Kabanata 16

2.6K 149 116
                                    

"Ikinagagalak kong makilala ka, Binibini." pagbati ni Immanuel.

"Binibini?" tanong niya dahil hindi pa rin ako kumikibo.

Natauhan ako dahil napansin kong nakatulala lang ako sa kaniya. "I-Ikaw?" mahina kong tanong. Nagtaka ang hitsura nila. "Ikaw ang nagligtas kay Vicente sa Plaza?" tanong ko.

", Señora. Wala nang iba." Inilagay na niya ang kamay niya sa likuran dahil hindi ko ito hinawakan noong nagpakilala siya.

"Narito na pala ang tagapagligtas ng aking anak," pagbati ni Don Lucio kay Immanuel. At tinapik niya ito sa balikat. "Ika'y bata pa noong huli kitang nakita, Immanuel." Tinignan niya si Manuel mula ulo hanggang paa. Naramdaman ko kaagad ang kaunting tensiyon sa pagitan nila.

"Madalas lang din akong nasa San Isidro, Don Lucio," sagot ni Immanuel. Napalunok na lang ako.

Maya-maya pa ay sabay-sabay na kaming umupo sa hapagkainan. Katabi ko sina kuya Antonio at Ina, samantalang nasa tapat namin sina Vicente, Manuel, at ang lalaking matanda na kasama ni Manuel. Nasa kabisera naman nakapuwesto si Ama at Don Lucio. Lahat sila ay nakasuot ng damit pang-sundalo. Ito ay simbolo na kagalang-galang silang mga tao.

Nagdasal muna kami sa pangunguna ni kuya Antonio at nang matapos ay sabay-sabay ulit kaming umupo.

"Nakarating sa akin ang balitang nailigtas ni Heneral Immanuel ang mapapangasawa ng aking unica hija na si Rosenda. Labis ding nagalak ang aking amigo na si Don Lucio nang malaman niyang ang tagapagligtas ng kaniyang anak ay nagmula pa sa karatig-bayan." Panimula ni Ama.

Naalala ko naman bigla iyong kinuwento sa akin ni Vicente tungkol sa mga unang nagtatag ng bayan ng San Isidro at De la Vega.

"Magiting talaga ang aking anak. Pinalaki ko siya bilang isang heneral na hinaharap ang mga kalaban nang buong tapang." Napatingin ako sa matanda na katabi ni Immanuel. Maliit lang ito, pero maputi siya. Maputi na rin ang kaniyang buhok at may bigote rin ito.

Paano siya naging ama ni Manuel? Ang sinabi sa akin ni Manuel noong nasa kampo ako ng mga rebelde ay isa siyang mahirap na tao at namatay ang kaniyang pamilya nang dahil sa mga opisyales dito sa bayan namin. Hindi ko maintindihan ang lahat.

"Alam naman natin ang kaunting hidwaan sa pagitan ng bayan ng San Isidro at bayan ng De la Vega, subalit lumalakas na ang puwersa ng mga rebelde. Kailangan nating isantabi ang maliit na hidwaan na ito at pangunahan ang mga pupuwedeng gawing aksiyon upang masugpo ang mga rebeldeng ito," tugon ni Don Lucio.

"Tienes razón. Kailangan na nating isantabi ang hidwaang ito at magtulungan para mapabagsak ang mga tulisan sa pamahalaan. Bilang isang gobernador-heneral ng bayan ng San Isidro ay tungkulin ko ang marapat na katapatan sa ating pamahalaan. Sumasang-ayon ba kayo mga ginoo?" tanong ng ama ni Manuel sabay inom sa kaniyang alak.

Tumango sina Ama at Don Lucio na parang nagkakaintindihan silang tatlo.

Nag-umpisa na silang kumain pero ako ay naiwang nakatulala. Hindi ko akalaing nilinlang ako ni Manuel para isipin kong isa siyang indio.

Pero, naalala ko ang mga panahon na kung saan dapat noon pa lang ay naghinala na ako. Noong nasa kampo nila ako ay naalala ko na nagmura siya gamit ang wikang Español. Pangalawa ay noong nakita ko siya sa simbahan noon. Maayos ang kaniyang kasuotan. At pangatlo, noong kumain ako sa lugawan, tinawag siya ng ale roon bilang isang 'señor' pero tumayo siya para bulungan ang ale na ito. Siguro ay para hindi ko mahalata na galing siya sa mayamang pamilya.

Hindi rin siya nakita ni Vicente noong panahon na dinakip niya ako dahil nakatakip ang mga mukha nila kahit pa noong ibinalik nila ako at itinulak sa lupa.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon