas-syete, maya-maya ay narito na tiyak si Owen. Kilala niyang hindi nalalate ang lalaki. Lagi pa nga itong maaga sa usapan. Umakyat siya sa kwarto para kunin ang bag. Kanina pa siya nakaligo at nakapaghanda. Bumaba lang siya nang maalala ang motor na nakita niyang kaninang nagwawalis siya ng bakuran.

Wala pang alas-syete y medya ay naroon na nga si Owen. Parehas silang nakacasual attire. Nasabi na ni Owen sa kanya na magpants at t-shirt lang siya. Pinagdala din siya nito ng extra set ng damit kaya lalo siyang naintriga kung saan ba talaga ang punta nila.

"Tara lets?" ani Jeraldine. Pinipilit niyang pakaswalin ang boses para ikubli ang totoong nararamdan. She is excited. Matagal na nang huli niyang maramdaman ang ma-excite nang ganito sa isang lakad.

Ngumiti muna si Owen bago tumango, "Tara."

Binati ni Luis si Owen bago bumaling sa kanya, "Ate, sandali. Yung hinihiram kong pera?" Napabuntong-hininga na lang si Jeraldine. Tahimik na binuksan ang duffel bag, kumuha ng isang libo at iniabot sa kapatid. "Salamat, ate."

Crushmate (COMPLETED)Where stories live. Discover now