Chapter 4

146 7 0
                                    

NAALIMPUNGATAN si Carsyn nang maramdaman niya ang presensya ng Nana niya sa labas ng pintuan ng kwarto niya.

Napakunot ang noo niya, hindi dahil sa presensya ng Nana niya sa labas kundi sa biglang pagtalas ng pakiramdam niya. Kaagad na lumipad ang paningin niya sa kalendaryong katabi ng orasan niya sa lamesang katabi lang din ng kama niya.

March 19, 2020

Walang anumang espesyal sa araw na iyon. Katulad lang din ng isang ordinaryong araw sa isang tahimik na lugar.

Napailing na lamang si Carsyn sa kung anu-anong pumapasok sa isipan niya. Baka sadyang malakas lang ang presensya ng Nana niya dahilan para maramdaman at magising siya dahil doon.

Ngunit hindi roon nagtapos ang mga nararamdaman niya, dahil maging ang aura ng kapaligiran niya nang lumabas siya ng kanyang silid ay ramdam na ramdam din niya.

"Ano bang nangyayari?" takang tanong niya sa sarili.

"Gising ka na pala."

Kaagad gumawi ang paningin ni Carsyn sa Nana niyang kakapasok lang ng bahay nila.

"Nakahanda na ang pagkain mo sa lamesa, kumain ka na..." dagdag pa nito kapagkuwan.

"Sige po." tugon niya rito bago tumungo sa kusina ngunit bago pa siya makarating doon ay kakaibang presensya na naman ang naramdaman niya at natitiyak niyang hindi iyon parte ng kalikasan.

Napakunot ang noo niya.

"May problema ba?" tanong ng Nana niya na napansin ang ekspresyon ng kanyang mukha.

"May paparating." aniya sa mababang boses ngunit tiyak, "at hindi maganda ang kanilang sadya."

Sa tinuran niya ay biglang naging alerto ang Nana niya. "Mukhang mangyayari na at hindi na natin ito maiiwasan pa."

"Anong ibig niyo pong sabihin?" kunot ang noong tanong ni Carsyn sa tinuran nito.

"Ang nakatakda. Mukhang ito na ang katapusan ng tahimik mong buhay anak."

Pagkasabi niyon ng Nana niya ay ang pagsidatingan ng mga nakakapang-itim, may kanya-kanyang sandata ang mga itong dala  ngunit hindi iyon ang nakakuha ng atensyon ni Carsyn kundi ang mga mata ng mga itong walang kasing itim.

Walang sabi-sabing sinugod sila ng Nana niya ng mga ito na kaagad naman nilang nilabanan. Dalawa laban sa lima.

Kahit hindi alam ni Carsyn kung ano ang sadya ng mga ito sa kanila ay hindi na siya nag-usisa pa. Sa aura pa lamang ng mga kalaban ay nahihinuha na niya ang pakay ng mga ito sa kanila. Ang patayin sila. Kung bakit? Iyon ang aalamin niya pagkatapos niyang labanan ang mga ito.

Ilang minuto rin ang lumipas na pawang mga kalansing ng mga sandata at pagkabasag ng mga gamit ang maririnig sa loob ng kabahayanan nila bago nila tuluyang mapabagsak ang mga pangahas na lumusob sa kanila.

Nang matiyak niyang wala nang mga buhay ang mga ito, walang inaksayang oras si Carsyn, kaagad niyang binaling ang mga mata niya sa Nana niya na noon ay parang inaasahan na ang magiging reaksyon niya.

"Oras na."

Pagkabanggit niyon ng Nana niya ay ang biglang pagliwanag ng katawan ni Carsyn kasabay niyon ang pagdaloy ng kakaibang enerhiya sa katawan niya na pakiramdam niya'y lalong nagpalakas sa kanya.

