Two

2 1 0
                                    

"Salamat, pare."

Tinapik niya ito sa balikat nang maibulsa na niya ang bayad nito sa serbisyo niya. "Salamat din. Ingat na sa susunod, baka paglamayan ka na niyan," biro niya.

Pabiro siyang sinuntok ni Joel sa braso. "Lol! Ako pa? Masamang damo yata ito."

Natawa silang pareho.

Sinakyan na nito ang motorsiklong inayos niya at halos paharurot na nag-drive paalis.

Iiling-iling na bumalik si Gel sa talyer na pinagtatrabahuhan. Alas siyete na ng gabi, oras na para sa pag-uwi. Dumaan muna siya sa katapat na karinderya para bumili ng lutong ulam. Laging kanin lang ang natitira sa hapunan niya dahil magmula nang makapag-abroad ang kaisa-isang anak ni Tiya Munda, si Kuya Estong, ay tinamad na itong magluto sa hapunan. Ang kanin na niluluto para sa tanghalian ay dinadamihan na lang para umabot hanggang sa hapunan, kaya bumibili na lang siya ng lutong ulam.

Ganoon ang rutina nila sa bahay.

Nasanay na siya roon.

Mula't-sapul naman ay alam niyang napipilitan lang sa kanya ang tiyahin. Wala na lang ito nagawa dahil ito lang ang kaisa-isang kapatid ng kanyang amang nasawi. Mabuti pa ang kanyang Kuya Estong, napakabait sa kanya. Itinuting siya nitong kapatid. Dito rin niya nadiskubre na siya pala ay may pusong-lalaki.

"Alis na po ako, Mang Damian," paalam niya sa may-ari ng talyer nang balikan niya ang kanyang motorsiklo sa garahe nito.

"Sige, mag-iingat ka, Angela."

"Si Mang Damian naman eh. Gel po."

"Babae ka, hindi gel."

Napapahimas na lamang siya sa batok. Isa si Mang Damian sa mga taong naghihinayang sa kanya. Sayang daw kasi ang ganda niya, ang lahi niya. Na tinutugon na lamang niya ng isang alanganing ngiti at isang palihim na malutong na ew.

Para sa kanya ay isa siyang adan, na sa kasamaang palad ay napunta sa katawang lupa ng isang babae.

Pagkakain ay lumabas siya ng bahay para magpahangin, o mas tamang sabihing magpalipad hangin kay Kate.

"Huwag kang magpapaabot ng hatinggabi sa labas, Angela. Sinasabi ko ito sa'yo, kahit magmakaawa ka ay hindi kita pagbubuksan!"

"Opo, Tiyang."

Napabuga siya ng hininga.

Pasasaan ba at makakaalis rin siya sa poder ng tiyahin niyang ito. Sa ngayon ay tiis-tiis lang muna. Hinihintay niyang tuparin ng kanyang Kuya Estong ang pangako nitong ihahanap siya ng trabaho doon sa Macau.

"Sambakol yata ang mukha mo, Gel? May problema?" Bati ni Kate nang maupo siya sa upuang bakal sa bakuran ng mga ito matapos siyang papasukin.

"Iyon pa ring dati. Alam mo na.."

"Hayaan mo na lang siya. O heto, gumawa ako ng paborito mong maja blanca, kumain ka. Para lumamig ang ulo mo."

"Salamat, ha?"

"Anytime."

Malambing sa kanya si Kate. Hindi ito gaya ng ibang babaeng natipuhan niya, na magpahaging lang siya ng bahagya ay agad na siyang iniiwasan na parang may ketong. Palibhasa ay kababata niya ito.

Nang malaman niyang may umusbong na damdamin sa puso niya para rito ay nag-alala siya. Baka kasi hindi nito magustuhan sakaling magtapat siya.

Pero napatunayan niya ang kabaitan nito nang hindi sinasadya ay masabi niya rito ang pagsinta niya para rito. Tinanggap nito ang panliligaw niya.

Two Of Us [On Hold]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon