Kabanata 18

2.6K 144 153
                                    

Third Person's Point of View


Ilang taon nang nagtatrabaho ang binatang si Tope sa hacienda ng pamilyang Erasquin o mas kilala bilang hacienda Lafuente ng karamihan. Hindi na rin kasi tanyag ang apelyidong 'Lafuente', sapagkat wala nang gumagamit ng apelyidong ito.

Matagal nang hindi bumibisita ang pamilya ni Dalia sa hacienda mula nang mamayapa ang lolo nito na si Fernando. Ilang taon nang hindi nakikita ni Tope ang batang noon ay pinatahan niya, ang batang sinagip niya sa muntikang pagkahulog sa tulay noong oras na nagtangka siyang tapusin ang kaniyang buhay.

Sampung taon na rin ang lumipas simula nang makita niya si Dalia. Sigurado siya na dalaga na ito ngayon at hindi na siya naaalala nito.

Sa paglipas ng panahon ay paunti-unting humina ang kita ng sakahan sa hacienda dahil na rin ng pag-usad ng progreso, mga bagyo, at pagtatayo ng iba't ibang establisiyemento sa karatig-bayan nila na tinatawag nilang bayan ng San Isidro.

"Tope, nakatanggap ako ng balita sa tatay ni Dalia. Magbabakasyon daw sila ngayon dito sa hacienda. Magandang tumulong ka sa paglinis sa mansiyon nila. Matagal na ring walang nakatira d'yan, kaya asahan mong maalikabok sa loob."

Napatingin ang binata kay tatay Paseng na matandang-matanda na. Sampung taon lang ang lumipas, pero bakas sa kaniya ang ilang taon nitong itinanda.

"Opo, tatay Paseng. Kailan daw sila darating?" tanong ng binata na abala sa paglalatag ng mga bigas sa arawan.

"Tumawag lang si sir Rey kanina sa akin sa telepono ko. Baka mamayang hapon daw ang dating nila. Gusto nilang magbakasyon para naman daw masuri ni sir Rey ang hacienda. Nako! Madidismaya iyon kapag malaman niyang mas umaarangkada ang kabilang bayan ng San Isidro sa sakahan."

"Gano'n po ba? Sige, uumpisahan ko nang maglinis sa bahay nila. Maiwan ko muna sa inyo ang mga bigas na ito tatay Paseng." Kaagad na pumunta ang binata sa lumang mansiyon na dating pagmamay-ari ng Lafuente. Napailing ang binata noong makita niyang halos tuklap na ang pintura ng mansiyon, at ninakaw na rin ng mga tambay ang magagandang pigurin na nakalagay sa gate ng mansiyon. May ilang ilaw na rin sa loob ng bahay na ito, ngunit malapit na rin itong mapundi.

Pumasok ang binata sa loob at may tatlong kasamahan siya na naglilinis na roon. Tinanguan niya lamang ito. Kilala naman nila na hindi palasalita si Tope.

Tumambad sa kaniyang harapan ang isang malaking hagdanan na gawa sa kahoy. Napa-buntonghininga ang binata habang humahakbang siya paakyat. Nais niyang linisin ang mga silid na nasa itaas upang makatulog nang komportable ang pamilyang Erasquin.

Hindi naman mainit sa loob, ngunit ramdam ni Tope ang pawis sa kaniyang katawan. Animo'y bawat hakbang na kaniyang ginagawa ay lumalapit siya sa isang bagay na alam niyang ikasasama niya. Bawat langitngit sa lumang kahoy na kaniyang inaapakan ay nagmimistulang simbolo ng takot para sa binata.

Isiniksik niya ang kaniyang mga naiisip sa likod ng kaniyang mga alaala at nag-umpisa na lamang siyang maglinis ng mga silid. Pinalitan niya ang lahat mula sa kubrekama, punda ng unan, at winalis ang ilalim ng kama pati na rin ang sahig. Binasahan din niya ang bintana, at sinigurong pulido ang pagkakatanggal sa mga alikabok. Napangiti naman ang binata sa sarili dahil nalinis niya nang marapat ang mga silid.

Maya-maya pa ay nakaring ito ng ingay mula sa ibaba. Hindi namalayan ng binata na hapon na pala, at baka ngayon na ang dating ng pamilya Erasquin. Napasilip sa bintana ang binata at nakitang bumaba ang ama at ina nina Dalia. Sumunod naman ang nakababatang kapatid ni Dalia na si Delilah at nakaalalay ito sa tiyan ng ina. Buntis ang nanay ni Dalia, kaya naman ay marami ang umalalay sa kaniya.

131 Years (PUBLISHED)Where stories live. Discover now