Chapter Five

1.8K 102 1
                                    


BUMALIKWAS ng upo si Rafael. Naalimpungatan siya dahil sa biglang pagtunog ng cellphone niya na nasa kanyang tabi. Una'y malinaw pa sa isip niya ang kanyang panaginip ngunit habang lumilipas ang oras ay unti-unti itong lumalabo. Pero tumatak sa isip niya ang pangalan ng babae sa kanyang panaginip at ang hitsura ng singsing na isinuot niya sa kamay ng babae. Dinampot niya ang kanyang cellphone at sinagot ang tumatawag niyang ina.

"Yes, Ma?" sagot niya sa namamalat na tinig.

"My God, Rafael! Where are you?" tanong ng kanyang ina sa matinis na tinig.

Bahagya niyang inilayo sa kanyang tainga ang cellphone. "I'm still here in Palawan, Ma," sagot niya.

"Hindi pa ba tapos ang pinapagawa sa 'yo ni Arnel? Paano ang mga project natin dito? Maraming bagong kliyente ang construction."

"Nakausap ko na si Engr. Laureles para asikasuhin ang mga projects. Meron pa akong tatapusing project dito. Baka matatagalan akong makauwi ng Maynila."

"You just waste your time, hijo. Bakit ba mas interesado ka sa maliliit na proyekto mo? Malapit nang darating ang Daddy mo mula Texas at kasama ang investor from California. Nakipagsundo na sa atin ang Rogers corporation at makikiisa sa atin para mas mapalawak ang investment nila rito sa bansa. Nakabili na sila ng malalawak na property rito sa bansa para sa malaking real estate project. Si Mrs. Lyn Rogers ay isang pinay at tubong Cavite kaya mas gusto niyang dito mag-invest. Dito na rin maglalagi sa bansa ang anak niyang si Sandra. Alam mong matagal nang kaibigan ng Daddy mo si Mr. Rogers at nagkasundo na sila noon pa para sa partnership na ito. Malaking opportunity ito, anak. Umuwi ka na at paghandaan ang pagdating ni Mr. Rogers. Wala kang mapapala riyan sa Pa"

"Tatapusin ko lang ang project ko, Ma. Bye," sabi niya saka sapilitang pinutol ang linya.

Napisil niya ang kanyang ulo nang bigla iyong sumakit. Ipipilit na naman sa kanya ng Mommy niya na pakasalan niya ang anak ni Mr. Rogers na si Sandra, para sa ikatitibay ng partnership ng dalawang kumpanya. Iritang-irita na siya. Dahil sa sinabi ng Mommy niya ay parang ayaw na niyang bumalik ng Maynila.

Bumangon na siya at naligo. Mabuti na lang libreng pinagamit sa kanya ni Martin ang isang hotel room nito. Iniwan na siya ni Arnel. May usapan sila ni Martin na maaga silang pupunta sa Cuyo Island para bisitahin ang lupain nito na pagtatayuan ng gusali.

Saktong pagkatapos ng almusal ay dumating si Martin. Umalis kaagad sila. Lulan ng ferryboat ay binabaybay nila ang malawak na karagatang nagdudugtong sa El Nido at Cuyo Island. Bawat bahagi ng karagatang nadadaanan nila ay nagpapahiwatig ng pamilyar na damdamin sa kanya. Maaring noong naglalayag siya sakay ng yate ay narating na rin niya ang karagatang iyon. Ang sabi ng Mommy niya, doon sa karagatang iyon sila inabutan ng malakas na ulan pero nakita ang yate sa karagatan na ng El Nido noong humupa ang malakas na ulan. Iyon daw ang natanggap nitong report mula sa tauhan ni Arnel. Nilinaw rin ng mga ito na siya at si Mang Albert lang ang sakay ng yate. Wala raw nabalitang may bangkay na nakita sa isla.

Kaya pala maaga silang umalis ni Martin ay dahil buong araw silang bumiyahe. Pagdating nila sa Cuyo Island ay sinuyod kaagad ni Rafael ang may isang ektaryang lupain ni Martin. Pasado alas-siyete ng gabi na sila nakarating sa isla. Maganda ang beach area. Maraming malalaking punong-kahoy na nabubuhay sa lupain. Magandang camp site ang magubat na bahagi. May mga native cottages na ring pinagawa si Martin at palikuran. Mayroon na ring munting tindahan. Katunayan ay marami na ring torista roon na nagtayo lang ng tent. May mga resort na rin pala at maraming nakatira sa beach area. Doon na sila naghapunan ni Martin. Doon na rin daw sila magpapalipas ng gabi.

Napagkasunduan nila na si Martin ito na ang bahalang mag-hire ng manpower para sa construction. Ito na rin ang balahang mag-provide ng service papunta roon na maghahakot ng materyales at ibang kagamitan.

Pagkatapos ng hapunan ay tumambay sila ni Martin sa dalampasigan habang tumutungga ng beer. Mamaya'y naghari na naman sa isip ni Rafael si Andrea. Naingganyo siyang mapag-usapan ang dalaga.

"Matagal mo na bang empleyado si Andrea, Martin? Pansin ko parang ang weird niya. Umiiwas siya kapag tinatanong ko siya tungkol sa identity niya," wika niya.

