Chapter Six

5.9K 140 21
                                    

NATAPOS na nina Nathalie at Zigmund ang pag-aasikaso ng mga requirement sa kasal nila. Tapos na rin sila sa mga marriage seminar. Iyon lang ang panahon na nakakasama ni Nathalie ng matagal si Zigmund.

Bumuntong-hininga siya habang hinihintay na magsalita ang Kuya Danilo niya mula sa kabilang linya. Ilang beses na niya itong tinawagan mula nang ipaalam niya sa pamilya ang pagpapakasal nila ni Zigmund pero nagmamatigas ito. Ngayon lang sinagot ng lalaki ang tawag niya pero hindi naman ito nagsasalita.

"Ayaw mo pa rin ba akong kausapin, Kuya? Huwag mo naman akong parusahan nang ganito," halos mapaiyak nang pakiusap niya rito.

Narinig niya ang marahas na pagbuga nito ng hangin.

"Matitiis mo ba talaga ako?"

Ngayon lang sila nagkatampuhan nang ganoong katagal. Pinaka-iiwasan niya iyong mangyari dahil kilala niya ang pinsan, matagal itong makalimot kapag sumama ang loob nito.

"Nathalie, marami pa akong gagawin," sa wakas ay sabi nito..

"Kuya, sandali lang--"

Pinutil na nito ang linya. Napabuga siya ng hangin at isinilid sa kanyang bag ang cell phone.

Inilibot niya ang tingin sa loob ng opisina ni Zigmund. Mag-iisang oras na siya roon pero wala pa rin ang lalaki. Ang sabi ng sekretarya nito ay lumabas ang binata para i-meet ang isa sa mga kliyente ng kompanya.

Wala silang lakad ngayon ni Sandy. Nakadama siya ng relief dahil buong araw niyang hindi makakasama ang babae. Hindi rin niya maipaliwanag kung bakit mabigat ang loob niya rito. Mabait ito pero hindi maipagkakaila ang pagiging pakialamera nito. Sa bawat desisyon kasi na gagawin niya para sa kasal nila ni Zigmund ay palagi itong may komento at kung minsan pa ay ang gusto nito ang ipinipilit.

Wala siyang magawa sa penthouse kaya naisip niyang magpunta sa mall kanina. Pauwi na siya nang mapadaan sa isang Asian restaurant. Naisip niyang ibili si Zigmund ng paborito nitong sushi at dumplings.

"Ma'am," ani Rachelle na pumasok sa loob ng opisina. "'eto ho ang juice n'yo."

"Thank you," nakangiting sabi niya.

Ibinaba nito ang dalang juice sa table na nasa harapan niya. "May kailangan pa ho ba kayo?"

"Matatagalan pa kaya ang sir mo?"

"Hindi ko rin ho alam. Pero usually mabilis namang natatapos ang meeting ni Sir at bumabalik din siya kaagad rito."

Napatango-tango siya. "Mayroon ka ba riyang magazine o kahit anong puwedeng basahin?"

"May mga book po si Sir diyan." Itinuro nito ang bookshelf.

Alanganin siyang ngumiti. "Sige, hindi bale na lang."

Natahimik si Rachelle. Mukhang naalala rin nito ang nangyari noon. "Sandali po, Ma'am, magtatanong ako sa iba kong kasamahan. Baka ho mayroon silang magazine."

Iniwan siya nito at nang bumalik ang babae ay may dala-dala na itong dalawamg magazine. Iniabot nito ang mga iyon sa kanya at sinabihan siya na kung may kailangan pa siya ay tawagin lang niya ito.

****

NAPAKUNOT- NOO si Zigmund nang madatnan niyang natutulog si Nathalie sa sofa sa kanyang opisina. Nakatulog itong nakaupo at nasa kandungan ang isang magazine. Maingat niyang isinara ang pinto at nilapitan ito.

"Nathalie." Marahan niyang niyugyog ang balikat nito.

Dahan-dahan na nagmulat ang babae. Nagulat ito nang makita siya at napaayos ng upo. Tiningnan nito ang suot na relos. "Alas-singko na pala. Hindi ko namalayan na nakatulog ako. Kanina ka pa ba dumating?"

Nathalie's Romance (Completed_published by Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now