Chapter 1

258 9 0
                                    

20 years later...

NAKAPIKIT ang mga mata ni Carsyn Bleu habang lulan ng isang bus patungong bayan. Bitbit-bitbit niya ang isang bayong na paglalagyan niya ng mga gulay at karneng bibilhin niya sa palengke.

Nakasalpak sa magkabila niyang tainga ang earpiece na nakakunekta sa cellphone niya habang pumapailanlang ang malamyos na tugtugin.

Nang maramdaman niya ang tuluyang pagtigil ng sinasakyang bus at ang pagbaba ng mga kapwa pasahero, saka lamang siya nagdilat ng mga mata. Bahagya niyang pinakawalan ang munting hikab na gustong kumawala sa mga labi niya saka niya ininat ang katawan na para bang nakakaramdam iyon ng pagkangalay. Hinintay niya munang makalabas ang lahat ng mga pasahero bago siya tumayo at bumaba na rin.

Kaagad niyang tinungo ang suking tindahan ng Nana niya upang kunin ang mga bibilhin na alam niyang nakahanda na sa oras na iyon dahil natawagan na ito ng Nana niya bago pa man siya umalis ng bahay.

Hindi pa man siya tuluyang nakakalapit sa tindahan ay tanaw na niya ang may-ari niyon na nakangiting kumakaway sa kanya.

"Mabuti naman at mabilis lang ang biyahe mo ngayon." salubong sa kanya ng ginang.

Bahagya niya itong ginawaran ng maliit na ngiti bilang tugon na ikinailing-iling ng ginang. "Ang tahimik mo talagang bata ka, kailan kaya kita maririnig dumaldal? Ang layo ng personalidad mo sa nanay mo. Siguro sa tatay mo ikaw nagmana." pahayag nito, gayunpaman ay hindi pa rin magawang ibuka ni Carsyn ang mga labi niya para magsalita.

Iniabot na lamang niya sa ginang ang dalang bayong. Kaagad naman nitong nakuha ang ibig niyang sabihin at kinuha mula sa kamay niya ang bayong sabay iling-iling pa rin ng ulo nito.

Habang hinihintay ni Carsyn na matapos ilagay sa bayong ang mga karne at gulay, inabala niya muna ang sarili sa patingin-tingin sa paligid. Lahat ay abala sa mga kanya-kanyang gawain.  Biglang napakunot ang noo niya nang may mapansin siyang kakaiba sa isang bahagi ng palengke.

Nilingon niya ang ginang para tingnan kung tapos na ba ito. Nang makitang hindi pa ay muli niyang tiningnan ang bahaging iyon ng palengke upang matiyak kung hindi ba siya nagkakamali ng nakita. Sa pagtanaw niya ay nakita niyang nandoon pa rin ang bagay na iyon kaya walang paalam sa ginang na tinungo niya ang bahaging iyon ng palengke.

Bago pa man niya marating ang sadya ay kakaibang enerhiya ang kanyang naramdaman na nagpatigil sa kanya.

"Ano iyon?" tanong niya sa sarili. Napakalakas ng enerhiyang kanyang nararamdaman at natitiyak niyang nanggagaling iyon sa bahaging iyon ng palengke.

Muli niyang inihakbang ang mga paa at ipinagpatuloy ang pakay ngunit isang malakas na pagsabog ang muling pumigil sa kanya!

Ramdam niya ang isang bagay na bumaon sa isang braso niya gayunpaman ay hindi siya nakaramdam ng anumang kirot o sakit mula roon. Huminga siya ng malalim nang makita ang pag-agos ng dugo mula sa braso niyang natamaan ng isang piraso ng bakal mula sa pagsabog. Walang pakialam sa paligid na hinawakan niya ang bakal at tinanggal iyon mula sa pagkakabaon sa braso niya na siyang lalong nagpalakas ng pag-alpas ng dugo mula rito. Muli na lamang siyang napabuntong-hininga.

"You shouldn't do that..."

Napaangat si Carsyn ng mukha nang makarinig siya ng boses ng isang babae. Sandali siyang napatitig sa mukha nito kapagkuwan ay muling ibinalik ang paningin sa kanyang sugat nang hindi nagsasalita.

"Don't you want to say anything?" rinig niyang muling salita ng babae pero hindi niya ito pinansin. Kinuha niya ang panyo sa bulsa at itinali iyon sa kanyang sugat upang maibsan ang pagdurugo. Ipapagamot na lamang niya iyon sa Nana niya pagkauwi.

"Hey! I'm talking to you!" anang muli ng babae.

Muli itong sinulyapan ni Carsyn ngunit bigla siyang napatigil nang mapansin niyang hindi gumagalaw ang mga tao sa paligid niya maliban sa kanila ng babae.

