CHAPTER 18 - New York

49.7K 1.1K 5
                                    

CHAPTER 18
New York

BEATRICE
   
NAKAUPO SIYA SA isang antique na upuan habang tanaw niya ang nagkukulay kahel na kalangitan. Lumipas na ang isang linggo hanggang sa matanggap niya nang tuluyan ang lahat ng pangyayari sa kanyang buhay. Pero kahit na puro sakit ang kanyang nararanasan ay meron pa ring magandang nangyari sa buhay niya. Masaya siyang natagpuan na niya ang kanyang tunay na pamilya. Nakatutuwa dahil napakaluwag ng pagtanggap ng pamilya ng lolo niya na pamilya na rin niya.

    Napahinga siya nang malalim nang maisip ang dati niyang pamilya. Ang daddy at mommy niya, pati na rin si Xander. Gusto niyang makita ang mga ito bago man lang siya umalis. Gusto niyang magpaalam sa mga ito dahil alam niyang nag-aalala na rin ang mga ito.

    "Apo!" Mula sa pagtingin sa kalangitan ay napalingon siya sa Lolo Miguel niya na nakabihis na. Tumayo siya para alalayan ito dahil minsan ay sinusumpong na ito ng rayuma. "Handa ka na ba?" tanong nito. Humawak siya sa braso nito at niyakap habang nakatingin sila sa malawak na lupain ng mansyon.

    Ngumiti siya rito at tumango. "Handa na po, 'Lo."

    "Kung gano'n ay halika na. Baka mahuli tayo sa flight." Tumango siya at inalalayan ito papunta sa sasakyang maghahatid sa kanila.

LULAN NA SILA ng sasakyan habang nakatanaw siya sa mga nadaraanan nila. Tanging mga puno at bangin lamang ang kanyang nakikita. Nagulat nga siya nang malaman niyang magkalapit lang pala ang bayan ng lolo niya mula sa lugar ng mommy niya. Kaya hindi siya mapakali dahil tanaw niya ang kabilang intersection na siyang daan patungo sa mansyon. Gusto sana niyang masilayan man lang ang pamilyang kumupkop sa kanya kahit sandali.

    "Apo, may problema ba?" pukaw sa kanya ng lolo niya. Tila napansin nito ang kanyang pagkabalisa. Napabuga siya ng hangin at tumingin sa matanda na katabi niya lamang sa backseat.

    "'Lo, gusto ko po munang masilayan ang mga taong nag-ampon sa akin. Gusto ko po silang makita bago ako umalis," hiling niya rito. Ngumiti ito at tinapik ang kanyang kamay na nasa kandungan niya.

    "No problem, Apo," sabi nito bago binalingan ang driver nila. "Ambo, paki liko nga ang sasakyan sa kanan. May dadaanan lang kami d'yan sa lupain ng mga Ford."
   

   
NAE-EXCITE SIYA DAHIL natatanaw na niya ang mansyon. Malaki ito kaya kahit sa malayo pa lang ay matatanaw mo ito. Na-miss niya bigla ang mansyon dahil sa tagal na nilagi niya ay kabisado na niya ang kasuluk-sulukan nito. Bagong pintura ito na kinulayan ng puti at pinatungan ng parang gintong pintura kaya lalong nabunyag ang ganda nito.

    Huminto ang sasakyan nila sa medyo malayong distansya mula mansyon. Pero tanaw pa rin niya mula sa pwesto ang loob ng mansyon. Nakita niya ang ilang kasambahay na nagsisilong ng nilabhan. Nakita niya rin ang ilang gwardya na nakamatyag sa buong paligid.

    Nakita niyang lumabas ang isang elegante, maganda, maputi, at mahinhing babae—ang kanyang ina. Napaluha siya habang nakatingin dito na patungo sa favorite spot nito, sa garden. May kasunod itong kasambahay na may bitbit na tsaa. Kabisado na niya ang mommy niya. Lagi itong umiinom ng tsaa tuwing hapon. Nakita niya ang pagtawa nito habang kausap si Manang Cita, ang isa sa mga pinakamatagal ng kasambahay ng mga Ford. Masaya na siyang makitang tumatawa ito dahil baka kapag nagpakita siya ay baka magbago ang isip niyang umalis. Ngayon pa nga lang ay kating-kati na siyang lapitan ito at mahagkan, pero pinigilan niya ang sarili. Napabaling ang kanyang tingin sa dalawang kotse na parating. Kilala niya kung sino ang sakay ng mga ito: ang Montero na itim ay ang daddy niya, kasunod noon ang Mercedez na dilaw na pagmamay-ari ni Xander. Huminto ang mga ito habang hinihintay ang pagbukas ng gate.

    "Apo, hindi ka ba lalapit sa kanila?" pukaw sa kanya ng Lolo Miguel niya. Umiling siya habang lumuluhang nakatanaw sa mga ito.

    "Sapat na po ang pagtanaw ko sa kanila mula sa malayo, Lolo. Dahil kapag nagpakita ako sa kanila, baka hindi na po ako makaalis. Kahit na gustong-gusto ko silang hagkan ay pinipigilan ko ang aking sarili," nakangiti niyang sabi pero bakas sa kanyang mukha ang pangungulila.

Mafia Brother Owned Her (SELF PUB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon