Chapter CPH4-1028-17

34 2 0
                                    

Tirik na tirik ang araw at kaniyang init ay nangangagat. Naglalakad silang magkakaibigan patungo sa gilid ng administration building. Dito dumadaan ang mga kasapi ng mga clubs papuntang sublevel 1 ng gusali.

"Dalawahan tayong papasok para hindi magtaka ang mga tao sa loob kung mayroon man. Kunwari mga kasapi tayo ng mga clubs. Kapag nakapasok na kayo, hanapin niyo agad ang hagdan papuntang sublevel 2," wika ni Ervin.

"Malaki ang tsansang nasa pinakadulo iyon ng pasilyo," saad ni Vincent.

Unang pumasok sina Romeo at Vince. May mga saradong silid ng mga clubs at may iba namang nakabukas. Wala ring masyadong tao sa loob. Nang marating nila ang dulo ng pasilyo ay wala silang nakitang hagdanan o 'di kaya'y pintuan papuntang sublevel 2. Hinintay na lang nilang makarating ang iba pa nilang kasama.

Ilang sandali pa lamang ay nakapasok na ang lahat nang walang naghinala. Malayo sila sa mga silid ng mga clubs na may tao.

"Saan na?" tanong ni Vince na pinagpapawisan na dahil sa init ng lugar na kanilang kinatatayuan.

"Huwag na lang natin 'tong ituloy. Wala naman tayong mapupuntahan dahil sinarado na talaga nila. Ang init pa rito, paano na lang sa ilalim," reklamo ni Melody.

"Baka may secret door," sabi ni Bryan habang tinutulak ang bawat bahagi ng pader.

"Sinarado na nga, eh. Maglalagay pa kaya sila ng secret passage dito?" pagsaway ni April.

"Bakit ba palagi mo na lang akong sinasalungat at pinipigilan?" asik ni Bryan na nakapagpagulat sa kasintahan at sa mga kaibigan. Natulala si April dahil sa kaniyang narinig. "Hindi pa nga tayo mag-asawa, inaander de saya mo na ako. Paano pa kaya kung magkasama na tayo sa iisang bahay? Mas mabuti pa kung hindi na tayo umabot doon."

"Naririnig mo ba ang pinagsasabi mo?" galit na rin na tanong ni April.

"Guys! Huwag na muna kayong mag-away. Pwede ba? Baka marinig tayo at paalisin dito," pagpigil ni Bruce. Natahimik silang dalawa at tumingin lang sa magkaibang direksiyon habang nakasimangot at may galit pa rin sa mukha.

"Kayo na lang ang tumuloy. Nawalan na ako ng gana," malamig na wika ni Bryan. Tinalikuran niya si April at naglakad papalayo sa kanila.

"Sige! Diyan ka naman magaling, eh. Sabihin mo na lang na nawawalan ka na ng gana sa akin," sigaw ni April sa papaalis na kasintahan subalit hindi siya pinansin nito. Ibinaling niya ang kaniyang atensiyon sa mga kaibigan na walang mga kibo habang nanonood sa mga nangyari. "Ituloy na natin 'to. Bahala siya sa buhay niya." May bahid ng inis at galit ang nakakunot-noong mukha ni April habang idinampi ang kaniyang mga kamay sa sahig ng pasilyo. Nakita niya ang itsura ng kanilang kinaroroonan bago pa ipinagbawal ang pagpunta sa sublevel 2 at 3. "Sirain mo 'yan, Aries," utos niya habang itinuturo ang pader na nasa kanang bahagi kapag nakatalikod sa kanilang pinasukan at dinaanan.

"April, huminga ka nga muna ng malalim at kumalma. Nakaka-tense ka, eh," sambit ni Melody.

Huminga nang malalim si April at ibinuga niya iyon kasabay ang pagbagsak ng mga balikat. "Pasensiya na."

"Sisirain ko na ba?" tanong ni Aries na nakapuwesto na sa harap ng pader na itinuro ni April.

"Dahan-dahanin mo lang para hindi masyadong magdulot ng ingay," saad ni Ervin at lumingon muli sa direksiyon na kanilang pinanggalingan. Tinitingnan ang sitwasyon sa bahagi ng pasilyo malapit sa mga silid ng mga clubs.

Sinipa nang malakas ni Aries ang pader na naging dahilan upang ito'y mawasak at binalot sila ng makapal na usok dulot ng alikabok. Napaubo sila at dumistansya muna sa wasak na pader.

UNLOCKED: Serum CPH4-1028 (Completed)Where stories live. Discover now