"Anong nangyayari?" tanong niya sa isipan.

Nilingon niya ang babae at bahagya siyang natigilan nang makitang hindi na ito nag-iisa. Lima na sila at parang may seryosong pinag-uusapan kaya hindi siya napansin ng iba pa. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon upang lisanin ang lugar. Kakaiba ang pakiramdam niya sa mga ito at alam niyang sa mga ito galing ang malakas na enerhiyang nararamdaman niya. Hindi siya maaaring magpabaya! Alam niyang hindi ordinaryong mga tao ang nasa harapan niya.

Nang tuluyang makalayo sa mga ito ay doon lamang naalala ni Carsyn ang mga pinamili. Medyo malayo na siya sa palengke pero ganoon pa rin ang sitwasyon. Hindi pa rin gumagalaw ang mga tao sa paligid, nagmistula tuloy ang mga itong istatwa. Kaya nasisiguro niyang nandoon pa rin ang mga nilalang na iyon. Baka nga hinahanap na siya ng mga ito dahil sa nakita sa kanya ng babae. Alam niyang may ideya rin ang mga ito na hindi siya normal na tao. Napabuntong hininga na lamang siya. Kailangang malaman ito ng Nana niya.

Kukunin na sana niya ang cellphone sa bulsa para tawagan ang Nana niya nang muli na naman siyang matigilan nang muli makaramdam ng kakaibang enerhiya! Ilang beses na ba siyang natigilan sa araw na iyon?

Kakaiba sa una niyang naramdaman ang awrang papalapit sa kanya. Ramdam niya ang pagiging negatibo niyon at alam niyang hindi maganda ang dulot niyon sa kanya ngunit wala siyang ibang magagawa kundi ang harapin kung sinuman ang nilalang na paparating.

Humugot siya ng malalim na hininga at inihanda ang sarili. Pinasadahan niya muna ng tingin ang kanyang sugat sa braso para matiyak na maayos pa rin ang pagkakatali ng panyo roon bago niya ipinikit ang mga mata at pinakiramdamang mabuti ang paligid.

Napalunok siya ng sariling laway nang may maramdaman siyang isang bagay na mabilis na bumubulusok papunta sa gawi niya! Bago pa siya nito tuluyang matamaan, kusa nang kumilos ang sarili niyang katawan para iwasan ang bagay na iyon!

"What a surprise. You have such fast reflexes."

Mabilis na nilingon ni Carsyn ang nagsalita. Isa itong lalaki na nakakapa ng kulay pula gayunpama'y isa lang ang nakakuha ng kanyang atensyon. Ang nababaga nitong mga mata sa pula.

"Tama nga ang balita, may mga diwatang nagpapanggap bilang mortal sa mundong ito." nakangising turan nito habang pinapasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.

Hindi umimik si Carsyn. Hindi rin siya na nagpakita ng kahit na anumang emosyon dito na siyang madalas niyang ginagawa kapag hindi niya gusto ang kaharap. Pinag-aralan niyang mabuti ang itsura nito pati na ang aura nito at isa lang ang natitiyak niya sa mga sandaling iyon. Nasa panganib siya!

"Agru! Kami ang harapin mo!"

Sabay silang napalingon sa sumigaw at kaagad ang mga itong nakilala ni Carsyn. Sila ang mga nilalang kanina.

"Fucking deciples..." bakas sa boses ng lalaki na hindi nito nagustuhan ang pagsulpot ng mga bagong dating. "I will kill you all now!"

"You wish!" kaagad na sagot ng isa sabay sugod sa lalaking nakakapa ng kulay pula.

Ganoon din ang ginawa ng iba. Pinagtulungan nila ang lalaki na sa tingin ni Carsyn ay Agru ang pangalan, ngunit parang hindi pa rin sapat ang lakas nilang lima para talunin si Agru.

"Ang lakas niya." bulong ni Carsyn sa sarili. "At isa siyang demon. Napakalakas na demon." dagdag pa niya.

Natigilan mula sa malalim na pag-iisip si Carsyn nang marinig ang mga daing ng limang nilalang. Pare-pareho na ang mga itong bagsak ay may kanya-kanyang dinadaing sa katawan. Nang lingunin niya si Agru ay parang wala lang dito ang nangyaring labanan.

Mahigpit niyang naikuyom ang mga kamao. Hindi niya alam kung makikialam ba siya sa nangyayari o hindi. Ngunit nang makita niyang muling aatakehin ni Agru ang limang nilalang gamit ang itim nitong kapangyarihan, kusang kumilos ang katawan niya upang lumikha ng isang protective seal laban sa ataking iyon. Huli na para ma-realize niya ang ginawang hakbang.

-F. Sylveon

Heart Of SwordTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon