Kabanata 2

1.1K 54 15
                                    

Kabanata 2


"I'M OKAY, mom. Thanks po. Bye."

Napahinto sa paglalakad si Ash nang marinig ang pakikipag-usap ng isang estudyante sa cell phone. Kausap nito ang nanay nito. Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit. Siya, 'ni isang text ay walang natanggap galing sa mga magulang niya.

"It was as if I never existed, huh?" pabulong na aniya. Umiling-iling siya upang iwaksi ang lungkot sa puso.

Binilisan na niya ang lakad dahil alam niyang male-late na siya sa club meeting nila. Halos madapa-dapa na siya sa pagmamadali. Napuyat kasi siya kagabi dahil sa tinapos niyang nobela. Inspired kasi siya dahil sa life savior niya noong naligaw siya isang araw ang nakalipas. Idagdag pa na wala na siyang panggastos kaya kailangan niyang kumayod. Nahihiya naman siyang manghingi sa Kuya Ace niya ng allowance.

Nasa ikatlong taon na siya dito sa Saint Vincent University sa kursong Journalism. Nasa Business Administration siya noon subalit isang taon lamang siyang tumagal doon. Mas gusto kasi niyang nasa linya ng pagsusulat ang kurso niya.

Ang tigas kasi ng ulo mo. Lumipat ka pa kasi. Ayan tuloy ang nangyari sa 'yo.

Hindi nagustuhan ng mga magulang niya ang pasya niya. Pero dahil nagpumilit siya na magsi-shift ng kurso, sinabi ng mga ito na bahala na siya sa buhay niya.

Mabuti na lamang at may scholarship siya kaya't kahit hindi siya padalhan ng allowance at pang-tuition ng mga magulang ay ayos lamang. Ang sweldo niya bilang freelance writer ang ginagamit niya sa pang-araw-araw na gastos. Ang Kuya Ace naman niya ang nagbabayad sa boarding house niya.

Lumiko na siya sa dulong pasilyo at sa labis niyang pagkagulat ay bumangga siya sa isang pader. Nai-balanse niya kaagad ang katawan kung kaya't hindi siya natumba. Subalit nabitawan niya ang hawak-hawak na romance book.

"Huh. Kailan pa nagka-pader dito?" mahinang aniya at yumuko upang pulutin ang kanyang libro subalit may kamay na naunang pumulot doon. Imbes na ang libro ang mahawakan ay ang kamay na iyon ang nahawakan niya. Tila may dumaloy na kuryente sa daliri niya dahil sa pangyayaring iyon.

Sa nobela ko lang 'to nangyayari!

Tila nasa isang pelikula na nilingon niya ang may-ari ng kamay na iyon at isang singhap ang kumawala sa labi niya nang makilala ang nakabunggo niyang "pader." Nakasumbrero na kulay puti na may disenyo na letrang "R" sa gitna ang lalaki.

Oh my God! The cap is so freaking familiar!

Sa tatlong taon na pag-aaral niya dito sa SVU ay ngayon niya lamang nakita ang lalaking ito. Nang mapatingin sa mukha nito ay muli, isang singhap ang lumabas sa kanyang labi.

It was the guy who helped her two days ago! Schoolmate niya ito! Nagdiwang ang puso niya dahil sa kaalamang iyon.

Hindi siya nakakibo at nanatiling nakamaang sa lalaki. Nang iniabot nito sa kanya ang libro niya ay hindi siya nakapagsalita. Nakatitig lamang siya dito. Hindi niya alam subalit tila may kumislap na rekognasyon sa mata nito.

"Mag-ingat ka nga sa susunod."

Nakatalikod na ito at malayo na sa kanya nang mahimasmasan siya nang kaunti. "Hi, ako nga pala ang heroine ng buhay mo at ikaw ang hero ng buhay ko. Tadhana na ang naglapit sa atin," mahinang kausap niya sa hangin na tila ba kaharap pa rin niya ang misteryosong lalaking may suot ng puting cap.

Naniniwala siyang ito na talaga ang soulmate niya! Kailangan na niyang malaman kung sino ang lalaking ito!


NAPAKUNOT ang noo ni Rein nang makita ang pagpapalitan ng tingin ng mga kaibigan niya. Nandito sila ngayon sa open court at nagwa-warm up. Hindi niya maiwasang kabahan sa nakitang pagpapalitan ng kakaibang tingin ni Enzo at Kei. Ang dalawang nabanggit at ang mga kasama ngayon sa open court ay pawang mga miyembro ng tennis club dito sa Saint Vincent University.

Si Enzo ang captain-cum-coach ng tennis club at nagsasabi lamang siya ng totoo kapag sinabi niyang may kakaiba itong plano kapag ganitong kumikislap nang kakaiba ang mata nito.

Napalunok siya nang palihim. Isa si Enzo sa mga hinahangaan niyang tao pagdating sa paglalaro ng tennis. Ito lamang ang kakilala niya—bukod sa ama at kuya niya—na hindi niya matalo-talo pagdating sa sports na ito.

"'Sus! Pustahan tayong mas mauuna pang magka-lovelife si Guji kaysa kay Kei," narinig niyang ani Cloud.

"Mas magugulat ako kung mauuna pa si Enzo kaysa kay Rein."

Tiningnan niya lamang nang masama si Reus. Alam nito maging ng iba niyang mga kaibigan na wala pa sa isip niya ang "love" na iyan.

"Bata pa 'yan. Wala pang muwang sa mundo," nakangiting ani Les.

"Kung mag-usap kayo, parang wala ako rito," asik niya sa mga kaibigan.

"Mukha ka kasing tuod diyan, Rein. Nahahawa ka na kay Guji-mon."

"Shut the hell up, San Diego!"

"Shut the hell up, San Diego," panggagaya ni Reus kay Guji.

Napailing na lamang siya sa dalawang ito. Kung magbangayan kasi ang dalawa ay daig pa ang mag-asawa. Alam niyang likas na kay Guji ang ugaling iyon. Hindi niya lamang malaman kung bakit pinapatulan pa ito ni Reus.

"Haul your insecure ass out of here, San Diego!"

"Sino insecure? Ako? Neknek mo, nognog!"

"Reus, twenty laps around the court, now!"

Kita niya ang kanya-kanyang ngisi ng mga kaibigan niya nang nagbubusang patakbong umalis si Reus dahil nasita ito ni Enzo.

"Captain, puwede bang umuwi ng maaga ngayon? May date kami ni Airin, eh."

Tiningnan lamang ito nang masama ni Enzo.

Napailing na lamang siya at binalingan si Guji. "Care for a match?"

Tumango ito.

The Prince's Trial-and-error Love (Tennis Knights #8) (Published under PHR)Where stories live. Discover now