Gaano ba dapat katagal bago ko masambit na oo nga, mahal na kita?
Gaano ba dapat katagal bago ko makompirma na ang puso kong inakala kong manhid...ngayon ay umiibig na?
Hindi ako naniniwala.
Ayaw kong maniwala na sa loob ng pitong araw, natagpuan ko ang sarili kong tuluyan nang nahulog sa iyo, ang utak kong noon ay blanko ay napuno ng pangalan mo at ang puso kong noon ay payapa, ngayon ay gulung-gulo.
Pero heto ako-sa apat na sulok ng entabladong ito, inaamin ang aking pagkatalo.
Pitong araw. Minahal kita sa loob lamang ng pitong araw.
Hindi mala-fairy tale ang una nating pagkikita.
Walang slow motion.
Hindi ako 'yung tipong isang prinsesa na sa wakas ay natagpuan na ang kanyang prinsipe.
Dahil sa unang araw na nagtagpo ang landas natin ay ang unang beses din ng ating pagtatalo.
Sino ka ba? Estranghero sa isa't-isa pero kung magsagutan ay parang matagal nang magkakilala.
Hanggang sa dumating ang ikalawang pagkakataon, at nakilala kitang talaga.
Isa... Dalawa... Tatlo... Apat... Lima...
Limang hakbang bago ka tuluyang nakarating sa aking harapan.
Inabot mo ang iyong kamay kasabay nang pagbigkas ng iyong pangalan.
Pangalan...na hindi nagtagal ay parang sirang plaka na paulit-ulit nang naglalaro sa aking isipan.
Ikatlo... ay ang araw na hindi ko alam kung paano mo pinakalma ang puso at utak kong litung-lito.
Dahil sa gitna ng pagkakataong inakala kong pag-iyak na lang ang solusyon, dumating ka.
Sinamahan mo ako.
At ang mga luhang kanina lang ay nagbabadya nang bumuhos ay napigilan mo.
Nang sumunod na araw ay muli kitang nakasama
Sa isang okasyon na matagal ko nang kinalimutan ang halaga
Sa ilang taon ng aking kaarawan na dumaan, ngayon lang muli ako sumaya
Dahil sa buong araw at gabing lumipas, sa'king tabi, nandoon ka.
Hindi ako naniniwala sa tadhana, ngunit nang dumating ang ikalimang araw...
Nang sabihin mong tadhana lamang ang pinanghahawakan mo ay natagpuan ko ang aking sarili na nagdarasal...
Sana nga ako na lang ang nakatadhana para sa iyo.
Nagbabaka-sakaling kung maniniwala rin ako, ay pakinggan ang panalanging ito.
Ang ikaanim na araw ay walang kasing saya.
Nandoon ako't pinagmamasdan ka.
Hindi ko alam kung bakit ang tunog ng 'yong pagtawa'y parang musika.
Ang sarap pakinggan. Ang sarap ulit-ulitin.
Ngunit nang dumating ang huling araw,
Ang araw na kasabay ng pagkompirma sa nararamdaman ko ay ang pagkompirma mong masasaktan lang ako.
Ang araw... na nadatnan ko ang aking sarili sa pagitan ng tamis at pait, sa mga ngiti at luha...sa pag-asa at pagsuko.
Sa ating tagpuan, dumating ka.
Dumating kang kasama siya.
Ang babaeng alam kong minamahal mo, hindi mo man pormal na ipakilala.
BINABASA MO ANG
From a Distance (Completed)
Teen FictionEveryone of us, even just for once, experienced to love someone from a distance.