Chapter CPH4-1028-20

26 4 0
                                    

Anim na taon ang nakararaan...

"Rhea! Nasaan si Jea?" tanong ni Hartly na kararating pa lamang sa kanilang pinag-usapang lugar na pagkikitaan sa loob ng unibersidad. Si Hartly ay isang 2nd year BS Chemistry student habang sina Rhea at Jea naman ay 2nd year BS Biology student. Simula noong highschool pa lamang sila, palagi na silang magkasama sa mga Science contests hanggang ngayong nasa kolehiyo na sila. May ginagawa silang pananaliksik sa larangan ng Biochemistry na ibibida sa paparating na National Research Congress at ang kanilang adbayser ay si Ms. Urbano.

"Dumaan na muna siya saglit sa canteen kasi hindi siya nakapag-almusal sa boarding house niya. Pero patapos na naman daw siya," sagot naman ni Rhea habang naghihintay at naka-upo lamang sa bench sa TAC Groundfloor.

"Na-print mo ba 'yung chapter 4 and 5 na gustong mabasa ni Ms. Urbano?" untag ni Hartly habang may hinahanap na papel sa kaniyang bag.

"Tapos na. Ito nga dala ko na," sagot ni Rhea habang ipinapakita sa kaibigan ang puting sliding folder na naglalaman ng tinatanong ni Hartly.

"Siya nga pala! May nagawa na akong draft para sa display board natin," wika ni Hartly nang mahanap ang papel sa kaniyang bag kung saan nakasulat ang draft ng kanilang display board.

"Mas mabuti sigurong tarpaulin ang gamitin natin kaysa plywood or illustration board. Ano sa tingin mo?" suhestiyon ni Rhea. Sakto namang dumating si Jea.

"Pasensiya na kayo't nahuli ako," bungad agad ni Jea.

"Jea, may suhestiyon si Rhea na mag-tarpaulin na lang daw tayo instead of illustration board para sa display."

"Go ako diyan! Mas mabuti na 'yun kasi mas madali ang paggawa natin. May templates namang makikita online." pagsang-ayon nito. May iniabot si Jea kay Hartly na mga papel. "Iyan na 'yung para sa Appendix natin. Kasama na riyan ang lahat ng letters, gantt chart at liquidation of expenses."

"Nakita mo ba 'yung pinadala ko sa'yong biographical data kagabi?" tanong ni Rhea.

"Naisali ko na rin pati ang experimental raw data, mga larawan noong nag-experiment tayo kasama si Ms. Urbano at lahat ng nasa listang ibinigay ni Hartly," sagot naman ni Jea at ngumiti.

"Ang sipag, ah!" pabirong kantiyaw ni Rhea sa kaibigan at nagtawanan na lamang sila.

"Ako na ang mag-aabot kay Ms. Urbano nitong hinihingi niya," pagpresenta ni Hartly na sinang-ayunan ng dalawa.

Matapos ang kanilang pag-uusap, naghiwalay na sila ng landas. Nagpunta na sina Rhea at Jea sa Biology Laboratory habang si Hartly ay sa SM Hall dahil una niyang klase sa umaga ay Physical Education.

Pawisan si Hartly nang matapos ang kaniyang klase sa P.E. kaya nagpunta siya sa palikuran sa administration building. Nang makapagbihis, agad siyang lumabas ng palikuran dahil may ibibigay pa siya kay Ms. Urbano na sakto namang naglalakad sa hallway ng building. Hinabol niya ito subalit hindi na niya naabutan pa dahil sumakay na ito ng elevator.

Sa pagkakaalam niya, may research facility sa sublevel 2 kaya naisip niyang doon patungo sa Ms. Urbano. Napagpasiyahan niyang maghagdan na lang papunta doon. Pagkarating niya sa sublevel 2, hinanap niya si Ms. Urbano at tinatanong ang mga nakakasalubong na mga nakaputing lab gown subalit walang may alam. Nawalan na siya ng pag-asa kaya naglakad siya pabalik nang napansin niya ang madilim na hagdan patungong sublevel 3. Hindi niya namalayang dinala na siya ng kaniyang mga paa pababa. Nagulat siya nang may narinig na mga nag-uusap.

UNLOCKED: Serum CPH4-1028 (Completed)Where stories live. Discover now