"Wala pa siyang isang taon sa akin. May amnesia kasi si Andrea," tugon ni Martin.

Natigagal siya. "Paano siya nagka-amnesia?" curious na tanong niya.

"Natagpuan namin siya ng kaibigan ko sa pampang ng dagat na walang malay. Akala nga namin noon ay patay na siya. Mag-umaga na noon at katatapos lang ng ulan. Nang malaman naming may pulso pa siya, dinala namin siya sa ospital. Halos isang buwan din siyang comatose. At nang magising siya, wala siyang maalala na kahit ano tungkol sa kanya. Nag-abang kami noon na may lumabas na balita tungkol sa nawawalang babae pero wala naman. Nahirapan pa kami noon dahil hindi siya nakakaintindi masyado ng tagalog pero bisaya at englis, mas madali niyang intindihin. Naisip namin noon na baka mula siya sa ibang bansa at nag-check-in lang sa isang resort rito pero napuntahan ko na lahat ng resort dito sa Palawan at pinakita ang litrato niya, walang nakakakilala sa kanya. Lumapit na ako sa pulisya at NBI at pina-scan ko ang litrato niya para malaman ang identity ni Andrea pero wala pa rin," mahabang kuwento ni Martin.

Tulala si Rafael hanggang natapos ang kuwento ni Martin. Umiikot lamang ang isip niya tungkol kay Andrea.

"Ibig-sabihin, hindi totoong Andrea ang pangalan niya?" pagkuwan ay sabi niya.

"Hindi. Ako lang ang nagbigay sa kanya ng pangalan," ani Martin.

Tumungga siya ng beer.

"Sabado bukas, mayroon kaming fire dance exhibition tuwing Sabado ng gabi, libre 'yon. Manood ka para malibang ka naman," mamaya ay sabi ni Martin.

"Sige ba. Gusto ko 'yon," aniya.

KINABUKASAN ay alas-sais na ng gabi nakabalik ng El Nido sina Rafael at Martin. Sabay na rin silang naghapunan. Gustong mag-night swimming ni Rafael kaya pagkatapos ng hapunan ay nagpalit kaagad siya ng itim na hapit na T-shirt at itim na swimming trunk. Pumayag naman siya sa imbitasyon ni Martin na manood sila ng fire dance exhibition.

Pagkatapos ng halos isang oras na paglangoy ay nagpalit ng Hawaiian short pant si Rafael at bughaw na T-shirt. Pagdating niya sa beach front bar ay namataan niya si Martin na nakapuwesto sa cocktail table malapit sa maluwag na espasyo kung saan nagaganap ang fire dancing. Nag-order muna siya ng inumin bago nilapitan ang lalaki.

Tamang-tama ang dating niya, nagsisimula na ang palabas. Nakatayo lang si Martin, habang hawak ang baso ng wine. Tinabihan niya ito. Isang lalaki at babae ang sumasayaw habang may nilalarong apoy.

"Sa Boracay ako unang nakapanood ng fire dancing," sabi niya.

"Marami ding nagtatanghal na fire dancer dito," ani Martin.

"Nakakaaliw silang tingnan," aniya.

Hindi na nagsalita si Martin.

Pagkatapos ng performance ng dalawang dancer ay may nagpatugtog ng violin. Naitutok ni Rafael ang paningin niya sa kakapasok na babaeng fire dancer na tanging silver underwear ang suot na kumikintab. Maging boots nito ay silver. Nakapulupot sa ulo nito ang tinirintas nitong buhok. Nasorpresa siya nang makilala ang dancer. Kumurap-kurap pa siya para matiyak kung si Andrea talaga ang nakikita niya. Manipis lang ang make-up at lipstick nito kaya madali niya itong nakilala.

"Is that, Andrea?" gimbal na tanong niya kay Martin.

"Yes. She's one of my fire dancers. Magaling siyang sumayaw. Actually hindi ko ini-expect na may talento siya sa pagsayaw. At magaling din siyang kumanta," masiglang sagot ni Martin.

Biglang tumahimik si Rafael nang magsimula nang sumayaw si Andrea. Nagpa-ikot-ikot ito sa pool na nakatulos sa gitna na dance floor. Wala pa itong dalang bagay na umaapoy. Napakalambot ng katawan nito. Habang pinagmamasdan niya itong sumasayaw ay para siyang lumilipad sa labis na kasiyahan. Habang nakatitig siya sa sumasayaw na dalaga ay may ilang senaryong sumasagi sa isipan niya. Isang senaryo sa isang mataong lugar na may makikislap na ilaw. May nakikita siyang babaeng sumasayaw sa entablado habang may hawak na microphone. Malakas ang tugtog at maingay ang mga tao.

Bigla na lamang kumirot ang sintido niya. Tiniis niya ang sakit sa kagustuhang matapos ang pagsayaw ni Andrea. Sumasayaw na ito'ng may hawak na umaapoy na bagay na pinaiikot nito sa katawan. Habang bumibilis ang tugtog ng violin ay bumibilis din ang galaw nito na lalong nakakaakit panoorin. Subalit nang lalong kumirot ang sintido niya ay nagpaalam na siya kay Martin.

You're Still the One (Complete)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora