Chapter Eight

5.7K 126 1
                                    

Mabilis na lumipas ang mga araw, naipamigay na nina Nathalie at Zigmund ang mga invitation para sa kasal nila. Naayos na rin nila ni Sandy ang mga dapat ayusin, hindi lamang para sa kasal kundi pati ang misunderstanding na namagitan sa kanila. Nang sumunod na araw pagkatapos nang pag-amin nila ni Zigmund sa nararamdaman para sa isa't-isa ay nagkaayos na rin sila ni Sandy. Tinulungan pa rin siya nito sa preparasyon ng kasal at kahit paano ay unti-unti na rin silang nagkakalapit.

Si Zigmund naman ay naging abala pa rin sa pag-aasikaso ng naging problema ng kompanya dahil sa nangyaring aksidente sa cargo ship.

"We're here," ani Zigmund nang ihinto nito ang kotse sa labas ng Chrissy's Dress and Gowns. Maagang umalis ng opisina ang binata para samahan siya rito.

Hindi siya umimik, nakatingin lang siya rito.

"Nathalie!"

Natauhan siya sa lakas ng tinig ng binata. "Ha?"

"Are you okay?"

Ilang segundo din niyang tinitigan ang binata pagkuway ay marahan siyang tumango. "Oo naman."

Nangunot ang noo ng lalaki. "Sigurado ka? Kanina ka pa hindi kumikibo, eh. Ano bang iniisip mo?"

Kanina pa nga siya walang imik at nakatingin lamang sa binata. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya makapaniwalang mahal din siya nito at ilang araw na lamang ay magiging asawa na niya ito.

Ngumiti siya. "Masaya lang ako."

Lalo namang lumalim ang gatla sa nito.

"Masaya ako dahil nakasama kita ngayon," paglilinaw niya.

Nawala ang pangungunot ng noo nito at sa halip ay napangiti rin. Masuyo nitong hinaplos ang kanyang pisngi. "I'm sorry kung ngayon lang kita nasamahan."

"Okay lang, alam ko namang busy ka. Akala ko kasi si Sandy na naman ang makakasama ngayon sa huling pag-fit at pagkuha ko ng gown."

"I promised you na sasamahan kita ngayon, 'di ba? Let's go." Bumaba na ang binata at mabilis na umikot para ipagbukas siya ng pinto ng kotse. Inalalayan siya nito sa pagbaba ng sasakyan at magkahawak-kamay na silang naglakad patungo sa shop.

"Good morning po, Ma' am at Sir."
magiliw na bati sa kanila ng isa sa mga staff ng shop.

"Nathalie!" malakas na tawag sa kanya ni Chrissy, ang designer at may-ari ng shop na iyon. Ngiting-ngiti na sinalubong sila nito. Nakipagbeso-beso pa ito sa kanya. "Kanina pa kita hinihintay, Nathalie, dear."

"Hinintay ko pa kasi si Zigmund," nakangiting tugon niya.

"Bakit isinama mo siya rito?" tanong ni Chrissy na pinanlakihan pa ng mata ang binata. "No, ayoko! Hindi ako papayag na makita mo ang pag-fit ni Nathalie ng gown niya. Hindi puwede, malas 'yon!"

Natawa si Zigmund dito. "Ang alam kong kasabihan ng mga matatanda ay bawal isukat ng bride ang gown pero bakit mo hahayaang isukat ni Nathalie 'yon? 'Tapos ako pagbabawalan mong makita siya."

Pinagkrus ni Chrissy ang mga braso sa tapat ng dibdib nito. "Kagagahan 'yon kapag hindi isinukat ang gowns. Paano kung hindi pala kasya, 'di ba? Ang ayokong makita mo ang gown para ma-surprise ka kapag nakita mo na ang masterpiece ko sa wedding day ninyo!"

"Okay, hindi na ako magpipilit pero ipinapaalala ko lang na ako ang magbabayad ng gown na iyon," pabirong sabi ni Zigmund.

Sandaling hindi nakakibo si Chissy. Pigil ni Nathalie ang mayawa nang makita niya ang pag-ikot ng mga mata ng designer.

"Juanita! I-assist mo nga si Nathalie sa  pag-fit ng gown! Bilisan mo at baka mainip si Zigmund!" tawag nito sa isa sa mga tauhan sa shop. "Hindi kasi makapaghintay! Gusto mo ba, ipatawag ko na ang pari at makasal na kayo rito ngayon?"

Nathalie's Romance (Completed_published by Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now