Chapter 15

998 74 7
                                    

"Ate, sige na. Ngayon na ang deadline ng bayad, e. Kinapos lang ang ipon ko. Matagal na naming plano iyon," ani Annalyn. Kinukulit siya ng kapatid kung pwede daw ba itong humiram ng pera sa kanya. May trip daw ito at ang mga kaopisina papunta sa Ilocos sa darating na weekend.

Kinuha ni Jeraldine ang wallet, "Magkano ba ang kailangan mo?"

"Two thousand lang."

Iniabot niya ang pera sa kapatid na agad namang inilagay sa bag ang pera. "Ate, pati allowance ko sa trip ha, pahiram muna," anito bago tuluyang tumalikod.

"Tara na," ani Jeraldine na naglakad na papunta sa kotse ni Owen. Tuwing umaga ay sinusundo siya ng kasintahan. Kahit sinabi na niyang sa school na lang sila magkita, nagpipilit pa rin si Owen na sunduin siya tuwing umaga kahit na mas mapapalayo ito. Malapit lang ang bahay ng mga ito sa school.

"Anong trabaho ni Annalyn?" ani Owen habang nagmamaneho.

"Accounting Assistant. "Bakit?"

"Anong pinagkakagastusan niya?"

"Ewan ko. Sweldo naman niya iyon kaya hindi ko tinatanong. Kung magbigay ng gastusin sa bahay, salamat, kung hindi, okay lang din. Maganda naman ang kita sa prutasan kaya hindi ko sila inoobligang magbigay."

"Bakit sa'yo pa rin siya naasa ultimo pambayad sa travel plans niya? Masyado mo naman yata silang sinanay na nadiyan ka lang lagi para sa kanila."

"Iyon naman ang dapat, di ba? Ang lagi akong narito para sa kanila. Ate nila ako, natural lang iyon."

"Pero hindi sa lahat ng oras nariyan ka para asahan nila.

Umiling si Jeraldine, "Ako pa lang halos ang may-isip sa amin nang iwan kami ni tatay kaya ako ang nakakaalam kung gaano kasakit ang walang maasahan para sa pangangailangan ko. At naipangako kong kahit anong mangyari ay lagi akong tutulong sa kanila, basta kaya ko."

"Pero may sariling buhay ka rin na dapat unahin, sweetheart."

Nagsalubong ang kilay ni Jeraldine, "Teka, bakit pinag-uusapan natin ito? Wag mong sabihing nagseselos ka sa pagtulong at atensiyon ko sa mga kapatid ko? Nagkukulang ba ako sa iyo?"

"Hindi ka nagsusulang ng atensyon sa akin, sweetheart. Pero sumusobra ang pagbibigay mo noon sa mga kapatid mo. At mali iyon, sweetheart."

Nagulat si Jeraldine, hindi niya inaasahan sa lalaki iyon. Kilala naman niya itong mapagbigay din. Noong isang buwan nga lang ay sa bahay-ampunan sila nagcelebrate ng birthday nito. Taon-taon palang ganoon ang ginagawa ng lalaki sa tuwing mag-cecelebrate ng kaarawan. Nakuha daw nito ang ideyang iyon sa ina nito. At kung sa ibang tao ay nagbibigay ito, mas lalo naman sa mga kamag-anak na nangangailangan din, kaya hindi niya inakala na kukuwestiyunin ni Owen ang pagbibigay niya sa kapatid.

"Gano'n? Kailan naging mali ang pagbibigay sa mga kapatid ko? At saka hiram naman iyon, babayaran niya ako." Napahalukipkip si Jeraldine.

"Hindi iyon ang ibig kong sabihin, sweetheart. Ang sa akin lang, parang sobra na ang pagpapaluwag at pagbibigay mo sa kanila."

"Kailan pa naging mali ang pagtulong at pagbibigay? Panganay ako, natural na maliban sa nanay, ako ang katuwang ng mga kapatid ko sa mga pangangailangan nila."

"That's the key word, sweetheart. Pangangailangan lang dapat. Kahit hindi na nila kailangan, ibinibigay mo pa."

Tuluyang nagsalubong ang mga kilay ni Jeraldine. Hindi niya mapaniwalaang pagtatalunan nila ang pagbibigay niya sa pamilya.

Mula pagkabata, siya na ang katulong ng nanay sa lahat. Kahit noong wala-wala sila, ginagawa niya ang lahat para makapagprovide sa mga kapatid. Kesehodang puro deduction ang payslip niya, may maipampa-enrol lang at maipabaon sa mga kapatid niya. Natural na sa kanya ang pagtulong. Kahit walang matira sa kanya. Kahit hindi humihingi, basta meron siya, handa niyang ibigay para sa pamilya.

Crushmate (COMPLETED)Where stories live. Discover now