CHAPTER 25 - Weird

42K 1K 40
                                    

CHAPTER 25
Weird

BEATRICE
   
PANAKA-NAKA SIYANG TUMITINGIN kay Dimitri na kasabay nilang kumakain. Simula noong dumalaw siya sa kanyang pamilya ay kakaiba na ang kinikilos nito. Akala nga niya ay wala na itong balak na umuwi. Mabuti at naisipan pang makisabay sa kanila ni Duke ngayon na mag-almusal.

    Mayroon siyang gustong itanong dito pero tuwing ibubuka niya ang bibig ay agad itong umiiwas. Nasasaktan siya dahil sa pag-iwas nito. Para bang siya pa ang may kasalanan kung makaiwas ito.

    Ang isa rin sa pinagbago nito ay lagi itong nakatutok sa cellphone na tila laging may inaabangang text o tawag mula sa kung sino man.

    Gaya ngayon, tumunog ang cellphone nito at agad nito iyong kinuha. Tumayo ito at hindi man lang nag-abalang ipaalam sa kanya kung pwede nitong sagutin ang tawag na iyon.

    Walang ganang nilapag niya ang kutsara't tinidor sa lamesa. Pagkatapos ay napahilamos siya ng mukha. Punong-puno na siya rito. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang ginagawa nito para mas unahin pa nito iyon kaysa sa kanila.

    "Stop crying, Mommy." Inalis niya ang kamay mula sa pagkakasapo niya sa mukha nang magsalita si Duke. Hindi niya namalayang humahagulgol na pala siya sa pag-iyak.

    Tumingin siya kay Duke na nakatayo na sa gilid niya at matamang nakatingin sa kanya.

    Ngumiti siya rito at umiling. "Hindi umiiyak si Mommy. Napuwing lang ako, baby," pagsisinungaling niya.

    Pero sino ba ang niloko niya? Maski yata bata ay alam na nagsisinungaling siya. Sumalubong kasi ang kilay nito, tanda na hindi ito naniniwala.

    "Payakap nga si Mommy," nakangiti niyang sabi rito. Lumapit naman ito at hinayaan siyang yumakap.

    Mahigpit niya itong niyakap at hindi na niya napigilang tumulo uli ang luha nang marinig ang pag-andar ng sasakyan, hudyat na aalis na naman si Dimitri.

    Paano niya malalaman kung ano bang pinagkakaabalahan nito kung lagi itong walang kibo at laging umaalis? Hindi naman niya gustong paghinalaan ito dahil may tiwala siya rito na mahal siya nito. Pero paano siya hindi manghihinala kung binibigyan siya nito ng dahilan para maghinala?
   

TINATAPIK-TAPIK NIYA ANG pang-upo ni Duke habang hinehele ito. Nakatulog na ito habang nakayakap sa kanya. Nasa kwarto siya nito para tabihan dahil hindi ito makatulog.

    Tumingin siya sa orasan at napansing pasado alas onse na ng gabi. Wala pa rin si Dimitri na kanina pang umaga umalis. Tinatawagan niya ito pero hindi nito sinasagot ang tawag.

    Bumaba siya upang doon na lamang hintayin si Dimitri. Naupo siya sa sofa at binuhay muna ang TV. May mga ilang palabas pa na nakapukaw ng atensyon niya kaya hindi siya nainip habang hinihintay si Dimitri.

    Napalingon siya sa labas nang marinig ang ugong ng sasakyan. Agad niyang pinatay ang TV at dali-daling tumayo upang pagbuksan ito. Lumabas siya at inabangan ang lalaki. Nakita niyang pasuray-suray itong naglalakad palapit sa kanya.

    "Dimitri, bakit ngayon ka lang?" mahinahon at nag-aalala niyang tanong.

    Sukbit-sukbit nito ang tuxedo sa balikat habang nakayuko ito at naglalakad. Nag-angat ito ng tingin at lumapit sa kanya. Ngumiti ito ngunit halos pikit na ang mga mata sa kalasingan.

    "Napakaganda mo talaga, Babe," lasing nitong sabi pagkalapit nito sa kanya. Humawak ito sa baba niya at tumitig sa kanya kahit na papikit-pikit ang mga mata.

    "Bakit ka ba naglalasing at ginagabi ka ng uwi?" tanong niya rito at hinawakan ang braso nito upang alalayan nang muntik na itong mabuwal.

    Humawak ito sa baywang niya nang mariin para kaladkarin siya papasok. Pero nagpupumiglas siya rito dahil gusto niyang makausap muna ito. Napakapit siya sa balikat nito habang umaakyat sila ng hagdan. Kinakabahan siyang baka mahulog sila sa hagdan dahil lasing itong maglakad.

Mafia Brother Owned Her (SELF PUB)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon