Kabanata 54

3.7K 181 196
                                    







1:31 pm.

1:31 pm ang oras ng kamatayan ni Vicente De la Vega.

Doon tumigil ang kamay ng orasan na siyang simbolo ng buhay niya.

Idinikit ko sa aking puso ang kuwintas niya. Napasandal ako sa isang pader habang umiiyak pa rin. Alam ko na pinagtitinginan na ako ng mga taong dumaraan, pero wala na akong pakialam.

Ramdam na ramdam ko sa katawan ko ang pagkawala niya. Tumatagos ito sa kaibuturan ng aking puso at kaluluwa. Ito 'yong sakit na magagawang kontrolin ang buong katawan, diwa, at puso mo. Ito 'yong sakit na hindi ko hihilingin na maramdaman ng kahit na sino.

Napatingin ako sa aking daliri kung nasaan ang singsing ko. Hinalikan ko ito at napapikit. Hiniling ko na sana, pagdilat ng mata ko ay makikita ko si Vicente sa harap ko na nakangiti at kumakaway sa akin.

Ngunit noong idinilat ko ang mga mata ko ay tumambad lang sa akin ang maingay na Maynila. Mausok, magulo, at maraming tao, salungat sa panahon na pinanggalingan ko.

May grupo ng mga estudyanteng babae ang dumaan. Tinignan nila ako mula ulo hanggang paa. "My god, what's wrong with her?" bulong ng isa sa kanila.

"Maybe she's crazy," tugon ng isa.

"Tara na, girls, baka biglang mamato 'yan."

Lumayo na sa'kin ang magkakaibigan. Hindi ko sila pinansin. Hindi naman nila ako maiintindihan.

Napahawi ako sa aking buhok, at saka ko idinantay ang kamay ko sa pader. Napahawak ako sa aking dibdib dahil nararamdaman ko ang paninikip no'n.

"Vicente..." pagtawag ko sa pangalan niya sa pag-asang makita ko ang nag-aalala niyang mukha.

Noong ipinikit ko ang mga mata ko, siya lang ang nakita ko hanggang sa tuluyan nang naghari ang kadiliman.








IMINULAT KO ang mga mata ko at isang nakakabulag na liwanag ang tumambad sa akin. Napapikit at napakurap pa ako nang ilang beses.

Noong nag-adjust ang paningin ko ay nasilayan ko sa tabi ko sina Daddy, Delilah, at Carlo. Hindi ako nagsalita. Niyakap ko lang sila nang mahigpit. Hindi ko mapigilang umiyak, dahil kahit mabigat ang nararamdaman ko, masaya ako dahil kasama ko ulit ang pamilya ko. "Miss na miss ko kayo...kung alam niyo lang," nangingiyak kong sinabi.

Noong humiwalay ako sa pagkakayakap sa kanila, napansin ko na nagtataka sila. Inilibot ko saglit ang paningin ko sa paligid. Nasa ospital pala ako. Saka ko lang naalala na hinimatay ako sa kalsada.

"Ate, you're being weird," sabi ni Delilah. Parang ang tagal ko siyang hindi nakita. "What happened?"

Sumabad si Daddy. "Anak, may nakakita raw sa'yo sa kalsada kaninang tanghali. Tinawagan lang kami ng ospital na nandito ka na." Aniya.

Nanatili akong nakatingin sa kanila na parang hindi makapaniwala. Sa lahat ng pinagdaanan ko, at sa lahat ng nangyari sa akin, wala silang kamalay-malay na malaki na ang pinagbago ng Dalia na nakilala nila. Binago ako ng panahon na iyon, maging ang pananaw ko sa buhay.

"My gosh, Ate, ano ba'ng ginagawa mo sa buhay mo? Mamayang gabi na ang Senior's Ball mo, then now mo pa naisipan na himatayin sa kalsada?" singhal ni Delilah.

"T-Teka, March 11 ngayon?"

Nagkatinginan sina Daddy at Delilah. "Of course!" napasapo ang kapatid ko sa ulo. "Dad, ikaw na nga ang kumausap dito kay Ate," natawa pa ito. "But hey, I'm glad that you're okay." Ginulo niya ang buhok ko at hinawakan sa kamay si Carlo. Niyaya niya itong bumili ng minandal sa labas.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon