Chapter Six

1.7K 81 2
                                    


ISANG linggo ang lumipas. Tatlong araw nang naglalagi si Andrea sa Cuyo Island at pansamantalang namamahala sa resort ni Martin. Sa araw na iyon ay sisimulan na rin ang construction ng gusali na pinangungunahan ni Rafael. Umuuwi lamang siya sa El Nido tuwing Biyernes at Sabado para sa fire dancing.

Nagpapadingas ng uling si Andrea sa grilling stand nang napansin niya si Rafael na palakad-lakad sa pampang ng dalampasigan at may kausap sa cellphone. Quarter to eleven na kaya kailangan na niyang makapagluto ng ulam para sa tanghalian. Wala pa silang restaurant kaya kanya-kanyang luto ang mga empleyado. Napag-usapan nila ni Martin na isasama niya sa pagluluto ang pagkain ni Rafael. May ibinigay na budget si Martin para roon. Nakapagluto na rin siya ng kanin. May nabili siyang isda mula sa naglalakong lalaki. Para mabilis, iihawin na lamang niya iyon.

Pinagpahinga na ni Rafael ang mga construction workers. Mabilis magtrabaho ang mga ito. May mga nahukay na para sa poste ng gusali. Nang tingnan niya ulit ang binata ay humahakbang na ito palapit sa kanya. Nakasuot lamang ito ng Hawaiian short pants at puting T-shirt. Malamang nagugutom na ito.

"Can I do that?" tanong ni Rafael nang makalapit ito sa kanya.

Ngumiti lang siya saka pinaubaya sa binata ang pagpapadingas ng uling. Inihanda na lamang niya ang iihawin niyang isda na nailagay niya sa malaking plato at nakapatong sa mesang katabi ng ihawan.

"Busy ka ata ng mga nagdaang araw. Hindi kita nakita sa resort ni Martin sa El Nido," pagkuwan ay sabi ni Rafael.

"Nauna akong pumunta rito," aniya.

"Kaya pala. Paano ang fire dancing? Hindi ka na makakasayaw kung narito ka."

"Uuwi ako sa tuwing Biyernes para magsanay at Sabado ang schedule ko sa pagsayaw."

"Hindi ba hustle ang palipat-lipat ng duty?"

"Nasanay na ako. Dumadayo rin ako sa ibang lugar para mag-perform."

"You're such a good dancer. Hindi ako masyadong mahilig manood ng fire dancing pero nakuha mo ang interes ko," seryosong wika nito.

Matamang tiningnan niya si Rafael. Hindi niya maintindihan bakit sa tuwing pinagmamasdan niya ito nang matagal ay nagsisilakbo ang puso niya. Para bang gusto niyang manatili sa tabi niya ang binata hanggang sa magsawa siya sa kakatitig dito. Kumislot siya nang bigla itong tumingin sa kanya. Natigilan ito nang magtama ang mga paningin nila. Mamaya ay ngumiti ito.

"You're staring at me. Why?" kaswal na tanong nito.

Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Noong una ay naiinis siya rito at gusto niya itong tarayan pero hindi na niya magawa sa pagkakataong iyon.

"Nothing," tipid niyang sagot saka niya ibinaling ang tingin sa malaking isda.

Ngumisi si Rafael. "Alam mo, akala ko talaga suplada ka noong unang beses tayong nagkita sa beach. Medyo mataray rin ang hilatsa ng mukha mo. But later on, I just realized why sometimes you acted weird. I just feel you. We almost have the same story. I also have amnesia," sabi nito.

Natigagal siya. Awtomatikong naibalik niya ang tingin sa binata. "Naka-recover ka na ba?" interesadong tanong niya rito.

"Not yet. Ang sabi ng doktor, baka matatagalan ang recovery ko depende sa environment at sitwasyon," tugon nito.

"Paano ka nagka-amnesia?" usisa niya.

"Dahil sa aksidente."

Na-curious siya. Marami pa sana siyang gustong itanong tungkol sa kaso nito baka sakaling makatulong sa recovery niya ang karanasan ni Rafael. Bigla namang dumating ang caretaker ng lupain ni Martin na si Aleng Delia. Tubong Cebu ang ginang pero doon na nakapag-asawa sa Palawan.

"Unsa mai lutuon nimo diha, Andrea?" (Ano ang lulutuin mo riyan, Andrea?) tanong nito sa kanya sa wikang bisaya.

"Kining isda, akong sugbahon." (Itong isda, iihawin ko.) sagot niya.

"Ma-o ba?" (Gano'n ba?)

Ngumiti lamang siya.

Umalis din si Aleng Delia matapos ibigay sa kanya ang pinakuha niyang sili na ilalagay niya sa sawsawan ng inihaw.

"Ano'ng sabi ni Aleng Delia?" curious na tanong ni Rafael nang makaalis ang ginang.

"Nagtatanong lang si Aleng Delia kung ano ang lulutuin ko," aniya.

"Gano'n ba 'yon? Mukhang mas fluent kang magsalita ng bisaya kaysa Tagalog. Baka taga-Cebu ka," anito.

"Hindi ko alam. Maraming lugar sa Visayas at Mindanao ang gumagamit ng salitang bisaya."

"Kung sa bagay," sabi nito habang pinapaypayan ang dumidingas na uling.

"Hindi ba apektado ng amnesia ang nakaraan mo, Rafael?" seryosong tanong ni Andrea sa binata.

Hindi kaagad nakasagot si Rafael. Naibaling nito ang tingin sa nakasalang na isda sa grill. "Nakabase lang ako sa impormasyong sinabi ng Mommy ko. Ang totoo, wala akong maalala kahit konti mula sa nakaraan ko. Tiniyak naman niya sa akin na wala akong karelasyon bago nangyari ang aksidente. E ikaw?" pagkuwa'y sagot nito saka ibinalik ang tanong sa kanya.

Inayos niya ang isdang iniihaw nila gamit ang tong na hawak ng kaliwang kamay niya. "I don't have idea. Para akong isinilang muli na nagsisimula pa lang mag-ipon ng memories ang utak ko," sagot niya.

Nang tingnan niya si Rafael ay napansin niya ang pananahimik nito at tulala habang nakatitig sa kaliwang kamay niya. Mamaya ay bigla itong napapisil sa ulo nito. Umatras ito palayo sa kanya. Nag-aalalang nilapitan niya ito.

"Hey! Are you alright?" tanong niya.

"I'm fine. Maiwan muna kita. Magbabanyo lang ako," sabi nito saka nagmamadaling umalis.

Ibinaling na lamang ni Andrea ang atensiyon sa pag-iihaw ng isda. Mamaya ay naisip niya si Rafael. Naiingit siya rito dahil kahit may amnesia ito ay kapiling pa rin nito ang pamilya nito na siyang gumagabay rito para maka-recover. Samantalang siya, walang ni-isang nakakakilala sa kanya. Walang gumagabay sa kanya para ipaalala ang kanyang nakaraan. Hindi sapat ang effort ni Martin dahil wala rin itong alam tungkol sa tunay niyang pagkatao.

You're Still the One (Complete)Where stories live. Discover now