"Anong ibig sabihin nito?" hindi na niya mapigilang tanong, ang kaguluhan sa isipan niya dahil sa mga nangyayari ay lalo pang nadagdagan nang may markang biglang lumitaw sa kanang palapulsuhan niya. Isang simbolong hindi niya mawari kung ano ang ibig sabihin.

"Nana!"

MATAPOS mawala sa katawan ni Carsyn ang liwanag na iyon, natagpuan niya ang sarili sa isang hindi pamilyar na lugar. Kaagad na hinanap ng mga mata niya ang kanyang Nana ngunit hindi niya ito mahagilap dahilan upang lumukob ang pangamba sa kalooban niya.

"Nasaan ako?" tanong niya sa sarili habang maiiksi ang mga hakbang na nililibot ang kinaroroonan.

Matatayog at naglalakihang mga punong-kahoy na hindi rin pamilyar sa kanya ang kanyang nakikita. Kakaiba rin ang presensya ng paligid kaya natitiyak ni Carsyn na hindi pangkaraniwang lugar ang kinaroroonan niya. Ramdam niya ang kakaibang hiwaga na bumabalot sa buong lugar.

Isang kaluskos ang kumuha ng atensyon niya na kaagad niyang sinundan ng tingin ang pinagmulan niyon ngunit wala siyang mahagilap na kahit anong uri ng nilalang doon, gayunpaman ay ramdam niya ang presensya nito na ikinakunot ng noo niya.

"Sino ka?" mahina ngunit buo ang boses niyang tanong sa kung sino man ang naroroon ngunit walang sumasagot sa kanya.

Mas lalong lumalim ang gitla sa noo niya nang mapansin ang kakaibang galaw ng tubig na hindi kalayuan sa kinatatayuan niya. Nasisiguro niyang doon nanggagaling ang aurang nararamdaman niya. Dahan-dahan ang ginawa niyang hakbang papalapit sa nasabing tubig ngunit bigla rin siyang natigil nang kusa iyong gumalaw at bumuo ng isang anyo-- anyong kabayo!

At ang mas nakapagpagimbal pa sa kanya ay ang marinig niya itong magsalita!

Kunot ang noong pinag-aralan niya ang anyo nito. Tubig na anyong kabayo. Pamilyar sa kanya ang itsura nito pero hindi niya mahagilap sa memorya niya kung saan niya ito nakita, o tamang sabihin ay nakita na nga ba niya talaga ito?

Gayunpaman ay isinawalang-imik na lamang niya ang pagtataka at lakas ang loob na kinausap ito kahit hindi niya ugali ang kumausap ng estranghero.

"Anong kailangan mo sa akin?"

"Nandito ako upang gabayan ka." walang pag-aalinlangang tugon nito sa tanong niya na muling nagpakunot ng noo niya.

"Gabayan saan?"

"Sa iyong paglalakbay."

"Paglalakbay patungo saan?"

"Patungo sa tunay mong mundo. Sa Partiuo."

"Partiuo? Saan iyon? Anong klaseng mundo iyon?"

"Mundo ng mga nilalang na katulad ko--mo... Katulad natin..."

"Anong ibig mong sabihin?" puno ng pagtatakang usisa pa ni Carsyn.

"Malalaman mo rin pagdating natin doon."

Sa narinig ay doon lamang naalala ni Carsyn ang kinaroroonan nila. Nahihinuha niyang nasa gitna sila ng kagubatan na hindi niya alam kung saang panig ng mundo naroroon. "Paano tayo makakarating doon? Sa sinasabi mong Partiuo?"

"Katulad ng sinabi ko, maglalakbay tayo, ibig sabihin ay maglalakad tayo mula rito hanggang Partiuo."

Hindi mapigilan ni Carsyn na mapataas ng kilay sa narinig. "Ilang kilometro ba ang lalakaring natin?"

Umiling ang kabayong tubig sa tanong niya, "Hindi lang kilometro, binibini... kundi milya... Milya-milya ang lalakbayin natin."

"Ano!"



*******

-F. Sylveon

Heart Of SwordWhere stories live. Discover now